Halatang-halata't may kulay pulitika ang motibo ng Malakanyang sa pagsususpindi at pagpapatalsik kay Mayor Binay ng Makati. Naunan ng sinuspindi ang isa ring oposisyon si Mayor Peewe Trinidad ng Pasay City, ang kanyang Vice Mayor at 10 mga councilors.
May isang taon ding prinoyekto ng Malakanyang si Binay (ang kaisa-isa na lamang balwarte ng oposisyon sa Kamaynilaan) at ang tanging kasalanan lamang nito ay; kaaway sa pulitika ni Ate Glo, siya ang pangulo ng United Opposition (UNO), ang pangunahing tinik at sagka ni Ate Glo sa 2007 at 2010. Si Binay ang kumatay ng People Initiative ni Gloria (PIG) at Cha Cha. Isang "teroristang" banta sa katatagan ng Malakanyang at political survival ni Ate Glo hanggang 2010 si Binay.
Ano ngayon ang palusot at ikinakaso kay Binay ng Malakanyang at DILG? “Pangungurakot, accountability ng public officials?” 'Trntado, gawain ng halos lahat ng pulitiko yan, mula Malakanyang hanggang lokal! Repleksyon lamang na kung ano ang sistema't ginagawa sa TAAS ay siya ring nakagawian at kalakaran sa baba, sa LOKAL!
Ang nakakapanglupaypay, nagkaroon ba ng maayos na proseso at parehas na inbistigasyon sa kaso (maliban sa ang alam ng lahat ay Malakanyang ang trumabaho't nag-iimbistiga rito) ng “ghost employees at overprizing" sa Makati?
'Wag n'yo nga kaming pinagloloko!! Ang kalakaran at isyu sa Mega Pacific (Automated Counting Machine), PIATCO, Macapagal Highway, IPPs (independent power producers), ang procurement, subastahan at SCAM sa Dep-Ed, sa AFP at DPWH na pawang mga "legal na overprizing" ay kagagawan at kinukunsinti ng Malakanyang. Alam ng lahat na bilyun-bilyong piso kada buwan ang naibubulsa sa ala-Mafiang sistema ng procurement procedure at subastahan isinasagawa sa gubyerno!
Bigo't wala ng kredibilidad ang Ombudsman sa kampanyang kontra-korupsyon. Ang World Bank na mismo ang nagsasabi na ang bawat proyektong ipinatupad ng gubyerno, may 40 hanggang 60% ang naibubulsa, nakukurakot sa anyo ng komisyon, suhol, lagay at ito ang sanhi kung bakit triple sa tunay na halaga (overprizing) ang mga mega-projects ng gubyerno. Hindi itinatanggi ng Malakanyang ang ganitong kalakaran!
Alam ng mundo na bahagi ito ng teroristang kontra-opensibang atakeng pinaiiral ng Malakanyang sa kanyang mga kaaway sa pulitika. Layon nitong durugin, tirisin, i-all out war, i-marginalized at all cost ang political opposition sa nalalapit na 2007 election.
Sinong naniniwalang seryoso ang Malakanyang sa panawagang linisin ang burukrasya sa gubyerno (lokal at nasyunal)? Bakit si Binay lang? Bakit hindi magalaw-galaw ng Ombudsman si Mayor Echeveri ng Caloocan, Mayor Lito Atienza ng Manila, Mayor Jaime de la Rosa Fresnedi ng Muntinglupa, Mayor Sonny Belmonte ng Quezon City na nakatengga rin ang kaso sa Ombudsman at marami pang mayor at gobernador sa bansa? Kung tototohanin ang kampanya, baka maubos at walang matira sa LGUs?
Nasa mind set ng isang local executive na legal at 'di bawal ang "ghost employees", mga casual employees na naka-payroll! Ang totoo, mula Appari hanggang Jolo ay talamak na pinapairal ang “ghost employees”. Kung di man lahat, mahigit walong pung porsiento (80%) ng mga Mayor at Gobernador sa buong bansa ay may "ghost employees"!
Hindi na bago't hindi na balita 'yan. Saksi't buhay na karanasan ko ito nuong ako'y nagtrabaho't nakipag-network sa mga LGUs (IPD projects) nuon sa Bataan, sa Bohol at sa Negros. Marami rin akong kaibigang nagpapainum na "ghost employees" na ipinasok ng mga pulitiko sa Quezon City at hindi kayo maniniwalang maging sa Non Governmental Organization (NGOs) ay uso rin, may raket na ghost employees rin.
Nakagawian ng kalakaran sa mahigit limang (5) dekadang sistema ng lokal na paggu- gubyerno ang ghost employees. Kung susuriin, tatanungin at pag-aaralan kung bakit nag-eexist ang mga'to, KULTURA'T utang na loob.
Pangkaraniwan ng itinatalaga, pinupwesto, bilang kontraktwal ang mga bata-bata ng Lokal na Ehekutibo ang ghost employees. Hindi malayong paniwalaan na pati ang opisina sa Presidente sa Malakanyang ay hindi rin ligtas at nagpapatakbo ng sari-sariling bata-batalyong mga "ghost employees"!
Bayad utang sa mga “OPERADOR, kaibigan, ka-brod/sis, kabalahibo't kamag-anak”, mga tumulong sa election, sa pagkakapanalo ng Mayor, Gobernador, ni Tongresman at Presidente! Kaya nga imbis kastiguhin ang mga Heneral at mga commissioner sa Comelec na sangkot sa "hello Garci" ay prino-promote pa ni Ate Glo. Simpleng bayad UTANG lang 'yan! Kaya't, kung ika'y ka-alyado, walang problema para sa'yo ang katiwalian at ghost employees, kaya lang, kung ika'y kalaban ng Malakanyang, ni Ate Glo, kara- karakang hahanapan ka ng butas para mawala ka!!
Ito ang nagdudumilat na katotohanan sa buluk na sistema ng ating pulitika, ang padri-pdrino o “patronage politics” at ang nakakalungkot, alam at 'di pwedeng magmaang-maangan ang Malakanyang sa isyung ito.
Doy Cinco / IPD
Oct 17, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment