Talaga? Kailan pa'yan, saang mga lugar, Abu Sayyaf at JI na naman? Hanggang kailan at anong oras ipapatupad? Korek, may apat ngang sumabog sa Mindanao! Mukhang alam na alam n'yo't maraming Pinoy at broadcast media ang napapaniwala?
Kaya lang, sino ang matino't kritikal mag-isip at magsuri ang kakagat sa balitang ito? Dito nga lang, araw-araw tayong tiniterorized ng Malakanyang at dahil sa political survival at isyu ng ilihitimong pangulo, ang terorismo ng panunupil, ang kagutuman, karalitaan, katiwalian, panlilinlang, kasinungalingan, bastusan at imoralidad ang siyang nakagawian ng hagupit ng buhay.
'Wag n'yo kaming pinagloloko, 'wag n'yo kaming GULUHIN, takutin at paki-alamanan! Imbis na dapat tumutulong ang US, UK at Australia upang magsulong ng kapayapaan at kaunlaran, parang ini-intriga't ginagatungan pa! Tularan n'yo ang Sweden at Norway na patuloy na nagbabandila't tumutulong para sa kapayapaan at kaunlaran, lalo na sa mga bansang kabilang sa Ikatlong Daigdig.
Gusto ng mga dayuhang ito' kasama ang mga kasabwat na mataas na opisyal ng Malakanyang na sirain ang pagkakaisa at magkawatak-watak (devide and rule) ang mga Pinoy. Gusto nilang gawing lunsaran ng larangang pakikidigmang anti-terorismo ng mundo ang 'Pinas, gusto nilang itulad sa Afghanistan at Iraq ang Mindanao.
Negosyo't hanapbuhay ang GERA. Alam ng mundo na pinagkakakitaan ang gera at walang dudang may interest at agenda ang US, UK at Australia sa Mindanao. Isang dahilan ay ang kayaman-natural resources na taglay ng Mindanao. Gusto nitong panatilihin naghihikahos ang lugar, ang status quo, ang patuloy na pagsasamantala, paghahari't kontrol nito sa rehiyon Timog-Silang Asya at Pasifiko.
Matagal ng ipinagmalaki ng AFP na humina't todas na ang grupong Abu Sayyaf Group, kasabay na may kumukulong tensyon namamayani sa pagitan ng Malakanyang at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sa anumang sandali (ilang araw, ilang buwan), malamang mabalewala ang ipinapatupad na Tigil Putukan. Kung ganito ang kauuwian, panigurong matutuwa't papalakapak ang mga may utak pulbura, buwitre sa palasyo at US State Department, UK at Australia!
Kung dati-rati'y ang grupong Abu Sayyaf (AS) at JI ang palagiang itinuturo, sa magkakasunod na apat (4) pagpapsabog sa Central Mindanao kamakalawa ay biglaang ikinakambyo na sa grupong MILF, ang kinikilalang ka-peace talk ng gubyerno.
Alangang maging terorista ang grupong MILF. Malabong paghinalaang may kaugnayan din ito sa ASG, lalong-lalo na sa CPP-NPA at Jemaah Islamiyah (JI), ang pinagsususpet- sahang mambobomba at pangunahing banta ng seguridad sa nalalapit na ASEAN Summit sa Cebu.
Ayon sa libro ni Maria Resa ng Abs-Cbn at reporter ng Cable News Network (CNN) ng US, sa kanyang maka-US State Department na pananaliksik, "mga grupong may kaugnayan sa Al Qaeda, tulad ng JI ang siyang may kakagawan sa pambobomba sa Bali, Indonesia at sa Pilipinas at ito'y nakapenetrate na, nagsasanay, nagre-recruit at nagpapalakas sa Gitnang Mindanao!" Ano ang batayan, sino ang sources dito, si Bush at Central Intelligence Authority (CIA)?
Mas kapani-paniwala ng mahigit isang libong beses kung sasabihing ang CIA ang tunay, ang orihinal na terorista ng mundo. Ito ang karanasan at pinatotoo ni Hugo Chavez, ang Presidente ng Venenzuela, Evo Moralez ng Bolivia, ni Lula ng Brazil at mismo sa Pilipinas. Maraming bansa sa mundo ang napariwara dahil sa panunulisan, pananabotahe ng CIA, lalo na nuong kainitan ng cold war, alang-alang daw sa "demokrasya".
Manhid na ang mga kapatid nating Moro sa ilang dekadang digmaan at karalitaan tinatamasa. Sawa na sila sa walang katapusan at palagiang pagbabanta, pananakot hindi lamang ng mga Dayuhan, maging sa mga ahente nito mula sa Malakanyang, kay Sec Norberto Gonzales.
Sa mga nagdaang kaganapan, nadiskubre, natuklasan ng ating mga kapatid sa Mindanao, mula sa ilang makabayang junior officers ng AFP, Taong Simbahan-Claretian order at dating Commander ng MNLF, na mismo ang gubyerno, matataas na opisyal ng AFP ang siyang promotor, utak at pasimuno ng gera't pambobomba (Davao Mosque, time ni Gen Angelo Reyes).
"Gumagawa ng gera o enkwentro" ang militar sa lugar para makakurakot! Maraming naiulat na nawawalang M-16 at truck-truck na bala ang militar na natatagpuan sa kampo ng MILF (pinagbibili ng mura). Ito ang ikinapuputuk ng butsi ng mga junior officers, na "ang kinamamatay nila ay mga armas at bala na galing sa mga ksamahan namin , sa gubyerno- AFP".
Kung may "ghost project" ang pulitiko, may "ghost war-encounter" din (set-up na kunwaring encounter) sa AFP. Malaki ang perang (milyon) involved sa tuwing may GERA. Bukud sa kurakot, may pakinaban at kaakibat na promosyon-medalya agad ito sa Malakanyang. Paano mai-inpliment ang isang anti-terror campaign-bill kung ganun katindi, kalupit ang pangungurakot sa loob ng AFP?
Maraming nahihiwagaan sa "paparating na terorismo-digmaan sa Mindanao na itinatambol ng US, UK, Australia at AFP.
Una; ang timing ng pagkaka-anunsyo, may on-going debate sa Senado hinggil sa nabuburong panukalang batas na Anti-Terrorism Bill ni Bush, ah si Sen Enrile pala.
Pangalawa; ang patuloy na "pagtugis at military operation" sa Jolo at paghahanap kay Kumander Kadhafi Janjalani (most wanted terrorist). Sinundan din ito ng isang DRAMANG pagkaka-aresto at "pangungumpisal" daw ng isang asawa ng "bomb expert" na si Dulmatin, isang kasapi raw ng JI. "Scripted masyado", huwag n'yo nga kaming pinagloloko!!!
Pangatlo; maliban sa may mobile force at aktibidad ang mahigit 7,000 tropang Amerikano sa bansa, may isinagawang joint military war exercises ang AFP at pwersang Australia sa Mindanao. Nalalapit na ang Association of Southeast Asian (ASEAN) Summit na gaganapin sa Cebu itong Disyembre at isa sa tatalakayin at pagdidisisyunan ay ang pang-rehiyong usapin ng anti-terorismo.
Ang isang maaring pagdudahan, pagtakhan sa nasabing pagbabanta ng US, UK at Australlia ay kung bakit mukhang alam na alam nito ang buong larawan at kaganapan sa Mindanao? Nakakalungkot isipin na sa kabila ng napakahirap na kalagayan ng ating bansa, ang Mindanao ay isa pa ito sa maaring targetin ng mga tinatawag na Muslim exremesit-terorista ng mundo.
Kung ikukumpara sa bigat ng kasalanang nagawa ng US, UK at ibang makapangyarihang Kanluraning Bansa sa Daigdig sa mga Islam-Kamusliman ng mundo, wala tayo ni katiting na kasalanan sa mga Muslim. Ang alam ko lang na maaring isumbat sa atin ng Al Qaeda, JI ay ang pagiging masunuring bata ng gubyerno, pagiging burikak sa foreign policy ni Bush at ni Uncle Sam. Sa kabila ng pagiging "super maid" ng mundo ang 'Pinas, ang hirap paniwalaan ng ilang libong beses na isa tayo sa maaring targetin ng mga sinasabing mga Islamic fundamentalist- extremistang Muslim groups sa mundo.
Hindi natin malilimutan ang sinabi ni Sen Pimentel at ilang mapagkakatiwalaang mga dating Kumander ng MNLF na, "may mahigit 20 taon na ang nakalipas ng itatag, inorganisa at pinakilos ng AFP ang grupong Abu Sayyaf sa Mindanao. Meaning, mga pekeng guerilla, mga bandidong grupo na ginawang military asset ng AFP ang Abu Sayyaf. Maliban sa pagkakakitaan, layon ng grupong ito na bulabugin, guluhin at sirain ang kredibilidad ng mga tunay na Samahan-Kilusang nagnanais ng tunay na pagbabago sa Mindanao.
Ang tunay na "terror attack" kung mayroon man, ay wala ng anu-anunsyo. Sino ang nakahula, sino ang naka-predict sa dalawang beses na atake ng pambobomba ng mga terorista sa Bali, Indonesia (na wala man lamang nasawing ni-isang Amerikano), sa 9/11 sa New York na kagagawan raw ng grupong Al Qaeda (na pinabayaan lamang ng US na makatakas ang mga kamag-anak ni Bin Laden sa US), mga pagpapasabog sa Madrid, Spain at ang pinakahuli ang pagpapasabog sa London, Great Britain sa Europa.
Sa ganang akin, maaring paghinalaan, pagdudahan ang mga banta't mga pananakot ng mga makapangyarihang bansang ito. Kasamang nakikipaglaro rito ang ilang mga traydor, taksil na lokal na ahente sa Malakanyang. Ang mga demonyong ito ang siyang punu't dulo, ang sponsor, ang ugat ng kaguluhan at fertilizer ng terorismo sa Pilipinas at sa mundo.
Ayon sa kaibigan kong Muslim, maibabalik lamang ang tunay na katahimikan sa Mindanao kung aalisin ang mga tropang dayuhang at AFP na patuloy na naghahasik ng takot at pangamba sa kanilang lupang tinubuan. Matatamo lamang ng Mindanao ang katahimikan kung maaalis ang mga malalaking private armies na kontrolado ng malaling ANGKANG pulitiko na kinukunsinti ng Malakanyang at partidong Lakas-CMD (hal. Gov Ampatuan).
Dagdag pa niya, "hindi solusyon ang batas na Anti-Terrorism bill, bagkus ito'y mitsa pa ng kaguluhan at digmaan." Tatahimik lamang ang Mindanao kung tunay na maipapatupd ang lokal na awtonomiya at sistemang federal na kung saan, sila-sila mismo ang siyang manggasiwa't maggugubyerno, sila-sila mismo ang uugit, tatahak ng landas tungo sa demokratisasyon at kaunlaran.
Magkakaroon lamang ng tunay na kapayapaan sa Mindanao kung papairalin ang tunay na representasyon (hindi mga TRAPO't malalaking pulitikong angkan) at partisipasyon ng mamamayang Muslim, Katutubo man o Kristiano.
Doy Cinco / IPD
October 11, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment