Ang tanong, sa kabila ng sinasabing pag-unlad ng ekonomya, bakit kailangang pang ibenta ang mga asset ng gubyerno? Ang nakakalungkot, ang mga ibebenta pa ay yaong mga kumikitang empresa at hindi ang mga liability at naluluging mga kumpanyang pag-aari't asset ng gubyerno. Isang maliwanag na uri ng pagtataksil sa country ang nasabing pagbebenta.
(Kuha sa: ph.jobstreet.com/.../
Ayon sa Finance Sec Margarito Teves, "sa darating na anim na buwan, inaasahang kukulangin ang koleksyon ng BIR at upang mapunan at ma-meet nito ang iinaasam-asam na target, kailangang ibaligya (ibenta) na ang nasabing mga asset," kahit pa sinasabing kumikita pa ang mga ito.
Sa isang pangkaraniwang mamamayan, tatlo (3) lamang kung baga ang maaring sinyales kung bakit ibinebenta ng isang Pinoy ang sariling ari-arian; una, bangkarote o NALULUGI na, MAG-AALSA BALUTAN na't magma-migrate na ito sa Canada o sa US at ang pangatlong katwiran, kabaliwan, may pang-kupit o balaking pangungulimbat upang tugunan ang bisyo, ang kapritcho, pambili ng shabu-pang-adik o pang-inom.
(kuha sa: www.ogcc.gov.ph/images/
Ayon kay Teves, ibebenta ang 60% sapi ng gubyerno sa Philippine National Oil Company's Energy Development Corporation na nagkakahalaga ng P50.0 bilyon at 24% sapi ng gubyerno sa San Miguel Corporation (SMC) na nagkakahalaga rin ng mahigit P50.0 bilyon. Ang suma total, P100.00 bilyon kumikinang na salapi na malamang na mauwi sa bulsa ng mga galamay ng palasyo.
Ganitong-ganito ang malungkot na kinahinatnan sa pagbenta ng Fort Bonifacio na ayon sa dating Presidente Ramos, ang kikitain ay gagamitin daw sa AFP modernization plan. Walang nangyari, nanatiling antigo ang armory ng AFP. Sa kaso ng PETRON, ibinenta sa mga Arabo at tuluyang nawalan ng kontrol at panabla ang Estado sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Dahil sa patakarang sinusunod na "privatization," mukhang marami pang nakapilang ibebentang asset ang Malakanyang sa mga susunod na mga taon." May kautusan din ang Malakanyang sa PCGG na makipagcashundo na sa mga Marcos upang tapusin na raw ang mahabang usaping walang pinatutunguhan. Inagawan pa ang mga biktima ng human rights sa kanilang kompensasyong nagkakahalaga ng $10.0 bilyon.
Kung maisasakatuparan ang pagbebenta at pangongolekta, totoo ngang mawawalan ng problema sa liquidity ang Malakanyang sa loob ng tatlong taon lalo na sa mga seryosong Mega-projects nito sa bansa. Kaya lang, bilang valedictorian sa pangungurakot sa Asia, inaasahan pagpaparte- partihin lamang ng mga galamay ng palasyo ang mahigit ilang bilyong pisong iligal na yaman ng mga Marcoses, PNOC at SMC.
Maliban sa inaasahang kakulangan ng koleksyon ng mahigit P53.0 bilyon sa susunod na paparating na anim na buwan (6 months), may kakambal pang budget deficit na P63.0 bilyon kakaharapin ang Malakanyang. Ang totoo, kaya maliit ang koleksyon (tax), may ilan dekada ng bagsak ang industria't manupaktura ng bansa at ang tanging sumasalba sa ekonomya ng bansa ay ang dollar remitances ng OFW, realty estate at inaasahang bilyong dolyar na dayuhang puhunang papasok na magmumula sa Mining Industry.
Halos "ukay-ukay" ang malaking bahaging pumapasok na kalakal (import) sa ating bansa (automobile, heavy-power equipment, clothings, apparel at iba pa). Walang dudang nailulusot ng mga kontrabando-smugglers na may koneksyon sa Malakanyang ang mga produkto. Hindi pa kasali rito ang daang bilyung pisong “tax evasion” ng mga bilyunaryong taong (Taipan) malalapit sa Malakanyang.
Ang problema ni Teves, dahil sa inanunsyo na ni Ate Glo na wala munang bagong buwis na ihahain ang gubyerno sa loob ng ilang taon, umaasa ito na mapupunan ng pondo ang lahat ng proyektong tinatawag na “LEGACY” ng Malakanyang. Wala sa kanyang kontrol ang Custom na pinaghaharian ng mga sindikato. Pinagbalingan nito si Bunag ng BIR habang namamayagpag naman sa katiwalian ang grupo ni Morales. Dahil dito, mukhang pinag-iisipan nitong puntiryahin ang mga public utilities at regulatory agency ng gubyerno, patawan ng dagdag na mga singilin ang gumagamit sa NLEX, SLEX, Power and electricity, Cell Phone, motor vehicle at iba pa.
Para kay Mang Pandoy, hindi na kailangang ang isang doctorate ng economics sa University of the Philippines (UP) at Georgetown University sa Washinton, USA, mga henyong galing ng Harvard, Oxford, mahuhusay magsipag english at bode-bodegang diploma. Hindi rin ganap na makakaresolba ang pagkastigo't pagtatanggal ng mga managers ng mga GOCC (Government Owned and Controlled Corporation) at revamp ng mga Gabinete.
Kay Mang Pandoy, simple lang ang solusyon, ipawalang saysay o i-moratorium lang (3 years) pansamantala ang babayaring mga utang panglabas na $54.2 bilyon na 'di napakinabangan ng mamamayang Pilipino at itigil ang sistemang “automatic appropriation” na umaabot hanggang 40% (mahigit kumulang na P400.0 bilyon / taun-taon) ibinabayad ng gubyerno sa mga utang (internal at external debt) sa kabuuang bahagi ng pambasang budget, TAPOS. Ito ang matagal ng panawagan ni Mang Pandoy, mga aktibista sa parliamento ng lansangan at rakista ng mundo (global citizens) sa kanilang adbokasiyang “drop the debt.”
Kung tatargetin busisiin ng 14th Congress ang "automatic Appropriation at moratorium ng pagbabayad ng panlabas na utang," bukud sa hahangaan at susuportahan ito ng buong mundo, isa itong kabayanihan, isang makabayan adhikain at makasaysayan. Kaya lang, sa kasalukuyang tayo't katangian ng ating mga Kinatawan sa Kongreso at laro ng pulitika, IMPOSIBLE!
Tignan: "Finance banks on privatization to meet targets "
http://www.malaya.com.ph/jul05/news3.htm
"1st-half budget deficit ceiling likely breached"
http://www.manilatimes.net/national/2007/july/05/yehey/business/20070705bus1.html
Doy Cinco/IPD
July 5, 2007
No comments:
Post a Comment