Monday, August 14, 2006

Eh Ano ngayon kung wala kaming CEDULA ?

Ginagamit pa pala hanggang ngayon ang CEDULA sa counter insurgency! Ayon sa nasagap kong balita, sa layuning masawata daw ang mga NPA, isang kawawang mamamayan ang pinalamon ng cedula, pinaglakad ng naka-brief ng mga tropa (AFP) ni Palparan sa isanagawang operasyon sa ilang baryo sa Nueva Ecija. Nakadiklara ang carfew sa mga lugar at maramihang pagpupulong ng mga taga-baryo ang ipinapatupad ng mga sundalo, hindi ng mga halal na opisyal ng bayan.

Nasa Burma ba tayo, nasa North Korea o nasa Baghdag, Iraq? Anong ginagawa ng mga trapong Tongresman, ng Gobernador, Mayor at barangay captain sa mga lugar na ito? Buti pa si Gob Josie de la Cruz, kahit 'di rin makaporma, pumipitik ng kaunti kay Palparan, sa Nueva Ecija, nagmukhang tanga, inutil si Joson! Hindi nakakapagtaka na Batas Militar, kamay na bakal at ang kontrol ng military over civilian ang siya ng kalakaran na rito!

Ang nakakapagtaka, bakit walang mga labanan, enkwentro sa pagitan ng tropa ni Palparan at NPA sa mga liblib na lugar at kabundukan? Ilan taon na si Palparaan sa Central Luzon, wala pa tayong nakikitang napapatay na NPA regular o Kumander si Palaparan! Ganito ba ang pag-agaw ng "hearts and mind" ng pulasyon? Ayon kay Palparan, bago man lang magretiro (taong kasalukuyan), mabura niya sa mapa ang NPA sa Central Luzon! Talaga, Manong?

Eh ano ngayon kung wala kaming CEDULA? Grounds ba 'yan upang arestuhin n'yo, ikulong ninyo ng basta-basta na lamang si Mang Pandoy, kahit walang ipinapakitang WARRANT of ARREST at pagtalima sa karaptang Pantao ng mamamayan? Mapupuno (milyon Pinoy ang walang cedula) ang lahat ng bilangguan ng PNP kung gagawin n'yong patakaran sa military yan? Kung sabagay, kailan ba tayo nagkaroon ng "RULE of LAW" o iginalang man lang ang Constitution?

Bakit, ang cedula ba ang naggagarantiya, ang kikilatis upang makilala ang isang tao, kung ito'y Pilipino o hindi, kung ito'y isang law abiding citizens o mga masasamang elemento-kriminal, kung ang taong ito'y taga ibang planeta, kung ito'y rapist, kung ito'y tao at hindi hayop, kung ito'y isang komunista at hindi repormista, kung ang taong ito'y hindi isang simpatisador ng NPA? Hindi cedula ang magpapahina ng insureksyon at lalong hindi ang cedula ang magkukumbinsi sa tao upang paniwalaan si Ate Glo!

Diyos por santo naman, panahon pa ng Hapon yan, panahon pa ng Katipuneros, panahon ng Hukbalahap at Metrocom ni Marcos yan, lumang istilo, GASGAS na! Information Technology na tayo at Globalization. Maraming kaparaanan upang masugpo ang insureksyon, pero hindi ganyan ka sablay, ka palpak!

Huwag ninyong GAGUHIN, gawing TANGA, takutin o kaya-kayanin na lamang ang mga taga- baryo, ng dahil lamang sa isang kapirasong papel na CEDULA! Optional na lamang ngayon ang cedula. Hindi na siya kailangan!

Ang cedula ay ginagamit na lamang sa mga business transaction, paghahanap ng trabaho o sa iba pang mga legal na usapin. Hindi na ito ginagamit upang kilalanin ang isang tao. Pagpasok mo sa isang embassy, sa mga opisina, sa isang gusaling pribado o pampubliko, sa parking lot ng SM Mall, sa mga sinehan, Library, NAIA airport (domestic at International), sa mga PIER, MRT at Mega Train, hindi cedula ang ipinapakita, bagkus mga ID na (SSS, PAG-IBIG, GSIS, Voter's ID) o driver's licence!

Kung para sa mga “TAGA-LABAS”, isang aktibista o kalaban ng gubyerno, chicken lang ang CEDULA, sa kabilang banda kay Mang Pandoy, wala siyang panahon o interest sa Cedula, wala nga siyang pitaka!

Baka ang kalabasan ng mga pangyayari, mas sa militar matakot ang masa, bumaligtad ang sitwasyon, naintriga ang mga taga-baryo, suportahan at sumapi na nga ng tuluyan sa mga NPA!

'Di hamak na malaki ang inilakas ng NPA sa nagdaang dalawang taon, kung ikukumpara nung panahong dumanas ito ng matinding ideolohiyang krisis panloob, may isang dekada na ang lumipas. Kaya lang, sa istilong ganyan, PINALALAKAS n'yo, binigyan n'yo ng bitamina ang nanglulumong insureksyon, pinararami n'yo ang mga kasapi ng Hukbo at partido.

Kung patuloy na paniniwalaan ang Anti-komunistang si Norberto “Saging” Gonzales at Fr. Intengan ng Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP) na "para masugpo ang CPP-NPA", dapat gamitan ng dahas, kamay na bakal, isang "all out war" laban sa insureksyon? Magpatingin muna kayo sa MENTAL, positibong may lagnat kayo sa utak!

Kung maniniwala tayo sa PDSP, na hindi manalo-nalao sa Party List election, mas may isang libong beses na magkatotoo rin na MAS MAUUNA PANG MAREKRUT SA insureksyon ang mga bagong graduate ng PMA, mga Junior Officer ng AFP, mga bagong miembro ng Special Action force ng PNP, mga kabataan sa UP at PUP at mga intelekwal sa academic community, hanay ng simbahan at sa civil society group sa tabi-tabi na mahikayat sa CPP-NPA?

Kung mananatili si Palparan at dadami pa ang mga Palparan sa bansa, mas mabibigyang katwiran o reason for being ang isyung matagal ng ipinaglalaban ng mga KOMUNISTA, 'ang pasismo ng estado, ang burukrata kapitalismo, imperyalismo at pyudalismo' na hinalaw at ibinatay sa doktrina't bibliya ng SND at LRP (struggle for national Democry) ni Joma, Walang dudang pinagtatawanan na lamang si Palparan, natutuwa at pinasasalamatan.


Doy Cinco / IPD
August 14, 2006

No comments: