Saturday, August 18, 2007

Mga anak at kamag-anakan ang ipadala ninyo sa Basilan at Sulo, GMA at Esperon

Para sa taga Malakanyang, Ate Glo, Norberto Gonzales, General Esperon, sa lahat ng mga instigador, nanggagatong, war mongerer na politiko't bayarang media pipol), eto lang ang tanong sa inyo ni Mang Pandoy, "kung talagang kayo ay MATATAPANG at ayaw paawat sa GERA, ang gusto ninyong i-justified at ibandila ang panawagan ni Bush na "Global War on Terrorism," mas wastong kayo na ang lumugar, tumayo sa frontline at isama't IPADALA NINYO sa Basilan at Sulo ang inyong mga ANAK, kamag-anakan at mahal sa buhay. Kung gusto n'yo ng GERA, kayo-kayo na lang. Huwag ninyong idamay at kaladkarin sa GERA ang sambayanang Pilipino. (Mga casualties na Marines na isinasakay sa helicopter sa Zambo City, Photo By CHARLIE SACEDA: http://www.philstar.com/)
Ang nakakapanglupaypay, ipinambabala sa kanyon ang mga walang kamuang-muang at magigiting na bagong graduate ng PMA at marines habang ang mga “utak pulburang” kukuya-kuyakoy sa Malakanyang, mando ng mando sa airconditioned room, humahagik-hik sa tawa, tagay ng tagay ng Johnny Walker Blue at masasarap na pulutan, ang sarap ng buhay, SIKAT at higit sa lahat kumikita sa Gera.

Bukud sa ilang bilyong piso (P1.5 bilyon) ang tiyakang mawawaldas na parang pulburang maglalaho lamang sa hangin, kahit saan tignan walang kahihinatnan at walang kapana-panalo ang gerang isinasagawa ng AFP sa Mindanao. Napatunayan na ito sa mahigit 300 taong gerang-pananakop ng mga Kolonyalistang Kastila, limang dekadang (50 years) panloloob ng Imperialistang Amerikano at ilang dekada't ilang presidente sa ilalim ng Republika ng Pilipinas.

Maliwanag na isang TRAHEDYA, “man made calamity.” Ilang daang libo pamilya na naman (100,000 – 500,000) ang madidiskaril at parang mga basang sisiw na isisiksik sa mga paaralang kinomvert sa evacuation area. Aasahang magpapanakbuhan at lolobo na naman ang populasyon ng Quiapo, Taguig, Culiat, mga muslim community sa Metro Manila at kung may kaunting naipon, magta-Tago ng Tago sa Sabah, Malaysia.

Walang humpay ang bakbakan, may karagdang 57 (kasama rito ang limang (5) bagong graduate ng PMA at pinabagsak na isang airforce MG520 attack helicopter) ang nasasawi sa magkabilang panig at posibleng umakyat pa ang bilang sa susunud na Linggo. Batay sa nakagawian, DINUTUKDOR ng AFP ang datos ng casualty, pinaliliit ang bilang ng patay sa AFP at pinalalaki naman ang bilang na napapatay mula sa muslim insurgence. Ito na nga marahil ang dahilan kung bakit pinigil o may news black out na iginawad ng AFP sa Philippine Media. (The body of a soldier killed during the battle in Basilan Saturday is carried out of a helicopter in Zamboanga City. AFP Photo/Therence Kho ; http://www.manilatimes.net/ )
Ang kaduda-duda, bakit parati na lamang ABU SAYAFF, AL Qaeda at Jemaah Islamiya (JI) ang buntungan ng pansin, paninisi at panunuro ng AFP sa tuwing maglulunsad ito ng pakikidigma sa Mindanao? Sinong tangang Pinoy ang naniniwala pa sa gasgas na Al Qaeda-Bin Laden ni Bush? Alam ng marami at ng mundo na MILF o MNLF ang gumawa, ang may kagagawan at nag-iinitiate ng kontra-opensiba laban sa AFP. Sa kaso na lamang ng Tipo-Tipo, Basilan incidence kamakailan, hayagang inamin ng MILF na sila at hindi ang ASG ang may kagagawan sa inkwentro't pang-aambush sa Marines, pero ang katawa-tawang pahayag ng AFP, "ang Abu Sayaff (ASG) at lost command" kuno pa rin ang sinsisisi't puntirya.

Maliban sa isyu ng katiwalian, may internal krisis na kinakaharap sa loob ng AFP, may kinakaharap pa itong kaso sa pagdukut sa aktibistang si Jonas Burgos (anak ng kilalang icon na si Joe Burgos), kaso ng malawakang paglabag sa karapatang pantao – political killings, sa United Nation (UN), European Commission (EU) at sa US Senate / Congress at SUpreme Court.

Imbis na makipagpatayan sa Basilan at Sulo, mas mainam na unahin muna nitong asikasuhin ang sigalot at pakyunalismo sa AFP, ituloy ang repormang naudlut sa panahon ni Sec Nonong Cruz ng AFP, tupdin ang napagkasunduan "1996 Jakarta Peace Agreement" sa pagitan ng Moro National Liberation Front (MNLF) at sa nalalapit na usapang pangkapayapaan sa MILF sa Malaysia at isulong ang peacetalks sa lahat ng armed insurgents sa bansa.

Korek ang exposay ni Senator Trillanes na "ipinasusubo at isinasakripisyo" ng Malakanyang ang ating mga sundalo bigyang pabor lamang si Bush at US State Department at ilang utak pulburang matataas na puno ng AFP. Tulad ng panawagan ng CBCP, ni CARDINAL Gaudencio Rosales at Basilan Bishop Martin Jumoad, "the more there is violence, the more the pain and sufferings" at kagyat ng ipatupad ang "PEACETALKS."

Habang maaga pa, napapanahon ng busisiin ng Senado ang nangyayaring KAHIBANGAN sa Sulo at Basilan, habang wala pang Koronel, General, matataas na opisyal ng AFP at daang sibilyan ang napapatay at HABANG NATUTULOG PA'T WALA PANG LUMALABAS na "ANTI-WAR MOBILIZATION" sa lansangan.

Doy Cinco / IPD
August 19, 2007

No comments: