Dalawang magkasunod na natural calamity at isa sanang man-made (PIG) ang bumigwas sa ating bayan. Ang epidemya sa Dengue ang unang sumalanta at sinundan agad ito ng Bagyong Milenyo.
Sa kasagsagan ng kalamidad, pilit kong sinundan at minonitor ang galaw partikular ng mga Lokal na Ehekutibo (LGUs), si mayor, mga konseho, gobernador, mga bokal at higit sa lahat ang mga Tongresman. Ang nakaka-intriga at isang pattern na gusto kong suriin, patunayan ay halos hindi talaga naging VISIBLE ang ating mga pulitiko sa panahon ng kalamidad. Ito ba'y dahil sa paniwalang "wala na ngang election (NO-El) sa 2007 at mababago na sa sistemg parliamentaryo ang gubyerno"?
Limang (5) araw matapos ang devastation ng Bagyong Milenyo at ilang linggo matapos ang atake't epidemya ng dengue ay parang may kulang at nami-missed tayong taong turo ng turo na inaasahan nating magiging laman ng mga pahayagan, radio at TV. Nasaan ang mga PULITIKO?
Nakakapanibago, hindi pumapel at nawala sa eksena ang mga pulitiko! Normally, sinasamantala nito ang mga kalamidad, mga emergency situation upang maging bida, VISIBLE sa mga tao, tulad ng Kasal, Binyag, Libing(KBL), mga pho-ops, magmayabang, magpakitang gilas sa kanilang constituencies na sila'y hindi nagpapabaya, sila'y mga “lingkod bayan, mga servants daw sila, nagdedeliver ng good (relief goods) sa mamamayan upang maipakitang dapat pa uli silang iboto sa nalalapit na halalan.”
Nung nanalanta ang epidemya ng Dengue, pawang mga kinatawan ng Dept of Heath (DOH), lalo na si Sec Duque ang umagapay sa mga biktima ng dengue. May isang MaMBABATAS na hindi kasali sa ehekutibo (Tong Nannete Daza, 4rt District, QC) ang gumimik sa mali pang paraan (reactive at hindi preventive), ang FUMIGATION na wala ring epekto sapagkat itinataboy lamang nito, lumilipat lamang ang mga lamok sa kabilang bloke, sa kabilang barangay.
Dahil sa dengue, nailantad ang kahungkagan ng Punong Ehekutibo at kalunus-lunos na kalagayan ng mamamayan. Sa kabila ng pagmamayabang malaki raw ang kinikita sa koleksyon ng buwis (IRA), nabukong kulang na kulang ng mga materyales, mga gamot, duktor, nurse, third world na kalagayan at mga dispalinghagong facilities sa mga Hospital ng bayan. Malaki ang pananagutan, papel ng mga LGUs at Tongresman sa pamamagitan ng kanyang kinukurakot na pork barrel at IRA na dapat naisusustini ang mga naghihingalong Lokal na Hospital ng bayan.
Katatapos lamang sa Tongreso ang mainit na debate't oral argumento sa Korte Suprema nung sumagasa sa Kabikulan, Southern Tagalog at sa Kamaynilaan ang Bagyong Milenyo. Ayon sa National Disaster Cordinating Council (NDCC), mahigit 42,000 ang nawasak na bahay (giba ang bahay at tanggal ang bubong). Maliban sa Kamaynilaan, nanguna ang probinsya ng Rizal at Quezon sa mga napuruhang. May 80 na ang nakumpirmang patay at maraming missing.
Nagmistulang war zone ang Kamaynilaan. Nagbagsakan ang mga naglalakihan, kinamumuhiang kontrobersyal na killer Bill Board, nagtumbahan ang ilang libong mga naglalakihang puno at ilang libong poste ng kuryente at transmission tower mula Albay, Catanduanes, Cam Sur, Laguna, Cavite, Rizal hanggang NCR.
Tone-toneladang kalat, debry ang napabayaang nakabalagbag sa lansangan. Halos Meralco at MMDA na lamang ang nakikita ng taumbayan. Nangailangan pa ng tropa ng sundalo upang tumulong sa clearing operation. Ang kupad at ang bagal ang isinasagawang recoverty at pagkilos.
Dito na lamang sa Central District, QC ilang kilometro lamang ang layo sa City Hall, limang araw nang nakabalagbag ang mga kalat, walang tumatrabaho upang tanggalin ito. Nakahambalang magpahanggang ngayon ang kalat sa Pedro Gil sa Manila. Ang gnitong pangitain ay kumon sa halos lahat ng probinsyang naapektuhan ng bagyong Milenyo. Ang nakakalungkot, lahat nakatingin sa Meralco na sumalo ng buong dalamhati't paninisi ng buong populasyon.
Lumaganap ang looting at nakawan ng KAWAD at pati ang Transformer ay 'di pinaligtas (kung sa bagay, ilang libo rin ang halaga nito). Ang tanong, nasaan na ang mga Barangay Tanod at Pulis na sana'y nangasiwa't nagbantay ng kapayapaan at seguridad sa lugar.
Malaki rin ang pananagutan ng mga LGUs sa nagsulputang mga killer billboard sa Kamaynilaan. Maliban sa negatibong epekto nito sa kaisipang konsumerismo, sexism at SM malling sa lunsod, sila ang nagregulate at nagbigay ng permit sa mga killer billboard. Milyong piso taun-taon ang kinikita ng LGUs sa mga bill board. Wala silang paki-alam kung ito'y sa bandang huli ay makakapinsala sa mamamayan at sa trapiko.
Malaki ang naging pagkukulang ng mga LGUs na paghandaan ang pananalanta ng mga kalamidad sa bansa. Nasaan at ano ang naging papel ng mga konsehong dapat humarap o mga programang nakapatungkol sa DISASTER PREPAREDNESS upang kahit paano'y maibsan ang posibleng grabeng impak ng sakuna o pinsalang idudulot sa ating komunidad.
Sa ganitong kalamidad at dilubyo, inaasahan magiging makilos at aktibo ang mga barangay, sapagkat sila ang nakakaalam sa kanilang nasasakupan, kung saan-saan ang mga nasirang poste ng kuryente at mga natumbang puno.
Kung sa Vietnam naging maagap, alerto ang mga awtoridad, mukhang patay-patay sa atin. Ayon sa BBC at CNN, ilang araw bago dumating ang Bagyong Milenyo sa Vietnam, malawakang relokasyon ang isinagawa sa mga baybaying kumunidad at sa mga lunsod sa Vietnam (ala Hurricane Katrina sa New Orleans, Luisanna, USA). Sa atin baligtad, hindi pro-active, lupaypay ka muna, nasalanta ka muna, namatayan ka muna, napinsala ka muna bago nagre-react, nagrerelocate sa relocation siteang mga tao.
Marahil, marami sa mga mayor at gobernador lalo na yung mga na-sodium sa utak ng Sigaw ng Bayan at ULAP na NO-EL (no election) na nga, Pipol inisyatib na't charter change na sa susunod na taon. Kaya naman hindi maasahng makakagampan ng trabaho ang mga LGUs sapagkat abala ito sa kampanyang CHA CHA. Paanong magpapakitang gilas ang mga Mayor, kung wala't di matutuloy ang halalan sa 2007, dahil sa tingin nila, tuloy-tuloy na ang PIG o Con As, tuloy na ang Charter Change?
Doy Cinco / IPD
October 2, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment