Saturday, August 26, 2006

Gen Calderon: "i-report sa amin ang Weteng OPs !" Taran.....

Kamakailan lamang (kahapon, Sat Aug 26), nanawagan ang bagong PNP chief Director General Oscar C. Calderon na I-REPORT daw sa kanila ang mga WETENG activities sa bawat lugar. Naglagay pa siya ng mga cell number at telepono na mapagsusumbungan ang mga tao; Patrol 117, TXT PNP 2920, or by calling 726-43-66, 726-43-61, 726-16-08 or 7230401 local 3006, 3306,3506, or 7255115 and 7253179.

Pwede ba, 'wag n'yo kaming pinagloloko, idadamay n'yo pa si Mang Pandoy, si Aling Amelita (Kubrador), si Mang Kulas at si Mang Juan, ang abang mamamayan. Isang gasgas, istilong buluk, sirang plaka, patay malisyang palusot ng pamunuan ng PNP kasabwat ang gubyerno ni Ate Glo! Paalala, palabas pa hanggang ngayon ang pelikulang “KUBRADOR”.
Sabihin na nating alam ni Mang Juan ang wetengan sa lugar, hindi siya tanga, gago, (wala siya sa posisyon, wala siyang lakas ng loob, wala siyang kapangyarihan at resources) upang i-report sa PNP ang wetengang kontrolado mismo ng PNP!!

Kilala ng PNP-AFP, kaututang dila ng PNP-AFP, mga kabalahibo ng PNP, kainuman n'yo, kakumpare n'yo ang mga WETENG Lord mula Hilaga hanggang Timog ng bansa. Sinong gagong nilalang sa mundo ang maniniwalang wala kayong alam diyan sa Weteng operation? Sinong mamamayan ang magpapakamatay na magrereport ng weteng operation sa inyo. Ang alam, ang balita, ang persepsyon ng mamamayan ay kundi man kasabwat, ang pamunuan ng PNP ang siya ngayong direktang nagpapatakbo ng weteng operation sa bansa.

Sino ang mas may kredibilidad, ang mas paniniwalaan ng country, si Lumibao, si Calderon, o si Bishop CRUZ?

Tandang-tanda pa ng mamamayan ang propaganda ni Ate Glo, ilan taon na ang nakalipas. “In two years time, in one year time, wipe out na ang Weteng”. Ang tanong nuon, may naniwala ba? Mas kapani-paniwala pa ng ilang libong beses na "BANTAY SALAKAY" at may basbas-order mula sa Malakanyang ang patuloy na lumalakas na weteng ops sa bansa.

Sa isang bansang mahina (WEAK STATE), lulugu-lugo ang institusyon, prostituted ang institusyon, walang naniniwalang sinusunod, ipinapatupad at seryosong ini-implement ang mga batas. Walang naniniwalang mawa-wipe out ng PNP, ng AFP, sa tulong ni Mayor, sa tulong ni Gobernador, sa tulong ng League of Mayor of the Phil (LMP), ULAP-DILG at Sigaw ng Bayan ang weteng sa country.

Sa totoo lang, hindi na kailangan ng report mula kay Mang Juan ang weteng Ops sa kanilang barangay. Kung report lang ang hanap ng PNP marami itong mapagkukuwaang datos at inpormasyon hinggil sa operation ng Weteng.

Una; hindi na mabilang ang mga Senate-Congressional hearing na naisagawa sa isyu ng weteng (mga exposay ni Bishop Cruz, Sandra Cam at mga dating Cabo ng Weteng), matagal ng identified, positive, kumpleto na ang listahan kung sinu-sino, saan lugar, sino nakikinabang, tumatabo, magkano ang partihan ng intelehensya, kanino iniintrega papataas (palasyo) at lifestyle checking. May naibagsak ng presidente rito.

Pangalawa; bode-bodega na ang litiratura't pananaliksik diyan. Manuod kayo ng Kubrador.

Pangatlo; ilan mga reporter ng Tabloid at ilang broadsheet na ang nagbulgar diyan, ilang broadcaster sa radio ang pakutyang nag-aanunsyo pa araw-araw ng mga tumama sa weteng.

Idilat lamang ang mga MATA, haplusin ang mabantut na hangin sa tabi-tabi at 'wag maghintay na patamain sa weteng. 'Wag ng magmaang-maangan, 'wag sabihing dapat may magreport, maging pro-active, batid na ng lahat kung sinu-sino, kung saan-saang mga lugar at hideout ng weteng lords.

Kung sa pakinabang, kung sa dilhensyahan, kung sa RAKITAN at kabigan KAYO-KAYO lang, sinosolo n'yo, MINOMONOPOLYO n"yo, kina-kartel n'yo! Kung trabaho na, kung sakripisyo na't HIRAP AT PASAKIT humihingi na kayo ng saklolo, nagpapa-assist na kayo, gusto n'yong damayan kayo ng country, nananawagan kayo ng SAMA-SAMANG pagkilos! Hindi parehas ang laban.

Ang katawa-tawa, mukhang gusto pang palabasing KASALANAN pa ni Mang Juan, ng kumunidad, (palabasing gusto ng tao, employment yan, kultura na yan!) kung bakit tinatangkilik ito ng mananaya, 'dahil hindi raw ito iniREPORT, nakikipag-tulungan, nakipag-cooperate sa inyo (PNP)!

Nakakapanglupaypay naman yan. Paano makikipag-cooperate , paano kayo pagtitiwalaan, paano kayo igagalang ng tao, ang lalaki at ang dami ninyong mansyon, naka-SUV luxury vehicle pa kayo (magkano lang ba ang monthly wages ng isang Heneral na pulis?). Madalas kayong nakikita sa beerhouse, daming chicas na ka-table, nakikipaglandian sa TAAS, sa palasyo!

Kung nanaisin, kung gugustuhin, kung may “butu sa gulugud” lamang, kung may “political will” ang palasyo at PNP-AFP na durugin, tiris-tirisin at wipe-out ang weteng sa bansa ay kayang-kaya. Ang grupong Magdalo, sa kabila ng kahusayan at experto sa counter INTEL ng mga junior officers, nahuli n'yo, Weteng operation pa,

Kung maipapakulong n'yo ng buhay, kung sasampulan n'yo si Bong Pineda na kumukuya- kuyakoy lamang sa Lubao, Pampanga, BIBILIB ako at buong country. Kung magagawa ng PNP-CIDG na maipakulong ang numero-unong electoral campaign financier ni Ate Glo, diyan lamang mapatutunayang seryoso nga ang PNP na durugin ang salot na WETENG sa country.

Kung mangyari 'yan, ganap ng mawawala ang persepsyong dorobo't kasabwat ang PNP sa mga wetengan. Kung magagawa ni Director General Calderon na maipakulong si Bong Pineda, siguradong papalakpakan siya ng country, maglalaho ang pagdududa at maibalik ang kredibilidad, pagtitiwala't pagtangkilik ng country sa PNP.

Kaya lang ang totoo, may basbas mula sa itaas na maghinay-hinay muna sa anti-weteng operation. Hangga't maari, hangga't pwede maghanap ng mga alibi, palusot (justification) hanggang maiparaos lamang ang nalalapit na 2007 election. Lubhang kailangan ng mga pulitiko (lokal man o nasyunal level) ang weteng money upang muling masustentuhan ang pang-araw-araw na gastusing pamumulitika (kasal, binyag, libing), sustento sa dami ng kabit-asawa nito, tarpuline-streamer ng mga pagmumukha nito sa kanto, pamimigay ng noodles, pagpapainum-for the boys, visibility, name recall at maagang pagtatayo ng makinarya.


Doy Cinco / IPD
August 27, 2006

No comments: