Deadbol na ang PI-Cha Cha!! Isang malaking dagok, sampal sa mukha ni Ate Glo, ULAP at Sigaw ng Bayan ang makasaysayang pagkakabasura ng SC sa panukalang PI at Cha Cha, pakanang No election at plebisito.
Meaning, tuloy na ang 2007 election. Sayang ang daang milyong pisong nagastos ng Malakanyang sa pagpapapirma, sa mga soundsbites na propaganda-Ad ng Sigaw ng Bayan para sa PI! Sino ngayon ang hahabulin, mananagot dito?
May mukha pa kayang ihaharap ang mga proponent ng Cha Cha at garapalang tangkain pa uling isunud ang PLAN B, ang Con Ashole sa Tongreso o ang martial law (defacto)? Suntuk sa buwang makakakuha pa ng 3/4 sa Tongreso si Tainga at lalo na sa Senado. Mukhang alanganin na't ilang buwan na lamang ang nalalabi't paghahanda, gahol na sa panahon at ang lahat ay nangangampanya na't nakatingin na sa 2007 election.
Alam ng Malakanyang na tapos na ang boxing, tapos na ang maligayang araw ng Cha Cha. Alam na rin ng Malakanyang na mananatili ang sistemang presidential hanggang 2010 at tuloy na tuloy na't dapat paghandaan ang 2007 election.
Maraming nalito't napaniwala rin sa inilutang ng Malakanyang (Macalintal, ULAP) No Election. Habang ipinopropa ang No-El, tusong inihahanda naman ang istratehiya, makinarya't lohistika sa 2007 election. Dalawang magkasabay na iskimang psy ops na kung saka-sakali ay parehong magbibigay sakit ng ulo sa oposisyon at mga kalaban nito pulitika.
Pakunwaring may kanya-kanyang pusisyunan sa kung ano talaga ang direksyon at plano ng Malakanyang sa susunod na taon? Kaya lang, kung tatahiin, susuriin ng malaliman, malinaw na may sabwatan, koordinado at may nagdidirehe kung saan mahina't may kakulangan ang mga kalaban. Kung matatandaan, magkaiba ang posisyon ni Macalintal, ang tunggak na abogado ng Malakanyang, si Sec Bunye, iba rin ang kara ni Tainga't Kilay at maging ang mga kupal na pro-administrasyon sa Tongreso.
Ang tiyak at walang kaduda-duda, may isang taon ng nakahanda't preperado ang Malakanyang sa anumang kahihinatan sa magiging disisyon ng Korte Suprema (SC), ibasura man ang PI o hindi. Kasado ang Malakanyang sa 2007;
Una; maagang pangangalap ng pondo-lohistika, pangangampanya, special Ops at dirty tricks ng palasyo. Titiyakin nitong dadaan sa butas ng karayom na makalusot o sa minimum, maneutralisa ang sinumang mga warm bodies, kaaway sa politika ni Ate Glo sa 2007, sa Kongreso, sa Party-List hanggang sa Lokal.
May P3.5 bilyong pondong paniguro sa “feeding program” ng Dep Ed. Si Tongresman Jesli Lapuz na isang pulitiko't (Lakas-CMD) sagadsaring pakawala ang bagong itinalagang kalihim sa Dep Ed. Walang dudang magiging bagong fertilizer fund at Philhealth card na naman na maaring gamitin upang ipanalo ang kanilang mga kandidato. Maliban sa botong convertion na maititiyak sa mga magulang ng mga bata, malaki rin ang makakalap na komisyon, kurakot sa importasyon ng bigas (bahagi sa feeding program)ng National Food Authority.
Pangalawa; isa ring sinyales (war footing) ang isinagawang pagbabalasa, revamp na sinimulan kamakailan lamang. Mula sa Presidential Management Staff, muling itinalaga si Arthur Yap sa Department of Agriculture (DA). Muling inihahanda na ng MalacaƱang ang kakaibang tipong fertilizer funds SCAM na ipangsusuhol at ipamimili ng boto,"
Binusisi rin ni Ate Glo sina Elena Bautista ng Land Transportation Franchising at Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Anneli R. Lontoc na parehong itinalaga bilang undersecretaries ng Department of Transportation and Communication (DOTC). Bukud sa “road user's tax” na napapakinabangan ni Ate Glo nuong 2004 (mga naka-blue uniform sa barangay na naglilinis sa highway), ang DOTC ang isa sa may pinakamaraming pork barrel fund at government projects na ipamudmod ni Ate Glo sa kanyang mga kaalyado upang maipanalo ang mga ito. Balikan natin ang "campaign speech" at propaganda ni Ate Glo nuong nakaraang SONA kung saan ang mga “super regions” ay lalagakan niya ng sangkatutak na bilyung pisong mga mega-projects.
Pangatlo; Isang special ops ang on-going na ipinatutupad ng Malakanyang na tigbakin ang mga sagabal at siguraduhing kachokaran ang mga incumbent Mayor, Gobernador at Punong Barangay. Ginapang at tinatakot ang mga alanganin (DILG) mga LGUs, inimbistiga't inalam ang mga political profile (pro/anti) sa lokal at kung matutuklasang anti-GMA, pasirkuhin, hilutin, suhulan, laglagan ng proyekto at iba pa, at kung nagmamatigas, nandiyan ang Ombudsman upang mahanapan ng isyu, kasuhan at isuspinde, gaya ng nangyari sa Makati, Lemery, Batangas, Santa Rosa, Laguna at Pasay City.
Dumadalas ang mga assembly meeting ng mga Liga sa Lokal na ehekutibo kung saan si Ate Glo mismo ang siyang tumitiyak, nagbeberipika at nagvavalidate kung ito'y nahamig na. Siya na rin mismo ang direktang pumipirma sa SARO ng mga na-aprubahang proyektong infra (DPWH).
Pang-apat; kasama sa plano ng Malakanyang na 'wag palusutin, “pilayan at lumpuhin ang mga kaliwa't militante sa hanay ng Party List”. Maagang inupakan ang kaliwa, mga CPP led- influence na Party List, isusunod at gigibain din Akbayan at ninuetralisa ang ilan sa mga nauna ng pumirmang Kongresman sa impeachment.
Panglima; kung usaping dayaan, ang Comelec ang isa sa maasahan ng Malakanyang. Si Abalos na isang pusakal na pulitiko't dating Lakas-NUCD ay nananatiling isa sa pinakamasugit na kaalyado ng Malakanyang. Hindi dapat ipawalang bahala ang balaking Poll Automation na pilit na inihahabol sa 2007 election. Ang mga sindikato, mapia at salarin sa “hello garci” ay patuloy na namamayagpag at handang gumawa uli ng magic sa 2007.
Pang-anim; kinangkong ng Partidong KAMPI ang Lakas-CMD sa Tongreso't maging sa lokal. Sa pamamagitan ng kampanyang PI-Cha Cha ng ULAP at Liga ng mga lokal na Ehekutibo, nakapag-palawak, nakapag-konsolida't lumakas ng ilang ulit ang KAMPI, ang partidong kontrolado ni Ate Glo. Maliban sa weteng money, marami sa kanila (LGUs) ang nakinabang, nabiyayaan at napangakuan ng proyekto at ayuda ni Ate Glo.
Nakakamada ang Malakanyang sa halos lahat ng Vote rich Corridor (mula Pangasinan hanggang Quezon) at malalaking rehiyon ng bansa. May mga kasong pawang mga kaalyado't patron na lamang ng Malakanyang ang mukhang maglalaban-laban at siyempre pareho itong lalaglagan ng campaign funds. Kung sinuman ang lumabas, ika nga, walang katalo-talo ang Malakanyang.
Magsaya man tayo sa makatarungang pagkakabasura ng SC sa PI at Cha Cha, hindi tayo nakasisiguro sa mga kasunod pang pananabutaheng gagawin ng Malakanyang lalo na sa 2007 election. Asahang magiging marumi't madaya, madugo't magulo ang eleksyon at walang dudang hindi papopormahin sa 2007 election ang oposisyon!
Doy Cinco / IPD
Oct 25, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment