Tulad ng maraming mga Pinay, dating Guro si Marilou Ranario bago siya naglakas loob na pasukin ang trabahong DOMESTIC HELPER sa Kuwait. Sa akalang giginhawa ang buhay, sa pangarap na maiaa-ahon ang kabuhayan at mapag-aaral ang bunsong anak, sa akalang makakapag-patayo ng isang munting bahay, sa pag-aakalang tutulong at nasa likud nito ang OWWA-Gubyernong 'Pinas kung sakaling malagay sa alanganin ($25 na pangongotong ng OWWA sa OFW), nalalagay sa matinding pagsubok ule ang Malakanyang, mula sa pambansang pagdadalamhati kahalintulad ng pagbitay kay Flor Contemplacion.
Kung itutuloy ng barbarikong gubyernong Kuwait ang pagbitay kay Marilou, bilang pagtutol at protesta, "kung may buto sa gulugud si Ate Glo," maaaring iatras ng Malakanyang ang mahigit na 70,000 domestic helper sa Kuwait o putulin nito ang diplamatikong relasyon sa bansang Kuwait. Batid ng lahat na nakikinabang at nakakatulong ng malaki sa paglago ng ekonomya ng Kuwait ang mga domestic helper-OFW. Kung wala ang OFW, tiyak na malalagay sa alanganin ang pag-unlad ng Kuwait. (Larawan sa itaas: www.flickr.com/photos/alexome/88669087/, sa ibaba: Hindi mapigil ang pag-iyak ng mga kapatid ni Marilou Ranario na sina Wilfreda, Allan at Marivic nang makarating sa kanilang kaalaman ang desisyon ng Kuwaiti court na pagpataw ng parusang kamatayan sa kanilang kapatid habang nagsasagawa ng rally kahapon sa harapan ng tanggapan ng Department of Foreign Affairs sa Pasay City. (AP) http://www.abante-tonite.com/issue/nov2807/main.htm)
Kahit saan tignan, walang kasalanan ang ating kababayang si Marilou. Walang dudang inapi, niloko at pinagsamantalahan si Marilou ng amo niyang Kuwaiti. Sa kakapiranggut na DOLYAR ($100-400) na sinasahod (P5-20,000/mo), asal alipin ang kapalit. Pinagsabihang “isa ka lang Pinay, katulong ka lang, ikinulong sa bilangguan, dahil hindi namang kasi lahing Amerikanana, German, Frances o Israeli na kinakatakutan sa rehiyon na handang protektahan at all cost ang sariling kababayan," meaning, mababa ang tingin at tinatarantado tayo.
Nagtataka pa tayo kung bakit inaapi-api ang mga Pinay sa ibayong dagat. Sobrang pang-aalipusta na to, daig pa nito ang libu-libung ITIM-aliping Africano na byinahe tungong America, inapi-api, inalipin sa Amerika may limang-daan taon na ang nakalipas.
Kung mabibitay si Marilou at walang gagawing pressure o intervention ang Malakanyang, walang dudang maaapektuhan ang kapanatagan ng gubyernong Arroyo, baka mapoliticalized ang isyu, muling mananawagang patatalsikin ang inutil na nag-uukupa sa Malakanyang.
Kung matatandaan, may isang dekada na ang lumipas ng si Flor Contemplacion na isang Domestic helper ay walang habas na binitay ng gubyernong Singapore sa salang murder nuong March 17, 1995. Sa oras ng bitayan, may mahigit isang milyong Pilipino ang nagtirik ng kandila para sa suporta kay Flor. Nang umuwing bankay, may ilang milyon ang sumalubong at nagprotesta laban sa gubyerno. (Larawan: Flor Contemplacion / www.geocities.com)
Ano ang larawang ipinapakita sa naka-ambang pagbitay kay Marilou at sa kinahinatnan ni Flor Contemplacion at milyong OFW na patuloy na nakikipagsapalaran sa ibayong dagat para lamang isalba ang kanilang pamilya at mabuhay ng marangal;
Una; mas lalong lilinaw sa mamamayan na walang maayos na programang pangkaunlaran ang gubyernong Pilipinas. Hindi totoong umaangat ang ekonomya't kaunlaran. Ang totoo, papaatras ang pag-asenso, laganap ang pangungurakot, katiwalian at kawalan ng oportunidad ng mga Pinoy sa sariling bayan kaya tumatakas, nagbabakasakali at nag-aalsa balutan sa ibayong dagat.
Pangalawa; mailalantad muli ang kalunus-lunos, ang kaapihan, ang pang-aabuso, ang pagsasa- mantala at ang karumal-dumal na kalagayan ng mga kababayang mga (Filipinang) Domestic Helper hindi lamang sa Middle East, maging sa buong mundo.
Pangatlo, maaalisan ng maskara ang Malakanyang, ang OWWA-DFA-Malakanyang sa usapin ng pagkalinga't kapakanan ng OFW. Imbis na tulungan, suportahan, manindigan, presyurin at putulin ang diplomatikong ugnayan ng gubyernong Pilipinas sa bansang may matinding paglabag sa karapatan ng mga NAMAMASUKANG mga PINAY. Lilinaw sa bayan na takot na mawalan ng kontratang patrabaho ang gubyerno, umurong ang buntot at nanaig ang kapangyarihan ng DOLYAR bilang tagapagsalba ng ekonomyang gumigiray.
Kung matutuloy ang bitay, walang ibang dapat usigin, walang ibang dapat managot kundi ang patakarang pinaiiral, patakarang kumapit sa patalim-pag-eengganyo ng mga Pilipinong mag OFW, patakaran ng pang-uutong “mga bayani raw” ang mga OFW at patakarang pang-ekonomyang sakim sa dollar remitances mula sa pawis at dugo ng ating mga kababayan.
Sama-sama nating ipanalanging maiuwi ng buhay si Marilou. Para sa mga PRESIDENTIABLES (Mar Roxas, Manny Villar, Loren Legarda, Ping Lacson), tigil muna sa pamumulitika at 2010, ngayon n'yo ipakita ang galing n'yo sa pakikipagdiplomasya, dalian n'yo't baka maunahan kayo ni Noli de Castro.
Kaya lang, ang tanong, sa bawat tikatik ng buhay ni Marilou, kaya kayang maulit ang mainit, ang nagbabagang lupa, ang makasaysayang suporta't pagdadalamhati ng mamamayang Pilipino sa trahedyang kinahinatnan ni FLOR CONTEMPLACION sa naka-ambang pagbibitay kay Marilou Ranario sa Kuwait?
Related Stories / Link: Vatican, EU, Bahrain asked to help RP in Ranario case / "DFA says 27 other OFWs on death row worldwide": http://globalnation.inquirer.net/news/breakingnews/view_article.php?article_id=103645
Doy Cinco / IPD
Nov 27, 2007
No comments:
Post a Comment