Ang hirap palagpasin at tanggapin na ang manggagahasa, pupugot ng ulo't maglilibing sa kalayaan sa pamamahayag ay ang National Press Club (NPC) mismo, ang inaasahan ng lahat na siyang magtatanggol, maninindigan at papanig sa katotohanan.
(Larawan: http://www.abs-cbnnews.com/storypage.aspx?StoryId=97889)
Nakakalungkot isiping ultimo ang institusyong inaakala nating magtataguyod, magpoprotekta at makakatulong sa demokratisasyon sa bansa, ang magsusulong ng reporma sa lumalalang lagay ng censorship at political killings ay nalamon, nasuhulan, napulitikahan at hawak sa leeg na rin ng Malakanyang.
Sa takot na mabulyawan, matarayan, mabato ng cell phone at sa kabang hindi maireinburse ang milyong pisong ginastos sa pagpapagawa ng "mural" hinggil sa fress freedom at regular na payolang natatanggap nito sa Malakanyang, umurong ang buntot ng pamunuan ng NPC kay Ate Glo na siyang panauhing pandangal at mag-a-unveil ng nasabing “mural”. Kahit sinong poncio pilatong may kahinaan at marupok ang katatagan ng ideolohiya't prinsipyo, lalo na sa kinang ng salapi, kapritso ng buhay, mas kapani-paniwala ng mahigit isang libong beses na tanggapin at kainin na lamang ang prinsipyo, ang prinsipyo ng demokrasya, ang pagbabago at kalayaan sa pamamahayag.
Ang nakakalungkot, ipinapakita ng nasabing insidente na parang hindi pa natatapos ang “cold war at kampanyang anti-subversion noong kapanahunan ng diktadurang Marcos” sa bansa na ultimo mga legal na personalidad na progresibo't may tendensiyang KALIWA ay kinatatakutan at gusto pa atang iportrait na isang CPP-NPA (Prof Randy David). Ang nakaka-intriga, ang tatak na makasaysayang 'ALIBATA K' na klrong hindi naman “maso't karet,” na alam naman na itinuturo sa history subject sa elementarya, ay parang multong kinatakutan ng pamunuan ng NPC at Presidential Security Group (PSG), na napaniwalang isa raw itong "simbolo ng kilusang Komunismo, rebolusyon at insureksyon. "
Kung si Ate Glo't Benjamin Abalos nga, namanhid na sa kumunista / mo, ilang dating Cabinet officials na nainvolved sa kilusang komunismo at papunta't parito sa China, isang bansang normal na pangitain ang “maso't karet sa People's Congress ng China, dedma lang, ito pang mga pamunuan ng NPC na mukhang hanggang ngayon ay allergic pa rin sa pula at tatak na ALIBATA K, lamang?"
Nakakabahala ang ganitong tendensiya at walang lugar sa isang itinuturing liberal na demokrasyang bansa ang ganitong pangitain sa lipunan.
Kung dati-rati'y CIA, US State Department, mga Generals sa AFP at mga lokal na ahente nito sa Malakanyang ang pangunahing tumutuligsa, nangangasiwa't nagmomonitor ng kilusang komunista sa bansa nuong 1950s-1970s, pinapilan na, pinalitan na't humalili na ang pamunuan ng NPC bilang sagad-saring anti-kumunista at kalahok sa anti-insurgency operation ng ating bansa?
Nakakapanglupaypay ang ginawang pambababoy sa isang “mural” na trinabaho ng grupong Neo-Angono Artist Collective para sa ika-55 taong founding anniversary ng dating kinikilalang palaban at may buto sa gulugod na Nation Press Club. Kahit sabihin pang “pera, kwarta ang dinodiyos, ang mapagpasya'sa paggawa ng MURAL at dahil sila raw ang nagpagawa, sila ang masusunod,” kahit saang anggulong tignan o palusot, isang maliwanag at tuwirang pagsupil ng karapatang sa pamamahayag at pagyurak sa etika, sining at impresyon ng mga ARTIST ang insidenteng censorship ng pamunuan ng NPC.
Sa nangyari, mukhang nahubaran sa tunay na pagkatao, sa tunay na KULAY at anyo ang pamunuan ng NPC. Anong mukhang ihaharap nito sa mamamayan, sa bansa? Maitutulad at maihahanay na rin ang NPC sa Comelec, Kongreso, AFP-Esperon, DILG-LPP/ULAP na kabahagi sa political survival ni Ate Glo't Malakanyang.
Maliban sa nangyaring kontrobersi, balita na rin ang talamak na katiwalian at pangungurakot, ang pagbabaligya't looting ng Amorsolo painting at iba pang ari-arian ng ahensya. Ganap na nawalan na ng pagtitiwala ang mamamayan sa pamunuan ng NPC. Kung may katiting pang delikadesa, mas mainam ng magsipagbitiw na sa tungkulin ang pamunuan, ang lahat ng mga kasapi nito sa minimum at i-overhaul at buwagin na ang samahan sa maximum.
Doy Cinco/ IPD
November 12, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment