Kung anuman ang “legacy” na gustong iwan ni Ate Glo sa nalalapit na State of the Nation (SONA) sa July 23 para sa natitirang tatlong taong panunungkulan, sa kabila ng sandamakmak na suliranin, sa tingin ng marami ay "huli na ang lahat, wala na rin katuturan at mangyayari." Mas kapani-paniwalang lokohan na lamang ang "legacy" at tulad ng dati, magpapatuloy ang problema't suliraning sinimulan may anim na taon ng pinabayaan at 'di naresolba.
Sa ating pagkakaalam, ang “legacy” ay isang bagay, regalo na iniiwan ng isang tao bago man lang siya lumisan o pumanaw sa mundo, isang ala-alang 'di malilimutan, tulad man lang na may
malakihang pag-igpaw, isang sistema na radikal na binago ang mga patakaran na ikinatuwa at ikanabuti ng isang pamilya, ng isang komunidad, ng isang bayan, bansa o tumagos sa katatayuan lagay ng nakararaming Pilipino.
(mula sa: http://www.habitat.org/hw/june-july02/manillaboats.jpg)
Para kay Mang Pandoy, dapat noon pang 2001 ipinorma ang "legacy," hindi ngayon kung saan "paalis" na si Ate Glo sa Malakanyang.
Kadalasa'y unang binablangkas sa unang 100 days, sa unang isang taon ng panunungkulan ang "legacy" at binabase ito sa naging kahinaan, kalakasan, nakikitang oportunidad at banta ng panahon. Maliban sa may tinutungtungang itong plataporma at ideolohiya, lahukan itong isinasagawa ng mga sangkot, stakeholders at iba pang key political players ng bansa.
Kaya lang, matapos ang anim na taon, trahedya ang kinahinatnan ng ating country, anim na taong kaguluhan, pag-aalsa balutan-migration, kainutilan, kawalang direksyon at kahihiyan, isang “legacy” na kontra-Pilipino at anti-demokratiko.
Ang “legacy” ni Ate Glo
Ang katatapos na May midterm election, bagamat sinasabi ng marami na ''pinakamagulo, pinakamadugo, pinakamadaya, pinakamagastos, pinaka-militarized sa kasaysayan ng election sa bansa, ang siyang nagbuhos ng malamig na tubig sa nagbabagang lagay ng krisis ng pulitika, nagpakalma ng sitwasyon at katatagan ng katayuan ni Ate Glo.
Ang election ang nagpanumbalik ng "normalcy at minimum democracy sa bansa.” Mas tumatag, mas kontrolado't alyado ni Ate Glo ang Mababang Kapulungan at lokal na gubyerno. Ang suma tutal, "mas si Ate Glo ang nagtagumpay, nakapagpundar at nakapagkonsolida ng panlipunang base sa bansa."
Bagamat sinasabing oposisyon ang nagwagi sa senatoriable race, nananatili ang pagiging pragmatist, mga trade-offs at balimbing na institusyon ang senado. Mas mahirap sa ngayon na maisulong pang muli ang impeachment sapagkat mas mahihirapang makakuha ng sapat na bilang sa Lower House at sa Senado. Mula sa “political survival phase,” mukhang nasa “legacy phase at let's move on” na ang direksyon ng hanging pampulitika ng bansa.
Ayon sa sektor ng negosyo, "sa kabuuan relatibong kaiga-igaya ang katatapos na midterm election at kahit sa minimum raw, naibalik ang pagtitiwala't kumpiyansa sa country.” Kung totoo ang mga usapan sa mga inuman, mukhang wala ng balak tumakbo sa 2010 si Ate Glo at ang tanging focus nito ay ang "legacy."
Focus sa development agenda at ekonomya
Programang panlipunan at infrastructure development ang sentro ng "legacy" ni Ate Glo. Prioridad nitong ikasa ang P96.68 bilyong 21 pangunahing kalsada't mga tulay na naka-iskedyul na tapusin sa 2010. Ito rin ang binitiwang pangako ni Ate Glo nuong nakaraang SONA '06 na kung ating matatandaan ay ang mga “mega super regions projects." Ang malungkot, hindi naisali sa “legacy” ang mahigit 41,000 kakulangang mga classroom, ang kakulangan ng mga hospital, duktor-nurses sa mga health center, gamot, murang pabahay at paglalaan ng access sa maiinom tubig sa kalunsuran man o sa kanayunan.
Ang ekonomya't pulitika ay hindi maipaghihiwalay. Kung walang matatag na estado, weak ang institution at binabastos ang demokrasya, damay ang ekonomya at asahang walang kaunlaran. Ipagmalaki man nitong may 6.9% na nairihistrong pag-unlad nuong naraang quarto ng taon, sabihing mang unprecedented, nananatiling peke at 'di tagos sa masang Pilipino.
Ang inaasahan ni Mang Pandoy ay ang kaunlarang ililikha ng mga patakarang ng estado, isang solidong pundasyong kahalintuld ng China, India, Malaysia, S Korea at Thailand, mga Asian Tiger na nagseryoso sa industria at manipaktura hindi sa klase ng kaunlarang galing sa “super katulong,” mga dollar remitances ng ating mga OFW, mula sa sektor ng serbisyo, realty estate at mining industry. Ika nga ng United Nation-UNDP, hindi sustainable at walang trickle down effect.
Ang Trahedya ng "legacy"
Sa unang SONA nung 2001, “bangkang papel” ng tatlong batang paslit ng PAYATAS ang ipironta ni Ate Glo. “Trabaho, Tahanan, Edukasyon, Pagkain sa Bawat Mesa ang nilaman ng propaganda. Ang tanong, may nagbago ba sa libu-libung naka-bilanggong mga bata, sa milyong mga murang idad na pinagsasamantlahan bilang manggagawa.
Ipinangako ni Ate Glo na "isang milyong trabahong aatupagin kada taon, pagkain sa hapag kainan (noodles), pagpapababa ng kuryente at pagkakaroon ng tubig. Ang katawa-tawa, anim na taon na ang nakalipas, hanggang sa kasalukuyan, ang urban poor community sa Metro Manila ay wala pa ring maayos na serbisyo publiko.
Sa ikalawang SONA, ipinangalandakan ang “Strong Republic.” Palalakasin ang republika, ang Comelec, ang AFP, hustisya, ang political at democratic institution ng country. Ang alam ng lahat, nagpapatuloy ang bangayan, maniubrahan at manipulahan, gaguhan at gridlock sa tatlong sangay ng ating republika; ang Ehekutibo, Lehislatura't Hudikatura.
Ang panunumbalik ng kontrol ng oligarkiya sa bansa. Mas lumaganap at tumatag ang dinastiya o political clan sa mga lokal na gubyerno at regions. Marami sa kanila ang may private armies at sariling gubyernong pinatatakbong parang kaharian. Pinahina nito ang mga demokratikong institusyong tulad ng hustisya, Comelec at lokal na paggugubyerno.
Mas malupit, mas malala pa sa diktadurang Marcos si Ate Glo. Sa isinagawang Permanent People's Tribunal (PPT) sa The Hague, the Netherland noong nakaraang taon, nahatulang guilty of gross violations of human rights, economic and social rights and transgression of the national sovereignty ng sambayanang Pilipino ang rehimen ni Ate GLO. Batay sa investigation ng anim na JURY na bumuo ng PPT na pinamunuan ng Presidenteng si Francois Houtart, natuklasang "halos magkakambal, magkapareho ang sitwasyon sa kasalukuyang gubyerno ni ate Glo at nuong panahon ng paghahari ng diktadurang Marcos."
Dumating sa yugto na kung saan ang buong mundo na ang bumubusisi sa pang-aapi't pang-aalipusta ng isang gubyerno laban sa sariling mamamayan. Parang "kaparallel" na natin ang Somalia, Sudan, Bosnia, Sierra Leone, Afghanistan, Iraq at Burma, mga bansang pinanghimasukan ng mundo, mga lugar kung saan mahina't naghihingalo ang estado (weak at failed state).
Walang kinauwian ang "Task Force Usig" at Melo Commission na itinatag ni Ate Glo. Pumasok sa eksena ang Amnesty International na nakabase sa London, sumaklolo na ang United Nation special envoy-rapporteur Philip Alston, pumasok sa eksena ang International Parliamentary Union (IPU) na nakabase sa Geneva, total denial ang Malakanyang at nagpatuloy ang political killings. Nanghimasok si Uncle Sam, kung saan ang US Senate na ang nag-inbestiga sa patuloy na political killings ng 'diumano'y sangkot ang ilang bahagi ng AFP at PNP.
Kasama sa ipinangako ni Ate Glo ay ang isyu ng terorismo sa Mindanao."Tatapusin daw nito ang laban sa Abu Sayyaf sa loob ng isang taon." Hanggang ngayon, sa tulong at pakikipagsabwatan ng ilang tiwali sa AFP, Malakanyang at CIA, nagpatuloy ang kaliwa't kanang pambobomba't kidnapping, namamayagpag hanggang sa kasalukuyan ang Abu Sayaff at Jemaa Islamiya (JI).
Ang "legacy" ng pangungurakot at katiwalian. 'Di lang tiwali at bastardong ekonomya sa Asia, nalagay sa listahan bilang validictorian sa pangungurakot sa Asia ang Pilipinas. Ang bilyong pisong ginastos ng Sigaw ng Bayan bilang suhol sa pagpapapirma at propaganda war na inaming nagmula sa Malakanyang. Ang suhol ng SARO, pork barrel ng Malakanyang na bumaha nuong impeachment proceeding sa Kongreso. Ang over priced na P1.3 bilyong Mega Pacific SCAM ng Comelec na hindi napakinabangan, ang anomalya ng P3.3 bilyong PIATCO Scam, ang Macapagal highway, ang Jose Pidal controversy at ang talamak na pangongotong ng Commission on Appointment (CA) ng mga kagawad sa Kongreso.
Ang isyu ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA). Nauto itong pahintulutang gawing basurahan ang bansa ala-Payatas, pagtapunan ng mga toxic waste kapalit ng ating mga dalagitang aalilain, gagawing katulong, gagawing aliping sagigilid at malamang sa hindi, gagahasain kapalit ang DOLYAR.
Ang pagiging flif-flopper, pagmamaang-maang, sinungaling at higit sa lahat oportunista. Mula ng ipanawagan nitong wala ng balak tumakbo sa pagka-presidente nuong 2003, Rizal Day celebration, hayagan nitong ipinagdikdikang isusulong nito ang Cha Cha sa dalawang magkasunod na SONA, ang Hello Garci controversy, ang isyu ng Nursing (leakage) testing, ang pagkundina sa North Korea missile testing at ang kudeta laban kay Prime Minister Thaksin ng Thailand.
"Gumaganda't lumalakas ang piso't ekonomya." Umunlad daw ng mahigit 6.9% ang ating Gross Domestic Product (GDP), tumaas ang per capita income ng mga Pinoy, mula $1,000.oo nung 1990, umabot na raw ito ngayon sa $1,400.oo. "Nakahanay na raw ang Pilipinas sa Ikalawang Daigdig (2nd world) at wala na raw tayo sa kategorya ng Ikatlong Daigdig."
Sa kabila ng sinasabing umuunlad, lumagpas sa 50% ang insidente ng Karalitaan. Dumausdus ang average family income ng Pinoy, lumalaki (10%) ang tunay na unemployment rate. Mahigit P400.0 bilyon taung-taon ang ipinangbabayad sa utang panlabas na sana'y dapat mapunta sa livelihood program, basic services at pagsasa-ayos ng mga (LGUs) lugar na prone sa kalamidad (dange zone: baha, bagyo, lindol, mga squatter sa tabi ng estero, tabing bulkan, bundok, epidemyang sakit). Ginamit na pam-propaganda si Angelo de le Cruz (Iraqi hostage), Ultra tragedy at ang trahedya sa St. Bernard, S.Leyte.
Ang Pilipinas ngayon ang pinaka-baog na bansa sa Asia. Wala man lang tayong maipakitang maayos na bangketa at bicycle lane. Tayo na ang may pinakamalaking squater's colony sa buong Asia (QC) at pinakamalaking bilang ng child labor sa buong mundo. Tayo na ang sumasapo ng basura (scrap) ng Japan, Australia at ilang mayayamang bansa. Tayo na ang numero-unong bagsakan ng mga itinapong-pinagsawaang damit ng mga kapitbahay nating bansa (ukay- ukay economy).
Magpahanggang ngayon, wala tayong maipagmamalaking STEEL INDUSTRY na sana'y magbibigay daan upang makagawa ng makina na magpro-produce ng panibago pang makina, tools/ gamit pambahay at kasangkapan, barko't katawan man lang ng eroplano o train (MRT). Puro na lang abuloy ang barko de gera ng Phi. Navy at eroplanong pandigma't helicopter ng Phil. Air Force. Sa larangan ng of science and technology at mathematics, milya-milya na ang agwat sa'tin ng China, Japan, S.Korea, India, Pakistan, Singapore, Taiwan at Malaysia. Pang-world class na ang kanilang napro-produce na estudyante habang tayo'y nagyayabang na COMPUTER HACKERS at CALL CENTERS!
Lumalaki ang bilang ng mga pulu-pulutong na street children, mga di mabilang na taung grasa-pulubing namamalimus, mga barung-barong sa estero, sa ilalim ng tulay, nagsisiksikang tulugan sa bangketa, mga kabataang istambay sa kanto, nag-aadik, lasing at nagpuputa. Pangatlo tayo sa Asia na may pinakamataas na singil sa kuryente! Mga bagong graduate (engineer, nurse, duktor, propesyunal) na walang mapasukan ay nagtyatyaga sa Call Center at manilbihan bilang OFW.
May anim na taon (6 years) paulit-ulit na sinasabi sa SONA na masasawata ang pangungurakot sa gubyerno. Sinabi rin na sa loob lamang ng 365 days, magagapi't mawawala na ang weteng sa country. Sa loob lamang ng limang taong, mawawala na raw ang budget deficit ng country, magkakaroon tayo ng sampung (10 years) milyong pa/trabaho't mawawala ang kagutuman, mapapawi ang ka-TRAPUHAN sa pulitika. Pinangakong palalakasin ang INSTITUSYONG pang-estado (Comelec, Tongreso, Hustisya, Tanod bayan, Kasundaluhan at kapulisan) habang sa kabilang banda, pilit na ibinabalik ang diktadurang gawi sa pamamagitan ng pagkakasalang ng batas "kontra-terorismo."
Paano nito palalakasin ang institusyon, kung sa katatapos lamang na May midterm election ay kita na ng taumbayan ang naging kabulukan. Ang masaklap, ang iligal na pagkakalukluk ni Ate Glo sa Malakanyang ang pinaka-trahedyang “legacy” na nangyari sa kasaysayan ng ating bansa.
Doy Cinco / IPD
Jule 9, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment