Wednesday, August 09, 2006

Automated Counting Machine (Mega Pacific), gagamitin sa pakyawang DAYAAN?

Bakit parang nagkukumahog, natataranta, nagpupumilit at napapraning na ang Malakanyang sa katauhan at sugo nitong si Atty Romulo Macalintal, na agad ng gamitin ang 2,000 Automated Counting Machine (ACM) sa nalalapit na 2007 election? Kung matutuloy man, mukha namang tuloy?

Ayon kay MacaLINTA, tulad sa kinahinatnan ng Bataan Nuclear Power Plant, nakakapang- hinayang at malaking pagsasayang daw kung itatambak lamang, kung bubulukin lamang at kung hindi mapapakinabangan ang mga ACM sa 2007 election! Kung matatandaan, ganito rin ang bukang bibig (linya ng propaganda) ni Benjamin Abalos, chairman ng Comelec at iniendorso ng Malakanyang (magkakabalahibo?).

Idinagdag pa ni MacaLinta na P4.0 milyon taon-taon daw ang ibinabayad ng gubyerno bilang "storage fee" sa mga ACM. Ang daming palaboy na batang mapapa-aral sana nitong P4.0 milyon!

Ayon kay LINTA, maari naman daw ituloy ng SC o ng Ombudsman ang kaso ng maano- malyang kontrata na P1.3 bilyon laban sa Comelec Commissioners at Maga Pacific Consortium (MPC)! Ang nakakaiyak, nakapagbyad na pala ang Comelec sa MPC na nagkakahalaga ng P1.25 bilyon! Ayon kay Sen Pimentel, OVERPRIZED ng mahigit P300.00 milyon ang ACM at P551.0 milyon lang pala ang tunay na halaga (actual cost). Magkano ang komisyon, ang masisipsip na dugo ng mamamayan ni macaLINTA dito?

Ang isa pang KAGAGUHAN at KATANGAHAN ni Abalos, "hindi na raw maaaring maisauli (maibalik) ang 2,000 ACM dahil ayaw na raw itong tanggapin ng Mega Pacific!" Hindi lamang 'yan, may balanse pa daw itong P800.0 milyon na UTANG-na!!! Haaaaaa..... hindi ka ba naluoy sa batang Pinoy! Ito ang karumaldumal na krimeng hindi dapat palagpasin (no one is above the LAW) ni siRAULo Gonzalez ng DOJ!!!

Magkano ang nakurakot na KOMISYON dito ng mga Comelec Commissioner at ni Abalos? Sa bahagi ng Mega Pacific, tubung lugaw ito, raket, walang kalugi-lugi, dahil gamitin man ng Comelec o hindi ang makina (ACM), tuloy ang obligasyon ng Comelec (batay sa kontrata) na i-settle ang mga kakulangang bayarin sa MPC? Ha...NALOKO na naman tayo dun.....?

Parang Independent Power Producers (IPPs) din pala ang hinayupak na'yan! Lumalabas na ang country ang nagdurusa at patuloy na nagdurusa dahil lamang sa katangahan, sa katiwalian, sa kagaguhan, sa kasakiman, sa ala LINTANG naninipsip ng dugo at anomalya ng sinuman? Ang nakakapang-lupaypay, parang walang nananagot, accountable sa bilyung pisong nawalang parang bula sa hangin!

Sino ang responsibilidad at mananagot sa nawaldas na bilyon? Alangan naman Senado o ang Supreme Court, hindi naman siguro mga destabilizer na politiko o alangan din ibintang sa CBCP (kapit bahay), mas lalong alanganin kung ibabaling sa mga BOTANTE, sa mga poll watcher o sa IPD? Parang pinalilitaw na walang may kasalanan, walang nagkasala, walang nangurakot, malinis ang kontrata, malinis ang konsiensya, transparent at above the law ang kontrata?

Dahil sa tadtad ng anomalya (hello Garci controversy), nalagay sa zero balanse ang kredibilidad (pagtitiwala) ng Comelec. Ayon sa ilang senador, kung gustong makabawi, kung seryoso ang gubyerno sa demokratisasyon, isang malinis, may integridad at credible election sa 2007, dapat unahin ng Malakanyang ang paglilinis at pagtigpas ng ulo ng lahat ng commissioner sa Comelec at ireporma't ioverhaul ang sistema ng eleksyon!

Wasto at tama lamang ang naging desisyon ng Supreme Court na sa simula't simula pa lamang ng kontrata, mabantot at balot na ito ng katiwalian at pangungurakot;

Una, nilabag nito ang batas at ang jurisprudence. Hindi ito naging maingat (pasaway) sa isinagawang bidding rules at procedures.
Pangalawa; walong beses na hindi nakapasa ang makina (ACM), kasama rito ang tinatawag na standard of accuracy na naging batayan pa mismo ng Comelec, ang kakayahan nitong madetect agad ang resulta ng bilangan-election na nauna nitong idinownload, at
Panghuli, ang kapasidad nitong mai-print agad yung “audit trails ng bilangan at canvassing”. Ginagamit pa ni Abalos at ni Macalintal ang Dept of Science and Technology (DOST) upang ipawalang saysay ang accurate na findings ng Korte Suprema.

Nagbabala dito ang SC na kung ipagpipilitang gamitin ng Comelec ang makina (ACM), “sa isang stroke lamang, sa isang pindut lamang (hacking-IT terms), bubulaga at sasambulat ang matinding dayaan, ang kinamumuhiang dagdag-bawas.

Dapat asikasuhin ng gubyerno, lalo na ang Opisina ng Solicitor-General na habulin ang iligal na disbursement na P1.3 bilyong ibinayad ng Comelec sa MPC. Dapat nitong patingkarin ang isyu ng ANOMALYA upang ganap na mabawi't maibalik sa kabang yaman ang P1.3 bilyon, ipawalang bisa ang P800.0 milyon pang balanseng kabayaran at ipakulong ang puno ng Comelec. Ang problema, imbis na panagutan, ang huling balita, mukhang ipo-promote pa si Abalos bilang ambasador.

Matapos nai-award nuong April, 2003 ang kontrata ng ATM sa Mega Pacific at nabisto ng mamamayan na may anomalya (non-eligibility ng Mega Pacific na maki-parte sa bidding), diniklarang NULL and VOID ang nasabing kontrata ng Supreme Court. Kung walang pagbabago, kung walang repormang maisasagawa, may pagtantya ang ilang Senador na (mas malalagpasan, mas mahihigitan) ang nalalapit na 2007 election ay isa sa mas maituturing na pinaka-magulo, pinaka-madaya, pinaka-garapal na election sa kasaysayan ng bansa. Dahil sa ATM, mas magiging pakyawan ang dayaan (nakaabang na ang mga hackers-IT ng Palasyo), babaha ng pera at mas maraming magbubuwis ng buhay.

Kung mapapatunayang may kolusyon, may sabwatan ang Comelec at ang MPC, malaki ang pag-asang mababawi ang bilyong salapi ng country. Kasangkot sa iligal na kontrata dito ang Comelec chairman na si Abalos, Commissioners Ralph Lantion, Rufino Javier, Luzviminda Tancangco, Mehol Sadain, Resurreccion Borra at Florentino Tuazon Jr. Retirado na si Lantion at Tancangco.

Maagang nagkonsolida ng electoral base ang administrasyon sa ngalan ng Sigaw ng Bayan electoral exercise mapping-PIG. Kung matatandaan, maagang inanunsyo at tiniyak ni Ninyo Bonitong si Mike Defensor na 100 porsientong magwawagi sa Senatorial at Congressional election ang administration ticket. Kung sa bagay, hindi ito kataka-taka, sa laki ng pork barrel, infra projects ng Super (mega) Regions at resources ng gubyerno, walang dudang ma-eengganyo at maakit ang mga lokal na ehekutibo ng bansa na kumapit kay Ate Glo.

Ang isa pang hamon; anuman ang mangyari't kahinatnan ng maanomalyang kontrata at modernisasyong ng eleksyong isinusulong ng Comelec at Malakanyang, matuloy man o hindi ang isinusulong na reporma sa sistemang eleksyon, meaning; malawakang pagli- linis at overhauling sa Comelec. MATALO man o MANALO, mukhang ang lahat ng grupo ay nasa electoral mode na, ang lahat ay maagang namumulitika na, ang lahat ay naghahanda na sa 2007 election, ang lahat ay nagtatayo na ng electoral machinery, ang lahat ay nag-iipon na ng pondo at ang lahat ay nag-iistabilisa na ng imahe't mga mukha.

Patalastas: kung gusto ninyo ng serbisyo ng "winning an electoral combat", meaning: CAMPAIGN MANAGEMENT (ELECTORAL TACTICS and STRATEGY) sumangguni lamang sa Institute for Popular Democracy (IPD).


Doy Cinco / IPD
August 9, 2006

1 comment:

Ines Grunwald said...

Very nice article, I enjoyed reading your post, very nice share, I want to twit this to my followers. Thanks!. Money Counting Machines