Monday, August 13, 2007

Enemy of the STATE o enemy ni Ate Glo?

Bibigyan ng amnestiya ang lahat raw ng “enemy of the state” maliban lamang sa mga kriminal na naconvicted na sa ilalim ng batas. Ito ang pahayag at naiisip na pangunahing panukala ni Tainga de Venecia upang kahit paano'y “mawakasan na raw ang kaguluhan politikal at pagiging watak-watak ng ating lipunan.”

Saang hinugot, saan nanggagaling si Speaker De Venecia sa panukala nitong amnestiya sa mga "enemy of the State," sa inaasahang verdict o paghuhusga kay Pres Erap Estrada, sa ibang solar system o sa ibang galaxy?
Nakapatungkol kaya ang sinasabing "enemy of the state" sa mga katulad ni Sen Trillanes at sa mahigit dalawampu pa nitong kasamahang Magdalo officers, kay Nur Misuari, mga political opposition, kay Etta Rosales ng Akbayan, Dinky Soliman, kay Bishop Tobias, Cruz, Lagdameo o kay Caloocan Bishop Iniguez? Kung ganito mag-isip ang mga pulitiko, kung ganito kaTANGA ang pamunuan ng Kongreso, wala nga talaga tayong patutunguhan.

Una sa lahat, ang estado ba ay si Ate Glo o si General Esperon? Sino ba ang enemy of the state, ang nagpapahina, tumi-terrorized sa state? Sino ba ang lumulumpo't tumatarantado sa mga institusyon ng state? Kung ipipilit ni Tainga de Venecia na si Ate Glo't Esperon ang estado, mauulit na naman tayo sa diktadura, sa authoritarian rule.

Kung alam lang ni Tainga na ang Estado ay binubuo ng iba't-ibang mga institusyon at ang gubyerno't burukrasya ay isa lamang bahagi ng tinatawag na pamahalaan o estado, hindi siya magiging katawa-tawa. Ayon sa Wikipedia, "ang estado ay malawak, isang political association na bumubuo't namamahala sa isang teritoryo o geographic area. Binubuo ito ng sandatahang lakas, burukrasya, korte, police at mga institusyon o awtoridad na namamahala ng isang lipunan, isang teritoryo at Konstitusyon." So, definitely isang bahagi lamang o hindi estado si Ate Glo.

Kaya't sa katanungang sino ang "enemy of the state," maaring kasunud na tanong dito ay sino naman ang nagpapahina at gumagahasa ng state? Sa loob ng anim na taong panunungkulan, maliwanag pa sa sikat ng araw na si Ate Glo, si Esperon, ang dalawang praning na Gonzales (DOJ at Security) at si Tainga de Venecia ng Kongreso ang mga "enemy of the state?" Hindi lang sa binaboy nito ang Konstitusyon, sinalaula ng mga 'to ang mga demokratikong institusyong nagpapatatag at nagpapalakas ng estado.

Ang kabulukan ng sistemang pulitikal at elektoral ang pumilay sa estado. Ang kawalan ng tunay na partido politikal, ang negative zero credibility ng Comelec, ang paralisasyon ng tatlong sangay ng gubyerno; ang lehislatura, ang ehekutiba't hudikatura at ang political uncertainty ang salarin kung bakit mahina't lugmuk ang ESTADO. (kuha mula sa: newsimg.bbc.co.uk/.../_41812438_afp_sign203.jpg)
Sapagkat elite o maka-elite ang sistema ng halalan at pulitika, niyurakan nito ang demokrasya, hustisya at representative democracy na naglalaman at nakasaad sa ating Konstitusyon. Malalaking pamilya, OLIGARKIYA, POLITICAL CLAN (kasal, binyag, libing), DINASTIYA, warlord (guns gold, goons at girls) ang siyang nakapangyayari, may kontrol at naghahari sa country (pangkabuhayan at pampulitika). Ito ang sa totoo lang ang mga tunay na enemy of the state.

Kaliwa't kanang ang political killings sa mga aktibista at sa hanay ng media. Bagamat sinasabing angat daw tayo sa freedom of the press kung ikukumpara sa ibang bansa sa Asia, kabalintunaan ang realidad, pumapangalawa tayo sa Iraq kung sa bilang ng mga napapatay at dinudukut na mga media practitioners.

Kung sana'y malakas ang estado at matatag ang democratic institution ng bansa, walang dudang titino ang gawaing paggugubyerno at hindi na tayo nagkaroon ng Edsa 1, 2 at 3.
. (Edsa revolution I at NPA guerillas, kuha mula sa; www.espionageinfo.com/images/eeis_03_img1034.jpg)
Sino ba ang may gusto at nakikinabang sa kalakarang mahinang estado? Sino pa kundi ang mga nangungurakot na pulitiko at punong sangay ng burukrasya. Sila ang mga BUWITRENG BANTAY ng karneng buluk, mga lumuluhang buwayang bantay salakay.

Doy Cinco / IPD
August 13, 2007

No comments: