Bunsod ito ng panibagong panawagang buhayin muli ang naudlut na inbistigasyon sa “hello garci dagdag-bawas controversy noong 2004 presidential election.” Layon ng Senado na tapusin at iwasto ang kabulukan ng sistema ng election kung saan talamak ang mga sindikato at operador (tulad ni Bedol) sa Comelec. Kung ganito ang hangarin ng Senado na kahit paano'y hindi na muling maulit ang dagdag-bawas special Ops sa susunod na 2010 National election at ganap ng ipatupad ang electoral reform, dapat suportahan ito ng Malakanyang.Kuha mula sa: newsimg.bbc.co.uk/media/
Nakikinitang mukhang magkakaroon muli ng panibagong gridlock o bakbakang politikal sa pagitan ng Senado at Malakanyang. Sa asta ng Malakanyang, parang handa itong makipag-basagan ng-ulo sa Senado, kaya lang, baka hindi kayanin ang dalawa hanggang tatlong magkakasabay at napakabigat na larangang labanan; ang pressure sa gera ng Mindanao, demoralisasyon at paksyon sa loob ng kasundaluhan, ang papel ng Senado, ang kaso sa verdick sa dating Presidente Erap Estrada, ang lumalalang pangungurakot sa gubyerno at papel ng taung simbahan o ang posibleng pagkalas ng suporta ni Uncle Sam kay Ate Glo. Sa dami ng larangan, hindi malayong mangyari na baka tuluyan na itong magcolapse at mapilitang magbitiw sa tungkulin, piliting magresign o piliting lisanan ang Malakanyang.(Mga casualties na Marines na isinasakay sa helicopter sa Zambo City, Photo By CHARLIE SACEDA: http://www.philstar.com/)
Sa totoo lang, sino ba ang terorista, bansang tinutukoy na pinamamahalaan, kapayapaang hangad ni Ate Glo at politika ng durugang nangyayari sa kasalukuyan?
Una, hanggang sa kasalukuyan, dahil sa "hello garci-dagdag bawas controversy" kinukwestyon ng marami ang kanyang pagiging pangulo. Ayon sa marami, wala siyang mandato at isang elihitimo ang pagkakapwesto ni Ate Glo sa Malakanyang. Sa loob ng anim na taon, nilumpo't pinahina ni Ate Glo ang institusyon ng estado sa pamamagitan ng pandaraya, katiwalian, kasinungalingan, pambrabraso at pagmamanipula. Ayon kay Mang Pandoy, isang trahedya't dilubyo ang kinahinatnan ng bansa.
Pangalawa; Si Ate Glo at pamunuan ng AFP mismo ang tunay na umaktong terorista ng bansa, bumuhay at nagpalakas ng insureksyon at rebelyon sa bansa. Siya mismo ang rekruter at fertilizer ng MILF, MNLF at CPP-NPA. Ang alam ng marami, gawa-gawa o gimik lamang ang "laban kontra sa terorismo ng AFP sa Mindanao." Ang tunay na makikinabang dito ay ang ilang matataas na General ng AFP, si Bush at ang US State Department.
Ang totoo, "lumikha lamang ng pansamantalang gera sa Basilan at Sulo upang mai-rationalized, majustified ang lahat ng kahilingan ng AFP, ang muling maitaas ang budget sa nalalapit na budget hearning sa Kongreso, ang mahigit P50.0 bilyong pisong procurement ng mga makabagong armas pandigma, ang patuloy na dilhensya't negosyo sa gera, ang promosyon at higit sa lahat, ang maging sikat.
Ika nga ni Mang Pandoy, " KUMITA na, SIKAT PA." Ang nakakalungkot, ginamit pa si Fr Bossi at isinakripisyo pa ang mahigit tatlumpong buhay ng mga sundalo, ang kalunus-lunus na pugutan ng ulo ng 10 marines, ang limang magigiting at batang-batang mga PMA graduate ng PMA, maisakatuparan lamang ang maitim na plano.(kuha mula sa: upload.wikimedia.org/.../
Pangatlo, Ang pagpapatahimik sa mga kritiko, ang kaliwa't kanang political killings sa mahigit isang libong mga aktibista sa loob ng anim na taon, ang katahimikang tinutukoy ni Ate Glo. 80% ng populasyon ang ginugutom, ilang milyong mamamayan ang walang marangal at matinong tirahan, ang patuloy na nasadlak sa karalitaan, milyong batang paslit ang nauuwi sa prostitusyon, pinagsasamantalahan at niyurakan, ang mahigit limang libong propesyunal na nag-aalsa balutan sa ibayong dagat araw-araw upang maging "utusan, caregivers at domestic helpers."
(kuha mula sa: www.travelblogs.com/
Anong klaseng katahimikan ang iiral sa country kung ang ekonomya ay patuloy na dumadausdus, mahigit sa kalahati ng kabang-yaman ay ipinambabayad sa UTANG PANLABAS at kinukurakot?
Nasaan ang katahimikan kung patuloy na sinalaula ang “Rule of Law,” ang Constitution, ang democratic institutions, ng Comelec, AFP at PNP. Paano ang kinabukasan ng country at seguridad ng mga kabataan kung ang “lying, cheating, stealing at killings" ang nakagawiang kalakaran sa anim na taon (6 years) paggugubyerno ni Ate Glo? (kuha mula sa: www.pcij.org/.../2007/
Panghuli, dapat maunawaan ni Ate Glo na pinalala at siya mismo ang salarin kung bakit "political destruction" ang katangian ng umiiral na pulitika sa bansa. Kinunsinti at pinakikinabangan ni Ate Glo ang PATRONAGE POLITICS, warlordismo (guns, gold, goons at girls), casique-traditional politics at oligarkiya (political clan at dinastiya) na siyang tunay na breeding ground, ang sanhi at ugat ng sinasabi politics of destruction.
Tulad ng inaasahan, proproteksyunan ni Ate Glo ang sarili, hiyain muli't sirain ang kredibilidad ng Senado at pusturang "political survival" na uri ng paggugubyerno. Muling hahasain ni Ate Glo ang kinakalawang na guluk na pupugot sa ulo ng mga pasaway na kritiko't mga Senador. Tulad ng nakagawian, muling ihahanda ang kargadang gasgas na Executive Order (EO) 464 at Memorandum Circular (MC) 108.
Nakasaad sa MC 108 na ang lahat ng pinuno at miyembro ng lahat ng departamento sa ilalim ng ehekutibo ay kailangan munang magmano kay Ate Glo bago dumalo sa anumang legislative inquiries sa Senado man o sa Kongreso. Halos magkakambal ang EO 464 at MC 108, kaya lang mas pinalawig ng MC 108 ang katwiran, ang karapatan at prerogatibo ni Ate Glo na sawatain ang mga opisyal at miyembro ng ehekutibo na huwag dumalo sa mga legislative hearings. Ang tangi lamang inalis sa EO 464 ay ang mga probisyong tumatalakay sa kahalagahan ng security threat ng ilang isyu na puwedeng imbestigahan ng Kongreso. Minsan ng kinastigo ng Korte Suprema ang EO 464, MC 108.
Ayon kay Ate Glo, “walang katuturan ang Senate Hearing in aid of legislation.” Sa kanya, isang act of destabilization, nagnanais lamang guluhin at sirain ang kredibilidad ng Malakanyang.
Kung patuloy na magmamatigas at gagamitin ng Malakanyang ang dalawang iligal na kautusan (executive order), kasabay na papalya ang kampanyang militar sa Mindanao at demoralissasyon sa loob ng kasundaluhan, magkaroon tayo ng Constitutional crisis at ang nakakalungkot, baka may mga grupong handang magsamantala at makinabang sa lumalalang krisis pulitikal o dili kaya'y mga grupong handang "isalba, ibangon ang dangal at puri ng bansa sa mata ng mundo."
Ang Senado ang isa sa mga institusyong pinagkakatiwalaan ng country at kung tatarantaduhin, babastusin na naman ng Malakanyang (ang mga paglilitis) ito, para kay Mang Pandoy, tatlo lamang ang kahulugan at ipapakita nito, ang patuloy ng pagdausdus ng pampulitikang krisis, ang polarisasyon sa bansa, ang patuloy na pagkahati-hati ng naghaharing elite sa pulitika at panghuli, baka mauwi sa maagang pagbagsak sa poder ni Ate Glo.
Doy Cinco / IPD
August 23, 2007
No comments:
Post a Comment