Friday, October 13, 2006

May Hustisya pa ba? Umasa ka pa!!!

Tulad ng inasahan, kinasuhan nga ng rebelyon ang mahigit 50 kataong civilian at militar na sangkot raw sa nabigo at pinagsususpetsahang “walk in the park” activity sa Edsa nuong February' 2006.

Ano ba naman 'yan? Kung matatandaan (Jan-Feb '06), putak ng putak ang Malakanyang, Gen Esperon tagapagsalita ng AFP na ang bantang Kudeta raw, kung mayroon man ay pangungunahan, kagagawan at sabwatan daw ng mga Magdalo-Junior Officers at CPP-NPA. Ito raw ay resulta A-1 info na nakalap ng AFP sa pagkakatimbog ng isang Magdalo officer at isang abogado sa Batangas at sinundan ng pagkakatakas ng apat na junior officers sa military detention.

Kung anu-anong propaganda at kasinungalingan; “may pagtatagpo't pagkakaisa na raw ang mga Komunista at mga Coup plotters' upang pabagsakin ang gubyerno ni Ate Glo. Ang tanong ngayon, maliban sa inaping Batasan Five (5), mga Komunista ba, CPP-NPA ba ang mahigit 50 taong kakasuhan ninyo ng rebelyon? Kudeta ba talaga ang plano o ang nabigong "walk in the park" at "withdrawal of support" lamang sana ni Gen Senga, Danny Lim, Gen Miranda at iba pang kalahok na pwersang demokratiko.

Dapat pa ngang magpasalamat ang Malakanyang sa mga "coup plotters" at hindi mga UTAK PULBURA'T ginagaya't inspirasyon lamang nila ang dating Heneral na si Angelo Reyes nuong panahon ni Pres Erastrada, "magwi-withdraw lamang ng support" ang mga aktibistang Heneral! "Sila pa nga raw ang dahilan kung bakit walang putukan, walang ibubuwis na buhay at hindi ia-asault-lulusubin ang palasyo ng Malakanyang", ito ang mahinahon na pahayag ni Gen Danny Lim sa isang interview ng isang magazine.

May hustisya pa ba? UMASA KA PA!!! Kung kakasuhan at maipapakulong si Ka Dodong Nemenzo (dating Presidente ng UP at ito naman ang kanyang pinaghandaan at ikaliligaya) at iba pang mga kasamahan sa kasong "tumulong, kumalinga, umaruga sa mga junior officers," maging parehas, patas sana ang HUSTISYA!

Ang nakakalungkot, bakit hindi magalaw-galaw, pinatatakas, itinatago ng Malakanyang ang mga may kagagawan, may sala at sangkot sa maanomalyang fertilizer scam na si JocJoc Bolante, ang bilyong scam sa PIATCO, ang bilyung scam ng Comelec at ni Com Benjamin Abalos sa Automated Counting Machine. Ang dagdag-bawas ni Emilio Garcillano ng “hello Garci” controversy kung saan kinalinga, prinotektahan ito ng Malakanyang sa Congressional hearing at ang ma-anomalyang transaksyon at money laundering ni Sec Nani Perez.

Kung may piring ang hustisya, bakit wala sa listahan si Novaliches Bishop Antonio Tobias? Hayagang inamin nito ang naging papel niya sa mga junior officers! Signal na ba ito sa Simbahan na manahimik muna, mag laylo o dahil ba'y may damage control na kinukunsidera't iniingatang maaring may negatibong epekto sa hanay ng CBCP at Vatican?

Isa pang katawa-tawa, muntik pang masuhulan (pwesto sa gubyerno), magkaroon ng cashsunduan sa pagitan ng Malakanyang at ni dating ambassador Roy Señeres (kasama sa 49 na kinasuhang rebelyon). Lumalabas, kung tatanggapin mo ang OFFER, kung babaligtad ka, kung magsisirko ka, kung oportunista ka, kung maghuhudas ka sa masang Pilipino, kung mababaw ang prinsipyo mo, burado't MAWAWALA ang KASO mo, aalisin ka sa listahan at bibigyan ka pa ng posisyon sa Malakanyang!!

Lantay, istilong buluk at maliwanag na political harrashment, Martial Law ala Diktadurang Marcos ang ganitong tunguhin. Gusto ng Malakanyang na makabawi't makaganti sa mga kritiko't kaaway sa politika, pilayan, tiris-tirisin, pahinain ang Kilusang Demokratiko na nagnanais ng pagbabago sa gubyerno.

Kung maipapakulong ang 50 katao (handa namang makulong ang mga ito), lalo lamang titindi ang labanan, lalong mara-radicalized, mapo-polarized ang country at fertilizer ito, inspirasyon ito sa panibagong larangan ng mataas na pakikibakang politikal.

Ayon sa bersyon ng HUSTISYA ni Sec siRAUlo Gonzales, "weder wader lang yan, PUPWEDE kung sana'y nagtagumpay ang "rebelyon (nung Feb 2006)-withdrawal of support-walk in the park", ngayon ay hindi na pupwede, NATALO kayo, sa kangkungan kayo!"


Doy Cinco / IPD
Oct 13, 2006

No comments: