Itinatanggi ng Malakanyang na “wala silang magagawa, kinalaman at beyond their control ang patuloy na pagtaas ng gasolina.” Parang inaamin na nitong WEAK TALAGA ang ESTADO. Kung may buto sa gulugod ang Malakanyang, kahit paano, kaya nitong brasuhin at kontrolin ang lokal na industria ng langis sa pamamagitan ng "pagpapanumbalik at pagpapalakas ng REGULATORY POWER nito" o pagbawas ng kalahating porsientong kinokolektang buwis kada litro. Meaning, sa bawat P40.0 / litro ng gasolina, halos kalahati o P20.0 nito ay nauuwi sa gubyerno in the forms of TAX, tulad ng Value Added Tax (VAT) na umaabot ng 12% at import duty na umaabot ng 5%, na ang malungkot ipinangmumudmod lamang ng Malakanyang bilang suhol (kinukurakot) sa mga LGUs at Tongresman. (Larawan: www.bir.gov.ph/lumangweb/
Kaya't kung astig at nagmamalasakit ang Malakanyang sa country at 'di gaanong tumalab ang impak ng $100.0/barrel sa ating ekonomyang naghihingalo, kung 'di man tanggalin, maaaring bawasan ni Ate Glo ang kinakaltas na buwis sa mga produktong langis kahit kalahati man lang, maimintina lang sa level ng P40.0 / litro ang presyo ng krudo.
Maliban sa taas ng buwis sa langis na nakasalalay na sa kung anong hakbangin isasagawa ng Malakanyang, sino ang utak, ang salarin at may kagagawan sa walang humpay na pagbulusuk ng presyo ng gasolina sa mundo?
May nagsasabing dahil daw ito sa “bumababang supply ng langis, pagbaha ng pera, sa humihinang dolyar sa mundo bunsod ng ikinilos ng Federal Reserve ng US na bawasan ang interest rate at paglakas daw na economic growth, sa kabilang banda, ang nakaabang na resesyon sa US.” Maaring isa rin sa dahilan ay ang papalapit na "winter" o ang tag-yelong lagay ng panahon sa Amerika at mga mauunlad na bansang nasa northern hemisphere ng mundo.
May kaugnayan din ito sa lumalalang tensyon o hidwaan sa Gitnang Silangan na kinasasangkutan ng mga bansa sa Persian Gulf, tulad ng Iran na nagpupursiging ituloy ang kanyang programang Nuclear at ang hidwaan sa Iraq (panawagang Independent State ng Kurds) at ang Turko, ang rehiyong mayaman sa langis. (Larawan: OPEC / online.wsj.com/public/
Ayon sa OPEC (Oil Producing at Exporting Countries), “ang pagtaas ng presyo ng langis ay hindi sa dahilang may problema sa produksyon o ang usapin ng low of supply and demand theory." Ang lumilitaw na salarin ay ang US,ang nanggagatong at instigador ng hidwaan sa Gitnang Silangan. Ayon kay Presidente Hugo Chavez ng Venezuela, "walang kadahi-dahilan sa kung bakit tumataas ang presyo ng langis, dagdag pa niya, ito'y resulta lamang ng kapraningan, “espekulasyon, maniubrahan at pulitikahan ng mga Cartel ng langis sa mundo."
Sa $100.0/barrel, tiyak na lalaki na naman ang tubo ng mga mamalaking industria ng langis sa mundo; Exxon Mobil, Chevron, British Petroleum, Shell at iba pa. Sasamantalahin din ng mga kompanyang ito ang kanilang ipinopropagandang mga "renewable fuels- " ETHANOL na galing sa mais at sugar cane at biofuel diesel na magmumula naman sa vegetable o plant oil. (Larawan:" Ethanol May Not Be the Miracle It's Made Out to Be" / www.starchildscience.org/.../
Kung sa ngayo'y ay mukhang kaya pang sikmurain ang $90.0/barrel, sa mga susunod na linggo o buwan, kung hindi maaawat ang pagtaas ng langis, hindi malayong maka-apekto ito sa mga bansa o mga rehiyon ng Ikatlong daigdig na patuloy na nagdarahop o kate-take off palang sa pag-unlad tulad ng Pilipinas.
Sa pagtaas ang presyo ng langis, maaring may positibo't may negatibo ang resulta. Depende na lamang sa kinalulugaran mong sitwasyon.
Maaring maibsan ang impak ng $100.0/barrel kung patuloy na hihina ang dolyar sa palitang piso, meaning, umabot sa P40.0 / $1.00. Isa rin sa matutuwa ay ang mga bansang lubog sa pagkakautang, sapagkat ang kasalukuyang P6.0 trilyong utang ng Pilipinas na binabayaran sa dolyar. Lubhang liliit ang halaga at makakamenos ng ilang bilyong dolyar ang Pilipinas sa bawat isang dolares na paghina ng palitan sa Piso.
Ang malungkot na sektor ay ang mahigit pitong milyong Overseas Filipino Workers (OFW) na nagtatrabaho at migranteng Pinoy sa ibayong dagat. Ang tanging kinikitang dolyar na ipinapadala sa ating mga kababayan ay tiyakang liliit ang halaga sa patuloy na pagdepreciate ng dolyar.
Habang nakikinabang ang mga importer, ang mga mangangalakal at negosyanteng Pinoy na exporter ay walang dudang naghihinagpis dahil sa tindi ng kompetisyon sa kalakal sa mundo. Apektado rin ang mga bilihin sa merkado lalo na ang mga sasakyan at ilang imported items na ang ginagamit sa produksyon ay may ugnayan sa krudo't gasolina.
Kung aabot sa P50.0/litro ang krudo at P70.0/litro ang gasolina, maliban sa pinaplanong malawakang transport strike, talagang manlulupaypay ang industria ng transportation at panigurong magdadaingang itaas na nga ang mga pamasaheng sinisingil sa mga mananakay. Maaring umaray ang mayorya ng mga motorista, habang dedma lamang ang ilang mayayamang may pag-aari ng mga pribadong mga sasakyan. Batay sa mga nakaraang pagtaas ng presyo ng langis, "kahit umabot pa hanggang P80.0 / litro, mukhang hindi iindain ng mga motoristang nasa upper class, partikular ang mga SUV (Sport Utility Vehicle) ng mga pulitiko ang epekto."
Maaring magsimula na ring tangkilikin ng mga middle class Pinoy, (tulad ng mga European) ang maliliit, compack, hutchback fuel efficient na sasakyan at gawaing pagbibisikleta. (Larawan: Copenhagen, Denmark www.i-sustain.com/
Kahit sabihin ng Malakanyang na “walang gaanong epekto ang pagtaas ng gasolina dahil sa lakas raw ng ekonomya (country's resilient economy), ang paglakas ng Piso, pasok ng mga mamumuhunan at lumalagong stock market,” kaya raw nitong kaharapin ang unos ng krisis sa langis.
Kaya lang, kahit anong galing sa propaganda ang Malakanyang, walang dudang apektado ang halos 20% ng kabuuang bilang ng kabahayan (5.0 milyon) sa bansa na gumagamit ng Liquifide Petroleum Gas (LPG) na posibleng umabot sa P600.0/tangke, mga basic commodities (gulay at pagkain), tubig at kuryente.
Maaring makinaban at idiklara ni Ate Glo ule ang "emergency power," manawagan ng pagtitipid, ilimita't magrasyon ng gasolina, kagatin ang "renewable energy" at kung may buto sa gulugod, ipailim sa price control ang mga commodities tulad ng langis at tanggapin ang alok ng gubyernong Venenzuela, ni Presidente Hugo Chavez na sa kanila na bumili ng langis, bukud sa dicounted na't presyong kaibigan ($60-70/barrel), naitatabla pa ang tusong mga Oil Cartel ng mundo. (Larawan: "Chavez:Expect $100 barrel oil"/ as.wn.com/i/45/
Ang Pilipinas tulad ng Burma kung saan ang pagtaas ng gasolina at bilihin ang isa sa mga dahilan ng political unrest o pipol power laban sa diktadurang military junta, hindi malayong mangyaring kumilos o mag-alsa ang malaking bilang ng mamamayan laban sa isyu at patakarang pinapairal (deregulation at privatization) ng Malakanyang.
Maaring malusutan ni Ate Glo ang gusot ng krisis politikal at umabot sa 2010, ang kaliwat kanang katiwalian at pangungurakot, "backoff" at suhulan sa ZTE Broadband, LGUs, sa mga Kongresman, ang Glorieta 2 bombing-diversionary tactics, pardon sa dating Presidenteng si Erap Estrada at ikatlong impeachment complaint laban sa kanya, mahihirapan na siyang tugunan ang lumalalang krisis pang-ekonomyang idudulot ng pagtaas ng presyo ng langis at patuloy ang pamumudmud ng atik, kurakot, mismanagement o bad governance.
Kaya lang, sa kabila ng kabulukan ng sistemang elektoral na mangangailngan ng isang overhauling-pagsasareporma at 'di hamak na may kalayuan pa, lahat ng presidentable, imbis na sawatain ang epekto ng krisis sa enerhiya, ang mga KUMAG ay nakatutok na sa 2010 presidential election.
Doy Cinco / IPD
November 2, 2007
No comments:
Post a Comment