Thursday, July 26, 2007

“Bonding” ng 15 Pampanga mayors, kaduda-duda

Umalis kahapon patungong Hongkong at Macau ang 15 mayors ng Pampanga upang “magbonding.” Malamang sa hindi, kasama ang kani-kanilang pamilya, apat (4 days) na araw silang mamamalagi sa abroad at “magbobonding.” Ayon sa mga mayors, “puro na lang trabaho, nakakapagod na at panahon naman daw upang magbonding.” (Kuha sa: http://amonged.org/images/header1.jpg / http://the-opportunists.com/images/opportunist-small.jpg) Aprubado sa bagong halal na gobernador na si Among Ed ang nasabing trip ng mga mayors.

Maliban sa junket, simula na naman ba ito ng panibagong gerang pulitikal sa probinsya, pag-aayos ng sigalot sa katatapos na election, paghahanda sa barangay election o konsolidasyon ng pampulitikang pwersa para sa 2010? Ang isang tanong, sa 21 na bayan ng Pampanga, bakit 15 lang at 'di kasali ang 6 pang mayors? Ang 15 mayors ay diumano'y mga galamay ng natalong aspirante sa pagkagobernador na si Lilia Pineda, samantalang ang natitirang anim (6) ay siya namang nasa kampo ng mga Lapid, ang anak ni Sen Lito Lapid, isa sa pinakapangyarihang pulitikong angkan sa probinsya.

Kung matatandaan, namis-calculate ng dalawang pulitikong si Pineda at Lapid (Lakas at Kampi), mga kaalyado ni Ate Glo, ang kakayahang magwagi sa halalan si Among Ed (1,000 + votes winning margin). Ang campaign slogang “krusada laban sa katiwalian, laban sa weteng at para good governance” ni Among Ed ang siyang gumuhit sa kamalayan ng mga Kapangpangan at yumanig sa mga campaign operador, theoretical electoral campaign tactics at strategy ng buong bansa.

Matapos ang labanan, naparalisa ang local machinery at vote delivery, nagkatrayduran at nagkataksilan, ilang barangay kapitan ang inassasinate at dinukut. ayon sa ilang lider ni Among Ed, hinihinalang kagagawan ito ng mga political operator na malapit sa mga natalong kandidato bilang bayad paniningil sa ilang milyong pisong dinukut mula sa campaign budget.

Bumaha ng pera at gumanda ang local economy ng probinsya (nag tricle down ang pera ng mga elite). Tinatantyang “may mahigit isang bilyong piso (P1.0 billion) ang pinakawalang pondo ni Lilia Pineda masilat lamang ang mga Lapid sa governatorial race.” May ilang daang milyong piso (P200-300.0 milyon) naman ang pinakawalan ng mga Lapid talunin lamang ang mga Pineda, habang halos kakalog-kalog ang makinarya't kulang-kulang ilang milyon piso lamang ang nagastos mula pa sa donasyon ng ilang ordinaryo't malalaking pamilyang panggitnang uring sangay (middle class) na umaasang walang kapana-panalo si Among Ed sa election.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi matanggap ng mga Pineda ang masaklap na pagkatalo nito sa governatorial race. Pinaplano na ni Among Ed ang pagsasawata ng weteng/STL sa probinsya. Dahil dito, mukhang may pampulitikang planong niluluto ang mga Pineda laban sa nakaupong paring gobernador. Ilang araw matapos maiproklamang gobernador si Among Ed, malaking bilang ng mga mayors ang nagsipagsirkuhan, bumalimbing at kumatig kay Among Ed, kaya lang ng mapabalitang nagsampa ng electoral protest sa Comelec si Lilia Pineda, biglang nagbalikan at nagsirkuhan muli sa kanlungan ni Pineda ang mga mayors. Ganun ka oportunista ang sistema ng pulitika sa ating bayan.

Tulad ng kanyang ipinangako, agad tinutukan ni Among Ed ang collection ng QUARRY na umaabot ng ilang milyon piso kada Linggo at ipinamahagi ng buong-buo sa mga Barangay Captain na apektado ng lahar-buhangin (ang isyu ng quarrying ang naging dahilan ng pagkakasuspine ng mga Lapid sa probinsya). Mukhang ito ang mga kadahilanan kung bakit napadali ang trip sa Hongkong-Macau, “ang muling tiyaking kontrolado pa rin ng mga talunang gobernador ang mga mayors.” Ang mga mayor na kasama sa biyahe ay;

1. Edgardo Flores ng Minalin 2. Nardo Velasco ng Sasmuan 3. Teddy Tumg ng Mexico 4. Yolando Pineda ng Sta Rita 5. Jerry Pelayo ng Candaba 6. Lyndon Cunanan ng Magalang 7. Ricardo Rivera ng Guagua 8. Romeo Dungca ng Bacolor 9. Rodrigo Canlas ng San Simon 10. Joselito Naguit ng Sto Tomas 11. Marino Morales ng Mabalacat 12. Luis Espino ng Arayat 13. Dennis Pineda ng Lubao 14. Oscar Tetangco jr ng Apalit at 15. Peter Flores ng Masantol.

Totoong ngangapa si Among Ed sa kung paano patatakbuhin igugubyerno ang Pampanga lalo na't wala itong ni katiting na karanasan sa pamumulitika at halos mga oriented sa Kilusan, kaparian, civil society, NGOs at ilang maliliit na negosyante ang karamihan sa tutulong sa gawaing paggugubyerno sa lalawigan. Totoo ring pahihirapan ng mga galamay ni Pineda na makapagperforme ng trabaho bilang gobernador ng Pampanga si Among Ed.

May masasamang balitang umuugong sa Pampanga na malamang i-assasinate, I-RECALL o dili kaya'y PAINAN ng kung anu-ano kaso ng corruption o “pagdispalko ng ilan libong piso” sa COA (Audit commission) si Among Ed.

Kung 'di uubra ang assasination at pagtatanim ng kaso, maaring iRECALL si Among Ed sa pwesto at ito marahil ang short cut at pinakamadaling ruta upang matanggal sa pwesto si Among Ed. Posibleng PREPARATORY RECALL ASSEMBLY (PRA) ang dahilan ng Hongkong-Macau trip ng15 Mayors. Magtagumpay kaya ang mga TRAPO, ang mga talunan sa pulitika?

source:
15 Pampanga mayors fly to HK, Macau to "bond" by Tonette Orejas
http://newsinfo.inquirer.net/inquirerheadlines/regions/view_article.php?article_id=78722

Doy Cinco / IPD
July 25, 2007

No comments: