Tuesday, October 03, 2006

Sa utus ng Malakanyang at ni Ate Glo, Umbudsman NAGSIRKO!

Kung sa bagay, hindi na ito balita at inaasahan na ito ng country. Hindi rin ito kagulat-gulat at kamangha-manghang ginawang pagsisirko ng Ombudsman. Isa lamang itong pagtalima sa utus ng mga makapangyarihang pinagkakautangan nila ng loob sa Malakanyang.

Sa totoo lang, in peraness sa Ombudsman, tanda lamang ito ng pagiging mapagbigay at masunurin bata sa panawagang “iligtas sa kapahamakan ang Reyna ng Kadiliman” sa palasyo at magtagal pa ito sa pwesto hanggang 2010. Maliban sa bulsa't cashunduan, mag-let's move on na't ituloy ang paghahanda sa nalalapit na 2007 election.”

Ang dapat pagtakhan ay kung sana'y pinangatawanan nito ang papel bilang isang independent constitutional body na nagwawagayway at nagsusulong ng kontra- pangungurakot at kalinisan sa gubyerno. Ang headline ay kung kinatigan sana nito ang nauna ng desisyon ng Supreme Court (SC) na “may paglabag sa sariling (Comelec ruling) patakarang sinunod sa Rules of Bidding at procedures sa nasabing kontrata ng supplier nitong Automated Counting Machine (ACM) ng Mega Pacific.

Ilang buwang ng minumulto ang Comelec at Malakanyang sa isyung ito. Tarantitay, nagpupumilit at napapraning na't baka magkabulilyasuhan, baka maapektuhan ang katatagan ng pangulo't seguridad ng bansa (ala Thaksin), baka hindi magamit at masayang lamang ang P1.3 bilyong inaamag na 2,000 ACM, matulad sa kinahinatnan ng Bataan Nuclear Power Plant at PIATCO. Ang hindi alam ng country, nakapag-paluwal -bayad na pala ang Comelec sa Mega Pacific ng kalahating Bilyong piso.

Bukud sa overprized ng kalahating BILYONG piso ang nasabing materyales (ACM), hindi na raw maaaring maisauli ang 2,000 ACM sapagkat ayaw na raw itong tanggapin ng Mega Pacific!" May balanse pa daw itong P800.0 milyon na UTANG-na! Sino ngayon ang accountable, responsibilidad sa maanomalyang bilyon kontrata?

Matapos nai-award nuong April, 2003 ang kontrata ACM at nabisto ng mamamayan na hindi qualipikado ang Mega Pacific na maki-parte sa bidding, diniklarang NULL, VOID at mabantot ang nasabing kontrata ng Supreme Court.

Una, nilabag nito ang batas at ang jurisprudence. Hindi ito naging maingat sa isinagawa't sarili nitong ruling sa bidding at procedures. Pangalawa; walong beses na hindi nakapasa ang makina (ACM), kasama ang tinatawag na standard of accuracy na naging batayan pa mismo ng Comelec. Questionle ang kakayahan nitong madetect agad ang resulta ng bilangan-election na nauna nitong idinownload, at Panghuli, ang kapasidad nitong mai-print agad yung “audit trails ng bilangan at canvassing”.

Nagbabala ang SC na kung ipagpipilitang gamitin ng Comelec ang makina (ACM), “sa isang stroke lamang, sa isang pindut lamang (hackers-IT terms), bubulaga ang matinding dayaan, ang kinamumuhiang dagdag-bawas sa 2007 at 2010 election."

Ginagamit pa ni Abalos at ni Macalintal ang Dept of Science and Technology (DOST) upang ipawalang saysay ang in-accurate na findings ng SC. Hindi ba ovious at halatang-halata na parang lumalabas na sila na ang tagapagtanggol ng Mega Pacific, umaaktong mga salesmen, spokesmen at AHENTE ng Mega Pacific.

Ilang buwan ang nakakaraan nung iutos ng SC sa Ombudsman na hanapan nito ng criminal liability ang Comelec. Walang sinasabi ritong i-abswelto at palusutin ang Comelec. Isa rin sa suwestyon ng SC na pag-isipang nito kung paano mababawi pa ng gubyerno (Solicitor General) ang bilyong pisong (P1.3 bilyon) bayarin ng Comelec sa Mega Pacific, sapagkat sa pamamagitan ng buwis, si Mang Juan na naman ang papasan, ang punu't dulo ng pagdurusa.

Kaya lang, ang nakakapanglupaypay, pinawalang bisa at inabswelto kahapon ng Ombudsman ang Comelec, si Chairman Benjamin Abalos, Com.Florentino Tuazon, Rufino Javier, Ralph Lantion, ang retiradong si Mehol Sadain, Luzviminda Tancangco at si Com. Resurreccion Borra, ang puno't nangasiwa sa nasabing maanomalyang kontrata. Sila, sa pamamagitan ng “en banc resolution” ang tinukoy na may kagagawan sa pag-aapruba ng maanomalyang kontrata.

Ayon sa Ombudsman, “wala raw nangyari overpricing, walang isinagawang iregularidad” ang Comelec. Kung mayrun man, "hindi ito intensyunal at hindi sinasadya." Kung baga, walang intensyong mangurakot sapagkat ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho. “Walang malinaw na ebidensya ng pangungurakot,” isa raw itong “error of judgement, isang mis-interpretation ng batas". Nilinaw ng panel na “ hindi naman daw disbentahe sa panig ng gubyerno ang nasabing kontrata at ang ACM ay pumasa naman daw sa isinagawang test run at requirement ng DOST."

”Totoo naman, dahil nakagawian na, kultura na, 'yan ang opisyal na kalakaran sa gubyerno, yan ang matagal ng practice sa larangan ng SUBASTAHAN at pakikipag- transaksyon. Sa gubyerno, “normal lamang, pangkaraniwan lamang” ang kalakarang SOP (30-60%, kaya nao-overprized). Nasa mind set ng isang opisyal ng gubyerno, tulad ng Comelec, DPWH, AFP, DepEd, Custom, at iba pang ahensya na ito'y "ligal, malinis, walang anomalya at above board" ang ganitong sistema.

Ang katawa-tawa, isang hunyango, katangahan at kabobohan ang inilabas na desisyon, “habang sinasabing wala raw mali sa desisyon ng SC na papanagutin ang Comelec, sinasabi ring walang nagkamali sa nasabing desisyon”! Ano ito! Meaning, “pwede raw magkaroon ng KAMALIAN na walang NAGKAKAMALI! Haaaaa......Ang labo na, halatang NABAYARAN at sumunod nga sa kunpas ng Malakanyang!

Lumabas ang tunay na KARA ng Ombudsman, ang pagiging bias nito sa Malakanyang. Tignan n'yo na lang kinahinatnan ni Mayor Pewee Trinidad, Vice Mayor Calixto ng Pasay City, ang kasong isinampa at bantang pagpapatalsik kay Mayor Binay ng Makati na ang naging kasalanan lamang nito ay sila'y mga kaaway sa pulitika ng Malakanyang. Kung maagap magdesisyon ang Ombudsman sa mga kaaway, ang kupad, parang tinatamad at kinakalimutan ang kasong P700.0 milyong fertilizer scam ni JocJoc Bolante.

Sa nangyaring ito, malabo ng magtagumpay ang kampanyang kontra-pangungurakot sa gubyerno. Wala na ring pinagkaiba, magkakabalahibo na sila ng Comelec at Tongreso na kahit anong ipagawa't halikan ang tumbong ni ate Glo, sunod at luluhod. Kaya't kung ako kay Ombudsman Merceditas Gutierrez, mag-resign na't 'wag ng bumalik sa Pilipinas.

Kung matatandaan, pinagtawanan ito sa una nitong naging disisyong “pinag-initan at irekumendang kasuhan at i-impeach” si Com. Resureccion Borra sa salang pangungurakot, dahil siya daw ang nanguna't kinatawan ng Comelec sa kontrata.

Kung baga, tinangkang gawing sacrifial lamb si Borra habang sinasagip, bine-baby si Chairman Abalos at iba pang kasamahan. Umani ito ng matitinding reaksyon hindi lamang kay Abalos, maging sa hanay ng civil society, sa hanay ng oposisyon sa Kamara at Senado. Dahil ito'y isang “en banc resolution", bakit si Borra lang ang kakatayin, bakit hindi ang buong Comelec? Alangan namang siya lang ang nagdesisyon sa kontrata, siya lang ang nabiyayaan, kumita, nangumisyon at nasuhulan.

Kung kaya't sa simula pa lamang ng imbistigasyon, nawalan na ng kredibilidad ang Ombudsman. Sa nangyaring ito, malabo ng magkaroon ng matuwid, paninindigan, matinong paghuhusga ang Ombudsman. Maliwang pa sa sikat ng araw na totoo ngang itinalaga si Ma. Merciditas Gutierez at Casimiro ng Malakanyang (kilalang malapit sa amga Arroyo) sa Ombudsman upang upang baligtarin, gaguhin, katayin ang nauna na nitong disiyon, posisyon at rekomendasyon ng SC. Sino ngayon ang mas may kredibilidad, mas kakatigan ng country, ang Ombudsman o ang Supreme Court?

Matapos mapawalang sala ang Comelec, ano ang posibleng kasunod? Ano ang ipinapakita, implikasyon ng naturang desisyong i-abswelto ng Ombudsman ang Comelec? Inaasahang pakakawalan na ang mga buwitre sa Comelec, Mega Pacific at Malakanyang. Nakaabang nang gamitin ang ACM sa nalalapit na 2007 at hindi lang 'yan, reresolbahin na ang usaping pera, ang kabayaran utang ng gubyerno/Comelec sa Mega Pacific na nagkakahalaga ng P1.3 bilyong piso.

Katulad ng Pipol Inisyatib at Cha Cha, ito'y bahagi ng isang malakihang disenyo ng Malakanyang na ISALBA si Ate Glo sa katiwalian, sa linlangan, illigitimacy, magtagal, manatili sa pwesto hanggang 2010 at burahin sa isip ng tao ang “hello Garci, am sorry” controversy nuong 2004 presidential election. Dagdag pa, kailangan nitong sawatain ang posibleng pananagumpay ng oposisyon sa 2007 election.

Hinding-hindi papayagan ng Malakanyang na “i-rock the boat” pa, gatungan pa, paypayan pa ng Ombudsman ang nagbabagang sitwasyong politikal ng bansa, lalo na't papalapit na ang 2007 election. Nananatiling may pagbabanta, destabilization at KUDETA sa bansa.

Kung mapapatunayang nagkasala't may iregularidad at makasuhan ng pangungurakot ang Comelec, (na siya naman dapat nangyari upang ganap at seryosong isulong ang reporma sa elektoral) walang dudang mag-aalpas ang Comelec, si Abalos at iba pang kasamahan. Dahil, sa kabila ng matapat na tupang ipinanalo nito si Ate Glo nuong 2004, hindi papayag na pag taksilan, traydurin at wasakin ang kanilang dangal at puri. Malaking gulo at tiyakang gaganti si Abalos at Comelec. Kung magkakalantaran, tiyakang idadamay nila sa hukay ang Malakanyang sa impierno.

Alam ng Malakanyang na maraming nakatagong alas si Abalos na posibleng magbulgar ng katotohanan sa naganap na “hello garci” controversy. Alam ng Comelec ang buong detalye't kaganapan ng Special Ops (at all cost, ipanalo si Ate Glo) sa Mindanao at ilang lugar sa Kabisayaan na kung saan itinalaga nito si Com. Garcillano para mangasiwa at manguna sa “operasyong dagdag-bawas.”

Alam rin ng Malakanyang ang maaring reparkasyon at sa totoo lang, matagal ng naka-plano't nakabalangkas na walang mapipirwisyo't maggalaw sa Comelec, “win-win solution ika nga”. Kailangang maproteksyunan si Abalos sa ginawa nitong kabayanihan nuong 2004 election. Kung hindi isang promosyon o patrabaho sa embahada, maaring magkaroon ng graceful exit, pagbabakasyunin, pagreretiruhin at tuluyang patatahimikin sa hangin.


Doy Cinco / IPD
October 3, 2006

No comments: