Kung sa bagay, tama si Executive Sec. Eduardo Ermita at ang Malakanyang ng sabihin nitong normal lamang na tinatapik-tapik, pine-pressure, binablack mail, ino-offeran ng palasyo ang Korte Suprema. Ipinapakita lamang na PRANING na, nahihintakutan na't NATATARANTA na ang Malakanyang, lalo na nung muling nasupalpalan ito't napahiya sa kasong pagsususpinde kay Binay.
Kamakailan lamang, naiulat na nakipaglandian-nego-trade off ang Malakanyang sa limang senior associate justices na kung mailulusot nito ang Peolpe Initiative ni Gloria (PIG) ng Sigaw ng Bayan at ULAP ay isa rito ang maaring maging Punong Mahistrado o Chief Justice pagkatapos mag-retiro ni Chief Justice Panganiban sa Dec. 6, 2006. Tinangka ring suhulan ni Ate Glo sina senior Justice Reynato Puno at Leo Quisumbing na maghati na lamang sa termino ni Puno na pipiliing Chief Justice kung mapasa ang People’s Initiative.
Ang alok, "tutal malapit nang mag-retiro si Puno (70year old), papalitan ito ni Quisumbing." Dahil alanganin si Ate Glo kay Quisumbing, lumalabas na isa ito sa malamang na kumontra sa petisyon ng Sigaw ng Bayan. Sa Global Forum na inilunsad ng SC sa Shangri-La Hotel noong nakaraang linggo, halos "manikluhod at magmaka-awa" si Tainga-Kilay sa mga mahistrado para pagtibayin ang petisyong PIG ng Sigaw. Umasa ka pa, Tainga, bangungut na maging unang Prime Minister ng country ikaw noh?
Walang masama, walang bago, sa dinami -dami ng mga kontrobersyal na usaping legal na may kaugnayan sa katatagan ng palasyo ay palagiang ginagawa, normal practice na ito ng palasyo tulad ng;
1. EO 464 o ang pagbabawal sa lahat ng mga government officials na dumalo sa Senate hearing
2. Ang Proclamation No. 1017 o ang garapalang State of Emergency
3. Calibrated preemptive response (CPR) o ang 'no permit no rally'
4. Ang pinakahuli ay ang Executive Order No. 1 na ipinaglalaban ng mga opisyal ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa imbistigasyon ng Tongreso at Senado.
Sa apat na nailahad, bagamat laging napapahiya'tsupalpal ang palasyo sa SC, hindi mahirap paniwalaang hindi gumagamit ng panggigipit, pagtatangkang mag-impluwensya ang Malakanyang. Hindi rin mahirap paniwalaan maaring hahantong sa cashunduan, suhulang MILYON kada pirma, magagandang pwestong iaalok lalo na sa mababakanteng posisyon sa panguluhan ng SC.
Hindi tayo magtataka kung papaburan ng SC ang isinusulong na pekeng People's Initiative ng ahente't galamay ng palasyong Sigaw ng Bayan at ULAP. Alam ng mundo na mayorya ng mahistrado sa SC ay itinalaga't nakapwesto sa panahon ni Ate Glo. Ayon sa mga inuman at bulung-bulungan, magiging mahigpit, unanimous ang kalalabasang resulta ng botohan sa SC (8 : 7).
Buhay o kamatayan, iwas Thaksin sa bahagi ng Malakanyang ang nakataya at nakasalalay sa kahihinatnan ng magiging desisyon ng SC sa PI at Cha Cha. Political survival para kay Ate Glo ang pakay ng Cha Cha at kung maibabasura ito ng SC, pinapangambahang hindi aabot at matitigok si Ate Glo bago mag- 2007 o sa 2010.
Mas kay daling paniwalaan ng mahigit isang libong beses na kasakiman sa kapangyarihan, magtagal sa pwesto hanggang 2010 at tuluyan ng burahin sa kasaysayan ang dayaan, ang bastusan, ang lokohan, ang linlangan, pangungurakot at katiwalian, krimen sa country ni Ate Glo at kanyang mga alipores ang pakay ng PI-Cha Cha.
Batid ng SC na isang iligal na ehersisyo ang PIG at Cha Cha sa kadahilanang io-overhaul, rerebisahin nito (hindi ammendments) ang Constitution. Wala itong enabling law, nilabag nito ang jurisprudence, ang naunang desisyon ng SC sa Santiago vs Comelec nuong dekada 90s kung saan hindi pinahintulutan, hindi kinilala at itinapon sa kangkungan.
Kung sakaling bumigay ang SC, mahuhubaran at lalo lamang makukumpirmang isang tuta, nabayaran ng Malakanyang ang SC at lalabas na tunay, tama, korek ang balitang prinessure nga talaga ito ng Malakanayang kaya bumigay, kaya nagsirko.
Kung gusto niyang mapanatili ang kasagraduhan at pagiging independent, respeto at kredibilidad ng SC, kailangan nitong patunayan na sila'y may tapang, prinsipyo't lakas ng loob na ibasura ang PI. Mas malaking kahihiyan, tornado'tlindol ang pinsala, kaguluhang maidudulot ng pagpabor nito sa PI, kumpara sa pagbabasura.
Kung babasttusin ng SC ang mamamayan at garapalang papaboran nito ang PI , hindi malayong magkaroon ng Constitutionl crisis at ang maaring kahihinatnang politikal na senaryo ay, una; baka sumambulat ang pagdadalamhati ng taumbayan, specially ang paggitnang pwersa at hindi maisasaisang-tabi ang posibilidad na maulit ang mabagsik na Pipol Power. Pangalawa, tulad sa Thailand, baka tuluyan na ngang magsipag-aklas, ma-challenge ang isang paksyon ng kasundaluhan, kung saan sa isang KUDETA cum mass movement ang bumulaga sa mukha ng Parliament sa pangunguna ni Thaksin.
Sa ngayon, nakaabang sa anumang eventualities ang country. Sa bahagi ng demokratikong kilusan, maliban sa ligal, nananatili ang option sa extra- constitutional na pamamraan ang pakikibaka, hindi bumibitaw at tangan ang kumpas na kampanyang "oust GMA". Sa kabilang banda, naka-antabay at pinaghahandaan ang electoral combat, ang pagpapanalo ng ilang makabayang kandidato sa 2007, (senatoriable, party-list, congressional at lokal).
Muling nanunumbalik ang kasaysayang may pakirandam ang karamihan, pananaw, persepyon-mood ang mamamaysang Pilipino na KUMONTRA sa lahat ng kagustuhan, sa anumang galaw, sa anumang naising magtagal sa kapangyarihan ang diktadurang Marcos. Isang malaking pagkakataon sa bahagi ng malawak na kilusang progresibo na makatuklas ng wastong timpla, tamang ingredient, tamang taktika't estratehiya.
May senaryong kahalintulad ang nagaganap ngayon nuong (Martial Law ng Diktadurang Marcos) at ngayon kung saan ang political climate at political uncertainty ay halos iisa ang katugunan, ang PAGTUTOL.
Kaya lang, ang nakakalungkot, hindi makabawi't maka-bwelo ang ilan sa mga KILUSANG ito, kung 'di man mateo-teorya't, hardline, hindi maintindihan ang lengguahe't pinagsasabi nitong kasulatan, elitist, sectarian, all knowing, maggugulang at higit sa lahat ipokrita. Hindi masisisi ang country kung bakit tumatagal, lumalabo at walang pinatutunguhan ang pakikibaka. Ang nauulinigan natin sa tabi-tabi, mga pagdududa, kung bakit watak-watak, kung bakit sila-sila, kayo-kayo, kami-kami at kanya-kanya.
Doy Cinco / IPD
Oct 20, 2006,
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment