Friday, October 06, 2006

Transaksyon sa LTO, makupad, MASALIMUOT, ubus ang araw mo!

Kamakailan lamang, binalak kong i-renew ang aking driver's licence sa LTO (Land Transportation Office). Dahil magpahanggang ngayon ay wala pa ring kuryente sa opisina nito sa D Tuazon, Cubao, idinerehe kami ng isang babaeng staff na inilipat na raw sa 3rd floor Farmer's Market LTO office, Cubao ang transaksyunan.

Unang bumulaga sa'kin ang kahabaan (hanggang pasilyo) ng pila sa LTO. Sa obserbasyon ko, iba't-ibang klase ng tao ang nakabalagbag dito, kasama na ang mga fixers, may mukhang middle class at working class. Nagtanong-tanong ng kaunti sa mga nakapila at sinabing “kumuha na kayo ng FORM sa bintana. Finil-uppan ko agad ang form at sinabihan rin akong magtungo sa katabing opisina na kung saan nandun naman ang Drug Testing.

Nakaunipormeng parang nurse (maroon) ang mga nangangasiwa sa Drug Testing. Nang ipakita ko ang driver's licence at ang LTO form na aking nasagutan sa counter, sabay singil ka ng P300.00 bilang kabayaran sa drug testing. May nakapaskel na poster sa dingdin na nagbibigay GIYA, anunsyo-assistance kung paano ang buong proseso, 5 step ang susundin. Kada bigay mo ng dokumento (na aking nasagutan) ay may karampatang paghihintay at tatawagin na lamang ang pangalan mo. Inabot ako ng siyam-siyan na oras sa drug test.

Para hindi maiinip ang mga tao, naglagay sila ng malaking TV na local programming ang pinalalabas. May 15 minutos din ang itinagal nung tawagin ang pangalan ko. “Ay sa wakas” buntung hininga ko, idinerehe kami sa isang room na kung saan maghihintay ka uleng tawagin ang pangalan mo para bigyan ka lamang ng isa pang dokumentong sasagutan ule at isang maliit na boteng plastic na paglalagyan mo ng jingle.

Nang tawagin ang pangalan ko (3 x na), laking tuwa ko't inisip na malapit na akong matapos. Idinerehe kami ng isang staff na pumasok na raw ako sa comfort room upang jumingle. Bawal isirado ang pinto hbang jumijingle, kailangang transparency, nakikita ka ng isang staff. Bawal ding magdala ng bag sa loob ng CR, kailangan mong iwan ang iyong bag sa shelve. Ginagawa daw nila ito para “makasiguradong wala kang dalang jingle na hindi iyo.”

Matapos matandaan, malagyan ng pangalan at pirma na ididikit sa plastic na bote ng isang staff, palalabasin ka na sa CR at pauupuin ka ule sa waiting area. Maghihintay ka uleng tawagin ang iyong pangalan para sa isang verification naman, pagsusuri ng mata at makuwaan ka ng litrato (kodak). Napansin kong, tinatanong ng isang staff na babae ang ilang naunang sa akin ang; “saan ho kayo nakatira at ilang taon na kayo?” Anong klaseng tanong naman yan, nasa dokumento na yan, tignan n'yo na lang noh?

Nang tawagin ang pangalan ko, hindi na nagtanong ang babae staff sa'kin. Kinuhaan ako ng kodak at pagkatapos pinalipat ako ng upuan para naman sa testing ng aking mata. Maliliit na letra na pinbabasa sa'yo. Ay sa wakas, nakaraos din. Ilang oras din ang binuno ko sa drug testing, sana pala, sinamantala ko ang panahon para mag-lunch sa isang resto.

Nung matapos ang lahat ng 5 step sa drug testing, lilipat ka ngayon sa LTO office at isusumite ang papeles, resulta, resibo ng drug test at form ng LTO sa Window 2. Ang problema, sa pagsusumite pa lamang ng papeles, mahabang pilahan ule. Napansin kong may mga debateng nagaganap sa window 2 na kung saan mga staff ng LTO (mga may idad na rin) at mga tao ang involve. Ang isyu pa la ay “kung iiwan mo o hindi ang driver's licence” dahil matatagalan pa raw maiproseso ang mga ito. Ang sabi ng isang MAMA, “hindi pwede, dahil magmamaneho ako ngayon at hindi pwedeng wala akong dalang driver's licence.

Kulang-kulang isang oras (mga 4 pm) ang inabot ko bago makalapit sa Window 2. Nang isumite ko ang dokumento sa Window 2, laking bad trip, laking malas ang kinahinatnan ko. Sa tagal ng paghihintay, inip sa pila, pagdating sa Window 2 ay sasabihin ng ALE (staff) na “bukas na lamang daw ito mapoproseso, dahil natambakan na raw sila ng trabaho”. Haaaaaa.....

So madalit sabi, parang closed na ang opisina at transaksyon. Paanong nangyari 'yon? Sana hindi na pinaasa ng LTO staff ang mga taong nag-tyagang pumila sa window at sana naglagay na sila ng isang paskel na CLOSED na, para mag-uwian na lamang ang mga tao.

So, dahil bukas na ako babalik, lumalabas na late ng isang araw ang renewal ng driver's licence ko. Magkakaroon tuloy ako ng penalty P30.0 saking transaksyon sa LTO na hindi ko naman kasalanan.

Bumalik ako sa LTO, the other day. Kamalasan ule ang inabot ko. Pagdating ko sa Window 2, inabot ako ng TANGHALIAN (3 min) at pinababalik na lamang ako mamayang ala Una (1:00 pm) ng hapon. Sinabi ko sa babae na may pasok ako sa trabaho at kailangang kong bumalik agad sa opisina, naki-usap, nego ako sa ALE, “dahil late lamang ako ng tatlong minuto, baka pwedeng ikunsider ?

Naki-usap akong sana tanggapin ang papeles ko, kaya lang kunuyog na ako ng isa pang babaeng mukhang bossing, “dapat inagahan ko raw.” Bakit sa pribado, lalo na sa BANKO, tuluy-tuluy ang transaksyon kahit sa oras ng break-tanghalian? Kung kailan computerized ang LTO, dun pa bumagal, usad pagong, makupd at masalimuot.

Kung tunay na ngang seserbisyo at seryosong dapat maatim nito ang target koleksyon sa pananalapi, sana mas maraming naiproseso, mas malaki ang kita sa gubyerno. Parang ang dating mga perwisyo ang turing sa mga tao. Dahil mga mamamayan ang nagpapasweldo sa kanila, dapat pagsilbihan nila ang mga ito.

Umuwi na lamang ako at bumalik sa opisina na walang nangyari sa buhay ko sa LTO. Ilang oras din ang nasayang, nawala sa'kin. Sana gumamit na lamang ako ng “FIXERS” na naglilipana't naghihintay sa labas.

Kailan tayo uunlad. Kailan bibilis ang transaksyon sa gubyerno. LTO pa lang yan at alam kong halos pare-pareho ang sitwasyon sa iba pang ahensya ng gubyerno (DFA-passport), permit sa LGUs at iba pa. Kailan kaya mangyayari ang isang mabilis, masigasig, masinop na serbisyo publikong transaksyon sa gubyerno? Pwede kayang i-on line, LTO Internet access, gawing electronic, e-mail ang maging paraan sa transaksyon?


Doy Cinco / IPD
Oct 6, 2006

No comments: