Friday, August 25, 2006

"Green Highway", walang bilib, Gimik lang !!!

Ewan ko. Pero, hindi sa pagiging makulit o lagi na lamang kontrabida, puna ng puna't hihanapan na lamang palagi ng butas ang bawat programa ng gubyerno at parang wala ng nagawang matino ang gubyerno. Sa kasalukuyang dispensasyon, maaring sabihin nating wala nga talagang ginagawang maayos, sistematiko't direksyon ang gubyerno ni Ate Glo.

Sa tingin ko mali, walang malinaw na impak, hindi tatagal, nagsasayang lang at 'di-sustainable. Wala akong bilib, wala akong nakikitang paghanga o kaseryosohan sa programa ng DENR Sec Angelo Reyes na "Green Philippine Highway Program."

Ang sistema, ang realidad kasi, patsi-patsi, reactive, walang buto sa gulugud, propaganda ang dating. The “Longest daw' in the world at kayang lagpasan ang Great Wall of China, haaaa...... "Wag n'yo kaming pinagloloko!!!.

Ilang tree planting na ang naisagawa ng gubyerno simula pa nung panahon ni Marcos (green revolution) hanggang sa tatlong presidenteng nagdaan. Ilang pondo mula sa World Bank at iba pang International Agencies ang NAKURAKOT, ilang bilyon ang naibulsa. May nangyari ba? Subukang mong bumiyahe mula Manila hanggang Baguio- Appari o hanggang Naga, Cam Sur, bubulaga sa mukha mo ang kalbong kabundukan. 'Wag na tayong magpakalayo-layo, namutiktik ba sa "green"-kakayuhan (kagubatan) ang Metro Manila?

Bago nga kayo magpasikat sa “green highway” na yan, pwede bang asikasuhin n'yo muna ang trahedya ng Oil Spills sa Guimaras, ilang Linggo na ang lumipas wala pa kaming nakikitang inisyatiba ng DENR! Imbis na "green highway" pwede bang taniman n'yo muna ng libong puno ang NAIA 1 at Naia 2, Domestic, Cebu at Davao, ang ating istratehikong mga international Airport. Kung baga sa isang bahay, ang sala muna, ang living room muna. Tignan n'yo ang Kuala Lumpur , Bangkok at Singapore International Airport, isang malaking gubat ang babalagbag sa'yo, isang “gubat sa ciudad”.

Isa pa, yung Edsa, Quezon Av at Commonwealth Av na nga lang sa Quezon City hindi mataniman ng mga Puno, Green Philippine Highway pa, 3,439 km pa ang haba?

Nakita n'yo Highway, hindi n'yo nakita't nagbulag-bulagan kayo sa panot na Kabundukan. Kabundukang kinalbo ng mga elite na politikong ibinoboto pa ng paulit-ulit ng mga tao. Sila ang mga kasapakat sa Malalaking Logging konsesyong nagdulot ng paulit-ulit na malalaking LANDSLIDE sa bansa, bilyung pisong pinsala sa buhay at ari-arian ng mga mamamayan sa S. Leyte, Quezon province, Cordillera region (Baguio City) at sa ibang matataas na lugar sa bansa. Hindi na natuto, bilyung-bilyon piso na ang mga napinsalang komunidad, natabunan, buhay na naibuwis at pinsalang inprastraktura.

Bakit highway? Dahil dito ini-implement ang "road user's tax" (naka-blue t-shirt na may tatak na mukha ni Ate Glo? Dahil dito matatagpuan ang boto at photo OPs? Dahil dito matatagpuan ang mga alipures sa barangay? Mas mahusay pa siguro kung IPINAUBAYA n'yo na lamang yan sa Local Government Units (LGUs) at hindi sa programa ng National Government.

Mas bibilib ako, mas hahanga ako at susuporta sa DENR, kung uusigin, maipapakulong ang sanlaksang mga Illegal Logger may limang dekada na ang lumipas sa buong Kapuluan. Pangalawa, kung may malinaw na patakaran ang gubyerno sa batas na tutupdin at ie-enforce, pagsasabatas ng "Total Logging Ban" sa buong kapuluan habang seryosong inaayudahan ang FORESTRY PROGRAM sa pamamagitan ng Community Based Forest Management (CBFM). Meaning grassroot, community-based ang siyang mas may karapatan mangalaga at mag-ani ng kakayuhan sa kabundukan at sa kapatagan, hindi HIGHWAY.


Doy Cinco / IPD
August 25, 2006

No comments: