Thursday, August 16, 2007

Pagwasak ng smuggled luxury vehicle, PROPA lamang

Kung talagang desidido at seryoso ang Malakanyang na durugin ang lahat ng klase ng smuggling (technical at outright) at hindi lang ang mga mamahaling mga sasakyan, maglunsad ito ng "all out war," habulin, ilantad sa madla ang mga pangalan ng mga big time smugglers at sampulang ipakulong ang mga ito at bilang "command responsibility," pagtatanggalin sa pwesto ang pamunuan ng Bureau of Custom , hindi yung paggiba ng mga kontrabando, pagpapakita't halatang propaganda lamang. (Smuggled vehicles, including three BMW SUVs, are destroyed at the Naval Supply Depot in Subic, Zambales yesterday. (Photo By MANNY MARCELO; http://www.philstar.com/)
Sa totoo lang, hindi lamang mga luxury vehicle ang talamak na ini-smuggle sa country, maging ang bilyung piso kada araw na GASOLINA (oil smuggling), motorsiko, gulay, bawang, textile, sapatos at ang nakakalungkot, kilala, tukuy, nasa listahan-dokumentado at normal na nakagawian ito sa Custom. Kaya't minsan, hindi na dapat pagtakhan kung bakit magaganda ang sasakyan, maluluho ang lifestyle at "malakas magpainum-Johny walker blue" ang ating mga kapitbahay na pangkaraniwang empleyado lamang sa Custom. (kuha mula sa: www.customs.gov.hk/.../images/chap03-01.jpg)
"Ningas Cugon" ang kampanya ng Malakanyang laban sa smuggling (anti-smuggling drive). 'Ni isa mang kilala, sa halos daan-daang malalaking smugglers sa bansa ang nakasuhan at naipakulong.

Kung matatandaan, bumulaga sa mga banner headline ang may ilang yunit ng mga luxury vehicle ang nakapilang winarat sa Clark, ang ilan dito ay ang Lincoln Navigator, BMW, isang Star Craft van at isang GTO Mitsubishi sports car, samantalang biglaang itinago sa mga bodega sa Subic ang mga Lamborgini, Ferrari at Porche. Tinatayang mahigit P50.0 milyon kada isa ang mga luxury vehicle at kung sana'y napakinabangan (isinubasta) at inilaan ang kinita sa mga ahensyang nangngailangan at naghihirap tulad ng PAGASA at DSWD, mas mainam.

Dagdag pa, kung ipinatupad ang ganyang uri ng pamamaraan paninindak sa mga smugglers, pagwasak ng mga kontrabando nuong “first one hundred days” ng panunungkulan ni Ate Glo noong 2001, baka mas bumilib pa ang mamamayan at hintakutan kahit paano ang mga smugglers, kung baga, lumalabas na huli na't pakitang tao, katawa-tawa lamang ang move at palabas ng Malakanyang.

Kilala, tukuy at kung mamasamain, kasabwat ng mga tauhan ng Kawanihan sa Custom ang mga big time smugglers sa bansa. Sila pa nga ang nagbibigay "TIP (sa mga smuggler) o fixers" kung paano malulusutan ang kabayarang buwis at wastong proseso sa dokumentasyon. Sa totoo lang, karamihan sa kanila ay madaling mahagilap, nasa gilid-gilid lamang ng palasyo ng Malakanyang, mga kaututang dilang mga pulitiko at mga kamag-anak incorporated ng palasyo.

Ayon sa Presidential Antismuggling Group’s (PASG), may 500 pang mga luxury vehicle ang nakatengga sa Kagawaran na nabigyan na ng released order mula sa Custom sa Subic ng walang kabayarang buwis at mga papeles. Sa totoo lang, libu-libong sasakyan araw-araw, maliban pa sa “ukay-ukay” ang naipupuslit na kontrabandong sasakyan sa bansa, mula sa Cebu, sa Mindanao, sa Ilocos region, sa Southern Tagalog at sa iba pang lugar.

Ang problema, mahina at walang buto sa gulugud ang ahensyang binuo ng gubyerno upang sawatain ang smuggling, babalik at babalik ule tayo sa kasabihang “bantay salakay.” Ang nanagangasiwa at kumakalinga sa repolyo ay kambing, ang nagbabantay ng karne't lamang loob ay yaong ding mga lumuluha ring mga buwayang may koneksyon at ugnayan sa palasyo.

Hindi lang simpleng pag-iwas ng kabayarang buwis o duties ang smuggling, pinapatay nito ang libong manggagawa at pinalalaki ang tantos ng unemployment, itinutulak nito sa bangin ng pagbangkarote ang ating mga lokal na kumpanya at ipinagkakait nito ang revenues na para sa gubyerno.
Tinatantyang may P200.0 BILYON taon-taon ang nawawala sa kabang yaman. P175.0 BILYON kada TAON ang LUGI ng pamahalaan ayon kay Sen Mar Roxas, 5 years ago. Ilang MRT line na ang maitatayo nito at ilang low-cost tenament housing para sa 5,000 pamilya sa Metro Manila.

Imbis na magsagawa o mag-imposed pa ng mga panibagong buwis (sa mga jeep, taxi at bus) si Sec Teves, ang seryosong pagsawata ng mga smugglers at overhauling ng Bureau of Custom ang dapat tutukan. Kung tutuusin, mas terorista ang smugglers kaysa mga kaaway ng estado, mas malala pa ito sa insureksyon at rebelyong inilulunsad ng MILF, MNLF at CPP-NPA na sa tingin ng Malakanyang ay magastos at madugo.

Doy Cinco / IPD

August 16, 2007

No comments: