Hindi ko alam kung paano ilarawan ang ating naghihingalong ekonomyang pinipilit palabasing maunlad at nasa tamang landas, modelo at nasa wastong economic fundamentals. Paulit-ulit na ipinopropagandang gumaganda raw ang ekonomya dahil lamang sa "lumalakas na Piso at stock market".
Ang paglakas ng Piso kontra sa dolyar ay walang kinalaman sa paggugubyerno (kredito) ni Ate Glo at hindi sa kadahilanang dahil sa panloob na kaganapan, ito'y dahil sa panglabas (external factor) na sitwasyong dinadaanan krisis ng Amerika. Sa totoo lang, humihina (ang palitan) ang US dollar sa lahat ng currency ng mga bansa sa Europa at Asia. Pangalawa, nagsisimula ng bumubuhos sa Pinas ang dolyar na ipinadadala ng mga OFW.
Halos ganun din ang paglakas ng stock market. Gumaganda rin ang stock market sa halos mayorna ng mga bansa sa Asia! "Kaya't wag n'yo kaming gaguhin, hindi lang ang bansang 'Pinas ang nakararanas ng paglakas ng local currency at stock market. Ang paghina ng dolyar ay resulta ng patuloy na paghina ng US economy, low interest rates at ang lumolobong US government deficit.
'Di ko alam kung ano ang pwedeng itawag o saang patungo tayo, kung 'di man Junk Shop economy, swak din sabihing patungo sa ukay-ukay economy, super maid economy, japayuki economy o bugaw economy sa ilalim ng gubyernong gigiray-giray ni Ate Glo.
Puro KATANGAHAN na lamang, wala ng inisip na mabuti't katinuan para sa country. Sa dalas ng kuryente't kahihiyan; mula sa People Initiatives (PI) at Cha Cha, pagsususpinde kay Binay, Nursing Testing at NoKor Nuke Testing, Thaksin Ouster, 1017, CPR at ang pinakahuling pinagka-abalahan ay itong TRATADO mula sa bansang Hapon. Kailangan na sigurong i-recall o dili kaya'y chugiin na ni Ate Glo ang kanyang mga spins, Tongsultant, mga galamay, mga asungot sa gilid-gilid.
Ayon kay Mike Defensor, dating Environment Secretary at kasalukuyang tumatayong presidential chief of staff, "dalawang beses n'ya raw tinutulan ang cashunduan at tungkol sa tratado, “mukhang hindi raw nabasa ni Ate Glo ang buong detalye”. Inperaness kay Mike, kay daling unawain maging 'apoligetic' sa anumang puna ng country sa presidente. Kaya lang, ang sigurado, may tatabo't kikita at hindi malayong paniwalaang bahagi ito ng "resource move" na kakailanganin para sa political survival ni Ate Glo hanggang 2010.
Matapos ipagmalaki't ipagmayabang nai-closed nito ang deal, ang tratado sa Gubyernong Hapon at iprinopang sasagana, uunlad at makikinabang raw ang ating mga kababayan, ang bansa at ang ating ekonomya. Resulta, mukhang nalagay sa alanganin. Sa akalang maitatago't makakalusot sa Senado, magkasabay na pinirmahan ni Ate Glo at ni Prime Minister Junichiro Koizumi ng Hapon noong Setyembre 9, ASEM conference sa Helsingki ang cashunduang Japan-Philippine Economic Partnership Agreement (JPEPA).
Sa tindi ng kaliwa't kanang batikos na inabot, napilitang kumambiyo ang Malakanyang at mukhang balak na raw iriview ang super kontrobersyal na provision ng tratadong JPEPA. Ito'y matapos mabisto, madiskubre ng mga environmentalists-GREENPEACE na naloko ang taumbayan, maaring na-onse si Ate Glo ng Hapon, nautong payagang gawing dumping site, gawing tambakan ng toxic materials, gawing Payatas ang ating pamayanan, ating komunidad, ating baybayin, ang ating karagatan at ang buong Pilipinas.
Kung sabagay, hindi na ito balita. Sa totoo lang, dahil sa KAHINAAN ng ating mga institusyon (seguridad ng 2,000 km coastline), ilan dekada na tayong pinagtatapunan, nakakatanggap ng mga basura, lasong kemikal, industrial waste mula sa mayayamang bansang tulad ng Hapon, Amerika at Australia. Mga ilang taon lang ang lumipas ng masabat ng mga taga-Custom ang ilang malalaking container na punong-puno ng mga medical waste, pasador ng babae, heringgilya, mga basura ng hospital na galing sa Hapon. Dahil sa nagkahiyaan na, ipinabalik ng BoC ang nasabing basura sa Japan. May mga basura, chemical waste na nasabat rin ng mga mangingisda (somewhere in Manila Bay) na itinapon ng barkong Australia. Mula sa “reyna ng mga Katulong-alila ng mundo, tayo na ngayon ang pangunahing BASURAHAN ng mundo ng mayayamang bansa.
Diyos por santo, nagkakanda-uga-ugaga na nga si Bayani Fernando ng MMDA kung saan-saan itatapon ang milyon-milyung toneladang basura ng Metro Manila kada taon (hanggang ngayo'y walang probinsyang gustong tumanggap bilang dump site), kung anong gagawin sa oil spills ng Guimaras, dadagdgan pa ng problema ni Ate Glo ng ilang ulit ang volume ng basura sa bansa.
Maliban sa 'abuloy' na Official Development Assistance (ODA) ng gubyernong Hapon, nasaan ang pagiging magkaiban, pagtutulungan, pagkakapatiran, partnership ng isang mahirap at isang super yaman, makapangyarihang bansa? Hindi na tayo iginalang, trinatong parehas ng bansang Hapon. Nananalaytay pa rin sa dugo ng Bansang Hapon ang imperial character, pangLALAMANG, ang pagiging dorobo't mapagsamantala. Kinakasabwat at sinasamantala ang kahinaan sa gubyerno ng mga bansang tulad ng Pilipinas.
Kahit saan anggulo tignan, napaka-isahang panig, mapang-api, 'di makatarungan, TUSO, dorobo't manyakis ang nasabing mga probisyong nilalaman ng tratado. Imbis na negosyo, pantay na palitan ng kalakalan, pagpasok ng puhunan at produkto ('di Ukay-ukay na sasakyan), teknolohiya't serbisyo, lasong kemikal, mapaminsalang basurang magdudulot ng masamang karandaman at kalusugan ng ating kababayan ang ibinalagbag sa ating ng mga Hapon.
Tratadong magdudulot raw ng Trabahong OFW, dolyar, super KATULONG, kapalit ng LAMAN, ng alindog ng ating kababaihang mga NURSES at caregivers. Ibig sabihin, lumalabas na hayagang IBINUBUGAW na ni Ate Glo ang ating mga KABABAIHAN, ating kababayan. Hindi lang sell-out ng bansang Pilipinas, isa itong krimen, katrayduran, pagtataksil at paglabag sa ating batas at pandaigdigang proteksyon ng kalikasan.
Ayon sa probisyon ng TRATADO, tayo ang magiging aliping sagigilid (caregivers), maninilbihan bilang katulong, aarugain ang mga matanda, baldadong Hapon upang lumakas, maging malusog, tumagal ang buhay, sila (ang Gubyernong Hapon) ang HARI, sila ang may SAY kung ano ang dapat kapalit. Sila ang magsasabing “payag silang papasukin ang mga ALIPING SAGIGILID KUNG gagawing TAMBAKAN, gagawing Payatas ang Pilipinas”? Ang malungkot, giginhawa't masasarapan sila, habang perwisyo, delubyo't kamatayan ang mararansan ngmga Pilipino ang nakasalalay na kapalit.
Hindi maaring palampasin ng mamamayang Pilipino ang karumaldumal na krimeng tratadong ito sa pagitan ng Malakanyang at Gubyernong Hapon. Tayong lahat ay apektado maging ang mga susunod na henerasyon. Mayaman, mahirap, komunista, pasista at repormista, bata, matanda, lalaki, babae, gay and lesbian, propesyunal at taung simbahan (anumang relihiyon) ay walang dudang damay sa masamang epekto't idudulot ng TRATADO.
Maliban sa kilos protesta, umaasa tayong agad na maibabasura ito sa Senado.
Doy Cinco / IPD
Oct 28, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment