Wednesday, July 04, 2007

Swerte si Trillanes, pinalalakas ng Malakanyang

Dapat maghinay-hinay at mag-ingat ang Malakanyang sa klase ng pambababoy, pagtratong berdugo kay Sen Trillnes. Hinding-hindi kailanma'y maaring ipagkumpara ng palasyo si Trillanes kay Jalosjos, hindi lang masyadong OA, sobrang garapal at halatang-halatang nangbla-black mail ang Malakanyang.

Dapat malaman ng Malakanyang na hindi isang kriminal si Trillanes, hindi siya nangurakot at nandambong (plunder) ng kaban ng yaman ng bansa, hindi siya nasangkot sa dagdag-bawas special ops nuong nakaraang election, wala siyang armory at private army na tulad ni Ampatuan, hindi siya murderer at rapist, hindi siya nag-commit ng pagtataksil (treason) sa bayan at higit sa lahat, hindi siya sinungaling, oportunista, pulitikong buluk at kotongero.

Ang totoo, dahil sa binitiwan nitong plataporma, legislative agenda at plano, nangangatog sa takot ang Malakanyang kay Trillanes. Imbis na patayin ang sunug, lalo lamang nitong pinapaypayan, sinisigaan at binubuhusan ng gasolina ang bulkang diskontento laban sa Malakanyang. Katulong ang ilang bayarang media at pulitiko, hirap silang burahin, pulaanan, i-demolisyon job, papanghinain o ineutralisa ang mga suportador nito at burahin ang persepsyon ng mamamayan na ang kadahilanan ng pagkakapanalo ni Trillanes sa senado ay dahil sa protest vote, anti-GMA-pangungurakot vote, political reform vote hanggang sa anti-sistema't establishment votes para kay Trillanes.

Kung nagawa nilang brasuhin, paamuhin, suhulan at takut-takutin si Sen Gringo Honasan, ang “Wednesday-Independent group,” ilang oposisyon sa Senado't Kongreso, nanatiling palaban, pumapalag, consistent at kumikikig ang postura ng bata at baguhang senador na si Trillanes.

Alalahaning may mahigit labing-dalawang milyon (12.0 milyon) mamamayan, ang panggitnang sangay ng lipunan, ang kilusang anti-Trapo, ang kasundaluhan, ang mga junior officers, ang watak-watak na pamunuan ng AFP ang naka-antabay sa anumang kahihinatnan ng kaso ni Trillnes.

Napaka-swerte talaga ni Trillanes at mga tanga, istupido at hindi nag-iisip ang mga alipores ng Malakanyang. Hindi na natuto sa kasaysayan. Aware man o hindi alam ni Sec Raul Gonzales ng DOJ, National Security Adviser na si Norberto Gonzales at Chief Presidential adviser na si Sergio Apostol na habang patuloy ang panggigipit, pang-aapi't pagyurak ng dangal kay Trillanes, lalong dumarami ang nagsisimpatya at naaawang mga Pinoy. Bukud sa nagiging legendary, nagiging superstar at sumisikat si Trillanes dahil lamang sa katangahan ng Malakanyang.

Ang maling atake't taktika ng mga alipores ni Ate GLo ay nagsisilbing fertilizer o abono sa panibagong banta ng extra-constitutional na pagbabago o dili kaya'y baka maging isang pundador na aspirante ito sa 2010 presidential election at maging Hugo Chavez ng Venenzuela si Trillanes? Paano na ang Loren Legarda, Mar Roxas, Dick Gordon, Manny Villar at Ping Lacson?


Para kay Mang Pandoy, mas maigi kung patuloy na mabibinbin sa bilangguan si Trillanes, duon siya magtatrabaho at mag-opisina bilang Senador. Kung hindi tatantanan ng Malakanyang si Trillanes, maging consistent ang mga galamay ng pangulo, ni Sen Miriam 'Brenda' Santiago, Enrile sa mala-Jalosjos na pagyurak nito kay Trillanes, mas kapana-panabik, dramatiko at mas lalong explosive ang kahihinatnan ng politika ng country. Hindi na dapat pagtakhan kung may "rule of law at hustisya" pa bang sinusunod sa ating bansa.

Kung ako kay Ate Glo, tutal wala na siyang balak na tumakbo sa 2010, may sakit pa siya at ang kanyang asawa, wala namang administration presidentiable candidate ang Malakanyang maliban sa ilang oposisyon, tutal mukhang may plano naman siyang reconcilliation at amnesty sa lahat ng kanyang mga kalaban sa pulitika at nagawa naman niya ito kay Jalosjos at tutal may seryosong niluluto siyang "LEGACY (economic at infra)" para sa kanyang nalalabing tatlong taong sa poder, idagdag na niya si Trillanes at lahat ng mga aktibistang junior officer sa kanyang legacy. Pakawalan ang lahat ng mga sundalong (Oakwood) nabibinbin sa bilangguan, lahat ng bilanggong pulitikal, patalsikin si Abalos, i-overhaul ang Comelec, sistemang pulitika at election sa bansa.

Sa ganyang lamang tunay na makakapaglingkod sa mamamayang Pilipino si Ate Glo. Sa ganyan paraan lamang tunay na magiging bayani ng kasaysayan at maipagpapatayo siya ng rebulto bilang LEGACY sa country.

Doy Cinco/IPD
July 4, 2007

No comments: