Lubhang nakakapagtaka ang ikinilos na paghahanda ng mga pulitiko sa nalalapit na Barangay at SK Election. Dahil ba sa pamumulitika? Sa konteksto ng QC, halos mga last termer na ang mayoryang pag-aagawang mga position sa 2010. Mababakante ang Mayor, Vice Mayor, tatlong distrito para sa District Representative at mga ilang Councilors. Maari rin naman sa marangal na kagustuhang ireporma ang lokal na paggugubyerno sa barangay. tupdin ang isinasaad sa Local Government Act of 1991 o Local Government Code (LGC), palakasin, bigyang awtonomiya, umasa sa sarili at idemokratisa ang barangay government sa pamamagitan ng partisipasyon ng mamamayan sa gawaing paggugubyerno sa barangay?
Ang suma, sa pamumulitika ba o sa pagsasareporma ng barangay at SK government ba ang dahilan? Mas may isang libong beses na kapani-paniwalang nasa unang pakay ang dahilan, ang pulitika't kapangyarihan.
Ayon sa batas, ang Comelec ang pangunahin may SAY, ang nakatoka sa Voter’s Registration para sa Barangay at SK election. Sa dami ng gustong magpatalang mamamayan (first time Voters), halos hindi natugunan ng Comelec ang ultimate objective na irihistro ang malaking bilang ng mga kwalipikadong botante. Kung hindi man kulang ang facilities at manpower ng Comelec at sa sobrang dami ang gustong magparehistro't bumoto sa Barangay at SK election, mukhang kinapos ng panahon ang Comelec. “Magpaparehistro ka na nga lang papahirapan ka pa, mistulang ubus ang oras mo at parang gulay kang nilamog at nilamas,” tugun ng isang mamamayang nakapila ng halos siyam-siyan sa City Hall. Ang tanong, kung nangyayari ito sa QC, sa Metro Manila, paano na ang Maguindanao, sa lugar ni Ampatuan, sa maraming lunsod at sa mga liblib na lugar sa kanayunan?
Dahil sa dami ng inabot na kaliwa't kanang batikos, mukhang plano ng Comelec na i-extend ng isa pang Linggo ang Voter's Registration.
Ginamit at sinamantala ng mga pulitiko (LGUs) ang kahinaan ng Comelec sa katatapos na pagpapatala ng botante. Sa aking mga nakalap na balita sa gilid-gilid, "halos LGUs na ang pumapel sa pagpoproseso ng pagpapatala sa barangay" at hindi lang, may paluwal pang "pakimkim mula sa tatakbo at padrinong kahahalal na Mayor. Kung susuwertihin ka nga naman, ihahatid na parang “door to door” hanggang bahay ang rehistro at Voter's ID mo. Para sa mga bagong boboto, service de lux ang serbisyo ni Mayor at ni Kapitan.
Bagamat mayroon pang tatlong buwan nalalabi para sa Barangay at SK Election, nagkakadayaan na't tila tapos na ang election sa barangay. Tulad nung katatapos na May Midterm Election, tukoy na ng tao kung sino ang pinagkakautangan nila ng loob, kung sino ang mga tatakbo sa election at kung sino ang kanilang iboboto.
Maraming paggagamitan ang Barangay Election sa Oktubre. Hindi lamang sa consolidation ng kapangyarihan ng Lokal Na Paggugubyerno, Mayor at Gobernador ang makikinabang, pati si Tongresman at ang Malakanyang ay makikinabang at makikiparte sa ganansya ng Barangay at SK Election. Bukud sa walang dudang konsolidasyon ng kapangyarihan hanggang 2010 and beyond ang Barangay Election, maaring gamitin din bilang lokal na makinarya at “command votes” sa 2010 Presidential Election ang Barangay Election. Dahil ang Barangay ang makikinabang sa “legacy,” dito rin ilalatag ang electoral at social base ni Ate Glo upang maniguro sa anumang pampulitikang inaasahang mangyayari bago at matapos ang 2010. Kung muling isusulong ang Charter Change (Con Con man o Pipol Initiatives), ang Barangay pa rin ang una at huling aasahan.
Kilusan Masa at ang papel ng Electoral Politics
Bagamat relatibong magkaiba ang balangkas at direksyon na Kilusan Masa at Kilusang Pulitikal (political movements), walang dahilan upang hindi magkaisa't magtulungan ang dalawa. Walang dudang napakahalaga ang paglahok at pagpapanalo sa Barangay election bilang puhunan at kapital sa anumang mga susunod na kabanata’t pampulitikang labanan mula ngayon hanggang 2010.
Ang Barangay ay patuloy na ginagago't binabansot ng mga pulitiko. Parang mga tupa, kalabaw na kinakaladkad, pinapastol ni Mayor, ni Gobernador at ni Congressman ang mga Kapitan ng Barangay at SK sa kahihiyan. Dahil sa kahinaan, utang na loob at political survival instinct ng pamunuan ng Barangay, tulad halimbawa ng kakulangan ng pondo, kundi man sa nauubliga, nahahawa ang Barangay Government sa maruming pulitika at katiwalian ng mga pulitiko sa ITAAS.
Ang pagpapabaya ng Kilusan Masa sa Barangay Election at gawaing paggugubyerno ay ikinatutuwa ng mga pulitiko. Sa matagal na panahon, nakapokus sa issue-campaign at matagalang transpormasyong sosyal ang Kilusan Masa, sa kabilang banda, ang nakakalungkot, dahil sa kinang, pondo't lohistika, ang mga miembro't mga lider ng Kilusang Masa sa Barangay ang kadalasa'y nagagamit ng pulitiko sa propaganda, pag-oorganisa sa makinarya at pagmomobilisa sa kampanyang election. Parang nararationalized sa kasabihang, "320 days ay nasa Kilusan kami, 45 days ay nasa pamumulitika kami, pagbigyan n'yo kami ng aming mapagkakakitaan-hanap buhay o bigyan ng karapatang mamili ng aming pinuno sa pulitika."
Dumanas ng malaking pagkatalo ang Legal na Kaliwa sa katatapos na May Midterm election at kung gusto nitong makabawi, kailangan nitong mabilisang makapagkonsolida’t makapag-ipon ng pwersa’t lakas para sa nalalapit na Barangay at SK Election. Walang dahilan upang patuloy na pagdibatihan ang pagkakaisa, pagtutulungan, coordination at pagpanalo ng mga lider ng Kilusang Masa at pag-eengage sa Pampulitikang Kilusan sa Barangay. Sa totoo lang, magkaugnay ang ADVOCACY work (issue oriented) ng Kilusan Masa at Good Governance ng Political Movement.
Ang paglahok ng mga Samahan at NGOs sa Barangay election ay isang malaking oportunidad upang patuloy na palawakin ang baseng pulitikal, maging ang pagtatatag ng BASENG ELEKTORAL sa baba. Ang pagtatayo ng BASENG ELEKTORAL sa komunidad para sa pampulitikang kilusan at pagtatransporma ng pulitika at pamamahala sa barangay na maging mapanglahok at demokratiko ay isang malaking obligasyon ng Kilusang Masa.
Kung gaano kahalaga ang pampulitikang kilusan sa barangay, ganundin kahalaga ang pagpapalakas ng papel nito sa gawaing lokal na paggugubyerno lalo na sa relasyon nito sa mga mas nakakataas nitong yunit pampulitika at sa ahensya ng gubyerno, sa usapin ng pagpapatupad ng mga serbisyong publiko sa pamayanan.
Ano ang hamon sa Barangay at SK Election sa Octubre; Una, gamitin ito upang tapatan, sagkaan ang pagsisikap at hangarin sa hinaharap ng traditional politicians (TRAPO), ito ma'y Pipol Inisyatib (PI), Con As para sa Cha Cha o 2010 election. Maliwanag na gawaing partisano ang nalalapit na Barangay at SK election. Pangalawa, magsilbing larangan ang Barangay at SK Election para sa pagsisikap na magkaroon ng pagbabago ng sistema, radikal man o pagsusulong ng repormang elektoral at pulitika sa bansa. Pangatlo, manalo ang mga lider ng pamayanan sa pamunuan, konsehong pang-barangay at SK election at Panghuli, makapagpatibay ng isang mahusay at pangmatagalan paggugubyerno sa lokal.
Kaya lang, kung muling papairalin nito ang paraan at istilong Kilusan (national issues), ang makapagpropaganda, tiyak na pupulutin na naman ito sa KANGKUNGAN.
Doy Cinco / IPD
July 22, 2007
No comments:
Post a Comment