Thursday, July 26, 2007

Commander in Chief at pamunuan ng AFP, may credibility question

Buti pa ang MILF, inaming sila ang umambushed sa Marines at nakapatay ng 30 at inintrega pa sa LGU ang mga nasawi. Ang "hindi lang nila alam ay kung sino ang pumugot sa 12? " Payag silang magkaroon ng "independent investigation" sa naganap na karumaldumal na pamumugot ng 12 at isang Imam, religious leader ng Basilan at ituloy ang nalalapit na peace talks sa Malaysia.(kuha ng, www.kilusangmayouno.org/files/2/esperon-etta.jpg/ www.cooperativeresearch.org/events-images/489...)
Habang total denial sa mga pagkidnap-missing hanggang sa political killings, lalo na sa kaso ng kaisa-isang personalidad, anak ng media icon na si Jonas Burgos na ilang buwan ng missing at hinihinalang patay na, na alam ng marami at ng kanyang Ina na ang pamunuan ng AFP ang siyang may kagagawan.

Sa kabila ng akusasyon ng mundo, ng US Senate, ng Jury sa Europa, ng United Nation, ng taung simbahan, ng Human Rights organization, Amnesty International (AI), Melo Commission at local organization, na NAGMAMAANG-MAANGAN at total denial ang pamunuan ng AFP sa ilang daang aktibista na namissing at biktima ng political killings.


Kamakailan lamang, ang AFP ay nagbabalang lulusubin, aatakehin at pupulbusin ang kampo ng MILF kung hindi ilalabas ng MILF ang mga salarin sa pumumugot, habang ilang buwan na, ilang taon nang naghihintay ang mga magulang ng mga dinukot at pinaslang na mahal sa buhay, ang 2 estudyante ng UP na dinukut sa Bulacan at 'di mabilang na lider ng Kilusang Kaliwa, mga ligal at lehitimong organisasyon na diumano'y ayon sa AFP ay mga CPP-NPA, ay 'di pa rin iniintrega sa mga kaanak ang bangkay at itinatago ng mga salarin.

Habang nagsisikip ang dibdib, naghihimutok at nagdadalamhati ang Malakanyang sa nangyaring karumal-dumal na pamumugot sa mga Marines,” walang piyok ito, tamimi, tiklop ang buntut sa 'di mabilang na pugutan ng ulo ng mga OFW ng barbaro at 'di makataong gubyerno ng Saudi Arabia. Sila ang mga makabagong bayaning Pinoy na nagsasalba ng ekonomya ng country na pinababayaan ng Malakanyang.

Ang isang malaking problema, walang naniniwalang magtatagumpay ang AFP sa gera nito sa Mindanao. Una, walang katiwa-tiwala ang mamamayang Pilipino sa commander in chief na si Ate Glo at sa pamunuan ng AFP sa “pakikidigma” nito sa muslim insurgence at CPP-NPA. Tadtad ng katiwalian at walang transparency ang AFP. Ang pagkakakidnap kay Fr Bossi, ang mahigit pitong oras na firefight sa Tipo-tipo at ang incidence ng pugutan ng ulo sa Basilan ay halos kahalintulad sa pitong oras na “Lamitan Siege” kung saan matapos maibayad ang milyung dolares na ransom money, “pinatakas” ang dalawang hinostage na American missionary couple na si Gracia and Martin Burnham. Balak pa nitong i-news blackout ang offensive nito sa Basilan.

Ang perception ng mga taga-Mindanao, 'KUMITA na, SUMIKAT pa ang AFP,” at ayon sa mga taong simbahan at independent media pipol, “smokescreen lamang ang gera sa MILF.” Pangalawa, devided at weak ang buong institution. Kung wala at hindi mairereporma ang AFP, walang kaduda-dudang itatakwil ito ng kasaysayan. Nahahati sa tatlo hanggang limang paksyon ang establishyemento ng AFP.

Totoong patriotiko ang maraming Pilipino lalo na sa usaping masyado na tayong kinakawawa at niyuyurakan ng mga dayuhan at kaaway ng country. Kung may matinding katiwalian, pagdududa at may double standard na tunguhin ang gubyerno't commander in chief na si Ate Glo at AFP, lalong nagiging critical at patriotiko si Mang Pandoy.

Paano pagkakatiwalaan at susuporta si Mang Pandoy sa AFP at sa commander in chief sa Malakanyang, kung tadtad ito ng kasinungalingan, panloloko at katiwalian? Paano nito makakabig ang hearts and mine ng mamamayang Pilipino sa anumang galaw at adhikain ng AFP laban sa itinuturing “terorista,” kung siya mismo ang problema at nanteterrorized sa mga Pilipino? Paano ito igagalang kung siya mismo ang instigador, pasimuno (Human Security Act) at may bahid ng paglabag sa karapatanag pantao laban sa sariling mamamayan at hindi gumagalang sa sariling Constitution?


Doy Cinco / IPD
July 26, 2007

No comments: