Saturday, July 08, 2006

BAGONG BANTA! Retiradong heneral mag-aalsa?

BAGONG BANTA!
Retiradong heneral mag-aalsa?
Ni ROSE MIRANDA

May bagong banta ng pag-aalsa ng militar na namonitor ang Malacañang at ito ay may kinalaman sa pagiging nominado ni Philippine Army chief Hermogenes Esperon sa puwestong Armed Forces Chief of Staff, kapalit nang magreretirong si Gen. Generoso Senga sa Hulyo 21.

Si Esperon ay matatandaang isa sa mga heneral na sangkot sa "Hello Garci" controversy sa akusasyong tumulong umano ito upang "lutuin" ang resulta ng 2004 presidential elections.

Kinumpirma kahapon sa Abante ng mapagkakatiwalaang palace source na may direktang ugnayan sa militar, nakakalap umano sila ng impormasyon na ilang samahan ng mga retirado at aktibong heneral ang kumakausap sa mga miyembro ng hukbo partikular ng junior military officers upang mag-alsa sakaling si Esperon ang piliin ni Pangulong Gloria Arroyo na maging AFP chief of staff (CoS).

May mga kalatas na umanong ipinamudmod sa iba't ibang quarters ng militar at nagsisilbing smear campaign kay Esperon at ilan sa ito ay nakumpiska at nasa kamay na ng intelligence community.

Nagsimula umano ang aktuwal na panggagapang simula pa noong nakaraang buwan ngunit umiigting umano ngayon matapos ang paglantad ng videotape ni Gen. Danilo Lim.

Ang magkahiwalay na grupong gumagapang, ayon sa source, ay malapit kina dating Senador Gregorio "Gringo" Honasan at dating military chief Fortunato Abat bagama't walang direktang impormasyon kung may basbas ng dalawa ang nasabing pagkilos.

Ilan sa mga "ibinubulong" umano sa mga junior military officers ay ang sama-samang pag-abandona sa kani-kanilang quarters o mass leave sakaling umigting ang panggigipit kay Lim at matiyak na si Esperon na nga ang "manok" ng palasyo sa AFP CoS post.

Alam na umano ni Pangulong Arroyo ang nasabing "panggagapang" at bantang paggalaw ng hukbong sandatahan at ang koneksyon nito sa simpatiyang dadagsa sa hanay ng militar pabor kay Lim kung kaya inatasan nito sina Senga at Defense Sec. Avelino Cruz na agad na umaksyon hinggil dito.

Nagsagawa na rin ng closed door meeting ang AFP leadership sa usapin kung saan pinayapa umano ni Senga si Esperon at iba pang nominado sa puwesto sa pagsasabing hindi ito dapat na maging mitsa ng kanilang 'di pagkakaunawaan dahil ito ay inisyatibo ng mga "outsiders" sa militar.

Sa nasabing pagpupulong ay tiniyak na rin ng iba pang nominado sa puwesto na sina AFP Vice Chief of Staff Antonio Romero, Deputy chief of staff Christie Datu, Philippine Navy chief Mateo Mayuga at Philippine Air Force chief Jose Reyes kay Esperon na mananatili ang propesyunalismo nila sino man ang mapisil ng Malacañang na kapalit ni Senga.

Ayon sa ulat, sinuman kina Romero at Reyes ang napipisil ng nakakaraming sundalo na maging kapalit ni Senga, samantalang delikado rin sa panlasa ng mga ito si Mayuga dahil sa umano'y hindi impresibong imbestigasyon sa pagkakasangkot ng ilang military generals sa akusasyong pandaraya sa 2004 polls kung saan "nilinis" si Esperon.

Sinabi naman ni Executive Secretary Eduardo Ermita na walang dahilan upang mag-alsa ang sinuman dahil idadaan sa proseso ang pagpisil ng AFP CoS base sa rekomendasyon ng AFP Board of Generals.

Pinabulaanan din ni Press Secretary Ignacio Bunye ang isyung "gapangan" at bantang pag-aalsa sa pagsasabing solido ang militar at susuportahan ng mga ito sinuman ang ipapalit kay Senga.

http://www.abante.com.ph/issue/july0806/main.htm



SNAP ELECTIONS!

Ni Bernard Taguinod

Handang iurong ng oposisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kanilang isinampang impeachment case laban kay Pangulong Gloria Mapacagal-Arroyo kung magpapatawag ng snap elections ang Malacañang at isasabay sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.

Ito ang inilatag na kondisyon ng oposisyon sa Kamara sa kanilang press conference kahapon kaugnay ng patuloy na pagdami ng mga complainants sa ikalawang impeachment case.

Sa pagharap sa media nina Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano at CIBAC party-list Rep. Joel Villanueva, sinabi ng dalawa na bukas ang kanilang kampo na iurong ang pag-endorso sa naturang reklamo kung handang harapin ni Arroyo ang mga isyung tulad ng kanyang pagiging elihitimong lider ng bansa.

Sa kanilang paliwanag, dalawang bagay lamang ang pwedeng gawin ni Arroyo, humarap sa taumbayan at ipaliwanag kung bakit hindi siya lehitimo at kung hindi man ay pwede niya itong idaan sa snap election.

Ipinaliwanag ng dalawang kongresista na mananatili ang problemang kinakaharap ni Arroyo sa taumbayan at maging sa militar hanggang hindi nito nasasagot ang isyu sa legitimacy ng pagkapangulo nito.

Sa ganitong paraan, anila, lamang mareresolbahan ang problema ng bansa dahil hindi uubra na idaan sa LBM o Leader Binibili ng Malacañang, ang pagpatay sa impeachment case.

"Kung ayaw niya (GMA) ng impeachment, humarap siya (sa anumang forum) o kaya magpatawag na lamang siya ng snap election para maisabay sa 2007 election," pahayag ni Cayetano.

Sinabi naman ni Villanueva na hindi maaaring idaan lamang sa pera at pwersa ang pagpatay sa impeachment 2 dahil hangga’t hindi sinasagot ang mga ibinabatong alegasyon sa Pangulo ay mananatili itong walang katahimikan.

"Kaya nga hindi tayo matahimik dahil ayaw nilang sumagot. Sagutin lang niya ang mga problemang ito, wala tayong pag-uusapan," pahayag ni Villanueva.

Isa, anila, sa mga pruweba na walang katahimikan si Arroyo ay ang gulong nagaganap ngayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) tulad ng tangkang pagkalas ni Army General Danilo Lim kay Arroyo noong Pebrero 2006.

Maging ang pagtakas ng Magdalo soldiers ay indikasyon din umano na hindi pa ganap na natatahimik si Arroyo at ma-linaw na nag-uugat ang kanyang problema sa isyu ng legitimacy ng kanyang pagkapangulo at dayaan noong eleksyon.

"Kung hindi magpapaliwanag ang pangulo, hahanap at hahanap ng paraan ang mga tao pati na ang mga sundalo para malaman ang totoo," ani Cayetano.


http://www.abante-tonite.com/issue/july0806/main.htm

No comments: