Friday, July 13, 2007

Malalimang INVESTIGATION, "ambushed" ng MILF sa Marines

Hindi lamang teka-teka, supot at dispalinghadong mga armas at ammunition ng marines ang dapat paimbistigahan ni Sen Trillanes, mukhang marami pang suspetyosong mga kababalaghang pangyayari ang dapat busisiin sa "pagkaka-ambus" ng mahigit 50 tropang Marines na ikinamatay ng 14 at siyam na sugatan. Ayon sa MILF, 30 ang casualty ng marines. (photo mula sa: http://kerrycollison.net/uploads/filipinorebels.jpg) Kung babaybayin natin ang history ng labanan at record ng AFP sa pakikipagtunggali nito sa Abu Sayaff at MILF/MNLF, hindi mahirap paniwalaang may mga lihim, mga nakatagong "agenda" at mga alingasngas sa gerang isinasagawa laban sa Muslim insurgents sa Mindanao.

Hayagang inamin ng MILF ang naturang ambush. Ang insidente ang pinakamalaking casualty ng AFP sa loob ng ilang taong insurgency war sa Mindanao. Totoong nakakapanglupaypay ang naturang insidente, kaya lang hindi mawala sa persepsyon ng country ang isyu ng kredibilidad at pagtitiwala sa pamunuan ng AFP at sa commander in chief nito.

Una, bakit sa Basilan hinahanap si Fr Bossi, habang sinasabi ng lahat, ng Governor at LGU mayors, ng Congressman Wahab Akhbar, pati ang dating Deputy Speaker na si Gerry Salapudin at ng pamunuan CO ng AFP sa lugar, na nananatiling nasa Zamboanga Sibugay nagtatago ang mga kidnapper ni Fr Bossi? Kung totoong wala si Fr Bossi sa Basilan, lalabas na nagpro-provoke lang talaga ng gera itong pamunuan ng AFP sa MILF at ASG? Parang kahalintulad sa paghahanap ng "Weapon for mass destruction" sa Iraq na hindi naman napatunayan at lumabas ang tunay na hangarin na ang tanging layon ng US ay pagnakawan ng LANGIS ang Iraq?

Hindi malayong isiping may kaugnayan ang nasabing kidnapping sa Italyanong Pari ang naganap na labanan sa Tipo-tipo, sapagkat marami na sa hanay ng taong simbahan ang nagdududa sa kung paano hinahandle ng awtoridad ang sitwasyon at parang may naaamoy na dati ng mga kalakarang sabwatan, sa panig ng ilang tiwaling opisyal ng AFP at Abu Sayyaf.


Pangalawa, walang isinagawang maayos na intellegence work ang Marines bago pinasok ang bayan ng Tipo-Tipo. Hindi nito natunugan na may sandamakmak na batalyong formation ng MILF sa lugar, sa kabila ng mga paabiso't warnings o kawalan ng coordination, itinuloy ng 1st Marine Brigade ang military operations.

Pangatlo, sa kabila mahigit pitong (7 hrs) oras na putukan, bakit walang re-inforcement o sumaklolo mula sa ibang yunit ng AFP, sa army, sa airforce o sa navy man lang na naka-istasyon malapit sa lugar? Ilang kilometro lamang ang layo ng Tipo-Tipo sa pinakamalapit na Marine HQ sa Campo Uno sa Lunsod ng Lamitan, ang kapitolyo ng Basilan at mahigit 50 km naman ang layo sa Zamboanga City, kung saan matatagpuan ang SouthCom HQ ng AFP. Kung tutuusin, matagal na sa 30 minutes ang rescue operation at pagrerespondeng Tora-tora at helicopter bombers kung saka-sakaling nagkaroon lang ng reinforcement.

Pang-apat, ang alam ni Mang Pandoy, sa paulit-ulit na propaganda ng AFP at Malakanyang, "ubos na ang Abu Sayyaf sa Basilan at Sulo, naituro't napatay na ang mga pamunuan nito. "Kung noo'y (2001) may 200 na lamang ang natitira, sa dami ng bilang ang napapatay ng military hanggang 2006, masasabing wala na at mahina na ang grupo." Ang nakakatawa, biglang bumulaga sa mukha ng madla na may 300 hanggang 500 ang umambush sa mga marines?

Kaduda-duda ang insidente at timing ng labanan. Mainit na pinagtatalunan ngayon ang isyu ng Anti-Terrorism law at implementation nito sa July 15, isang Linggo bago ang SONA. Kasabay nito, nalalapit na rin ang usapang pangkapayapaan o peacetalks na nakahandang ganapin sa Malaysia. Kung gagatungan pa ni Ate Glo ang insidente, posibleng mawalang saysay ang nakakasang peacetalks sa Malaysia at tuloy-tuloy ng ilarga ang Human Security Act (anti terrorism law) na nakapatungkol naman sa mga kritiko ng Malakanyang.

Timing din ang Basilan Ambushed sapagkat nakaprepara na ang procurement ng mga makabagong kagamitang pandigma si Ate Glo bilang bahagi ng "AFP modernization plan" na nagkakahalaga ng P5.0 bilyon taun-taon. Bibili ng bagong "attack helicopter" mula sa US at papalitan daw nito ang antigo at mala-kabaong na Huey Helicopters ng Philippine Air force na matagal ng ginamit noong panahon ng Vietnam War. Kayang-kaya ng nasabing halaga na isubsidyo ang lahat ng pangangailangan ng magbubukid sa Pilipinas, lalo na sa Mindanao at Kabisayaan, ganun na rin ang pangangailangang basic services ng mga mahihirap.

Pang-lima, ano ang ginagawa ng tropa ng mga Amerikano sa Basillan at Sulo? Ang alam ng marami, may lihim na agenda ang US sa Mindanao at bilang bahagi ng “global war on terrorism,” sila ang instigador, supplier ng armas sa AFP para lamang ipagpatuloy ang gera laban sa mga rebeldeng muslim.

Mukhang parang pone sa chess na "isinakripisyo" ang mga tropang marines sa Basilan bigyan katwiran, palagablabin lamang ang damdamin ng mga Pinoy laban sa Pilipino Muslim insurgents. Kapansin-pansin na mas hina-highlight ngayon ng ilang may "utak bulburang" pamunuan ng AFP at Malakanyang ang barbaridad na pamamaraang pagpugot sa ulo at ari ng mga namatay na sundalo.

Ayon sa MILF, mga "Unidentified na grupo" ang may kagagawan sa sinasabing karumal-dumal na pamumugot ng ulo. Isang araw bago ang insidente ng ambush sa marines, ang kaisa-isang IMAM sa lugar (religious leader), bulag pa ang mata, ay "diumano'y karumal-dumal na pinatay ng mga tropa ng militar." Ilang oras matapos matagpuan ang gula-gulanit na katawan ng IMAM, nakagapos ang kamay, paa at tadtad ng bala ang kanyang katawan, nangyari ang malagim na ambush sa marines. Dahil sa sukdulang galit, malamang sa hindi, "mukhang ang mamamayang Moro" ang nagsagawa ng pamumugot ng ulo sa mga Marines.

Masyadong nag-oover-react ang Malakanyang, mga pulitiko lalo na si Sen Enrile at Nene Pimentel sa naturang pamumugot ng ulo ng mga rebeldeng muslim at "karaka-rakang nanawagang upakan na, pulbusin na agad ang mga salarin." Ang nakakalungkot, bakit walang nagtatanong kung kanino galing ang mga armas at ammunition na ginagamit ng mga rebeldeng muslim, 'di ba sa AFP din?

Isa pang nakakapanglupaypay, walang pagsambulat na reaksyon ang Malakanyang at mga pulitiko sa barbaridad na pugutan din ng ulo ng mga OFW, mga naturingang bayani ng ating panahon, laban sa gubyerno ng Saudi Arabia? Nakalimutan na ba ang isyu ng 12 - 0 ng Maguindanao at private armies ng mga Ampatuan.


Nagdududa ang sambayanang Pilipino sa mga nangyayari at upang mawala ang scepticism o agam-agam, kailangang magkaroon ng transparency at kagyat na imbistigahan ang nasabing "ambush" sa Basilan.
Sino ang nagsasabi ng totoo, sino ang mas kapani-paniwala at may kredibilidad, ang AFP o ang mga kapatid nating mga muslim insurgents? Anuman ang susunod na mga kabanata o pangyayari, alam ni Mang Pandoy na dalawa lamang ang makikinabang sa insurgency war sa Mindanao, ang militaristang AFP at Malakanyang, si Bush at ang mga tropang militar na Amerikano.

Source: “Imam’s killing may have triggered beheadings”
http://newsinfo.inquirer.net/inquirerheadlines/nation/view_article.php?article_id=76386
Doy Cinco / IPD
July 13, 2007

No comments: