edwintabora123@yahoo.com
We have to move on…
Tapusin na ang mga tunggalian sa pulitika, harapin na ang umuunlad na ekonomiya…we have to move on, ang sabi ni Gloria sa nakaraang SONA.
Sa pakiramdam ng mga taga-Palasyo at mga tapat na alipores ni Gloria, tapos na ang laban at sila ang nanalo kung kaya dapat ng magpatuloy…magpatuloy ang muntik ng maudlot na pagpapasasa sa kayamanan at kapangyarihan.
Grabe ang kayabangan sa mga pahayag na binibitawan ni Ermita, Bunye at Defensor, tila ba mga leon na habang apak ang natalong kalaban ay buong ingay na ipinapaalam na sila ang hari, sila ang malakas, sila ang nagmamay-ari ng lahat ng nasa kanilang kaharian.
Matapos na ipangalandakan ni Gloria sa kanyang victory speech (SONA), na laban siya sa lahat ng gustong kumontra ay nagbigay ng pasubali na bakit pa bubuhayin ang mga isyung nilampaso na at inaayawan na ng mamamayan, sayang lang ang oras, magsama-sama na lang tayo. (translation: sumunod kayo sa amin, talo kayo)
Kung kaya inilatag nila ang mga parametro kung paano mamuno, pabuya sa mga masunurin at walang sariling pagpapasya at sa mga kumokontra naman ay kaso, kulong o kamatayan ang pagpipilian. Syempre pa ang matinding balakid kung bakit hindi siya maka-move on ay ang isyu ng legitimacy, ang tagumpay na tinutuntungan ng kanyang pamamayagpag ay kumunoy ng negatibong opinyon ng mayorya ng taumbayan…hindi si Gloria ang pangulo ng Pilipinas.
Umiiral sa kasalukuyan ang batas militar. Ang mga tagumpay na inani ng taumbayan sa pakikibaka laban sa pasismo at diktadura ni Marcos ay unti-unti ng nawawala.
Ang kongreso ay kahalintulad na ng Batasang Pambansa noon ni Marcos, sunud-sunuran sa kung ano ang ipag-uutos o kagustuhan ni Gloria. Luma na ang impeachment, huwag na itong patulan, ibasura sa pinakamabilis na panahon.
Pag-aalaga, pagtatanggol sa ‘crony’, tuta, alipores, ‘fall guy’, uso na naman, iba nga lang ang mga pangalan at apelyido.
Pag-aangat sa mga posisyong militar na ang pangunahing panuntunan ay kamag-anak o kaya ay higit pa sa tuta ang loyalty. Nagpakawala ng mga rabid na anti-komunista, may bagong anyo ang mga death squads ngayon, naka-bonnet, naka-motor. Nagmamalinis ang mga nakaupong opisyal ngayon ng AFP at PNP, malakas ang kontrol nila sa ngayon, napapasunod o kailangang ipagtanggol ni Gloria ang pagmamalabis at paglabag sa karapatang pantao.
Ang Supreme Court ay puno ng mga piling tao ni Gloria, kahit na tumindig laban sa EO 464, CPR at PP1017, hindi rin ito pinansin ng iskwater sa palasyo, tuloy pa rin ang pagdurog sa mga kilos-protesta, hindi pa rin dumadalo sa mga pagdinig na ipinapatawag ng senado ang mga opisyal ng gobyernong maaaring magbigay linaw sa mga katiwalian, tuloy-tuloy pa rin ang pagyurak sa ating mga karapatan at pagbale-wala sa mga prosesong demokratiko, wala na ang death penalty pero patuloy ang pagdami ng extra-judicial killings, bale-wala na ang mga batas.
Ang mga taga-COMELEC na nasangkot sa Hello Garci ay nananatili at gumanda pa ang mga posisyon, kasabay sa pag-angat din sa posisyon ng mga Garci Generals sa AFP at PNP, ano pa ang maaasahan natin sa mga prosesong elektoral na magaganap, eh ano pa nga ba kundi bigyan ng panibagong basbas si Gloria at mga kampon, sa lokal na eleksyon man o sa isasalaksak sa lalamunan nating plebisito para sa PIG (People’s Initiative ni Gloria).
Talamak na muli ang huweteng at iba pang pang-masang sugal, mas tumindi ang smuggling, mula sibuyas, illegal drugs, high tech equipments at maging mga foreigners na iligal na pumapasok dito sa Pilipinas, kontrolado ang sindikato. Sa ngayon hindi na midnight cabinet ang nagpapasya sa mga iligal na gawain, kundi ang the other cabinet ni Jose Pidal.
Ang sinimulan noon ni Marcos na pagpapadala ng mga manggagawa sa ibayong dagat para maibsan ang kawalang hanap-buhay dito sa atin ang siya ngayong bumubuhay sa ating ekonomiya. Ang mga padalang remittances sa mga naiwang kapamilya na umaabot na sa 30 milyong Pilipino ay mistulang anesthesia sa malalang karamdaman na dulot ng kahirapan.
We have to move on…maghihintay pa ba tayo ng panibagong 14 na taon ng diktadura, maghihintay na naman ba tayo ng panibagong Ninoy na papatayin ng mga nagpupumilit sa kapangyarihan…kailangan nating kumilos, mag-organisa, magpalakas, magpalitaw ng mga alternatibong lider. Sa pagmamayabang ni Gloria at mga kampon, may mga pagkakamaling lilitaw, sa mga pagkakamaling ito mapapakilos natin ang namamanhid ng katawan ng taumbayan, dito natin kailangang maging handa…
Sulong Akbayan!
edwintabora123@yahoo.com
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment