Monday, July 31, 2006

Zionistang Israel at Gen Palparan: kambal TUKO

Kung ano ang ginagawa ng Zionistang Israel sa LEBANON, ang siyang GINAGAWA rin ni PALPARAN sa atin. (mula sa isang linya ng awitin Santong Kabayo ng YANO,: “kung ano ang ginagawa ng iyong kapatid, ang siyang ginagawa mo sa akin...”)

Hindi ko alam kung isa itong KARMA para sa gubyerno. Hindi ko rin alam kung ganap ng matatauhan si GMA at si Palparan sa kasalukuyang nagaganap sa Gitnang Silangan (Lebanon at Gaza). Hindi ko rin alam kung ito'y magsisilbing aral o magbibigay daan upang mamulat, itatwa at ganap na baguhin ang pasismo ng estadong (estratehiya't taktika) patakaran tungo sa ganap na kapayapaan at kaunlaran ng bansa.

Sa aking pakiwari, kaya kimi, tahimik at hindi pumupusisyon si Ate Glo sa patuloy na krimeng pandigma ng Zionistang Israel, bukud sa masugit na kalyado ni Uncle Sam ay nakikita nito ang anino ng sarili, ang sariling bersyong "total war" na kumikitil ng maraming buhay na civilian, mga lehitimong organisasyong naghahanap ng katotohanan at hustisya ng country.

Kung ang Kofi Anan ng UN, ASEAN at si Santo Papa sa Vatican ay nananawagang "Itigil ang walang kalutay-lutay, walang ka-ese-esensyang digmaan sa Gitnag Silangan at kagyat na ipatupad ang ceasefire", walang dahilan upang humiwalay at katigan ni Ate Glo ang promotor ng digmaang si Bush habang sinasalanta nito ang mahigit 30,000 OFW at ipinapatupad ang sariling digmaan (dirty war) anti-INSURGENCY sa sariling mamamayan nito.

Patuloy ang karumaldumal, brutal, marahas at rasismong panloloob at agresyon ng Zionistang Israel sa Lebanon at Gaza. Hindi alintana ang mahigit isang milyong napapariwarang mamamayan, walang pasing-tabi sa mahigit 600 mamamayang Palistino at Lebanese na namamatay sa digmaan. Ang nakakalungkot, ginagawang excuse, binigyang katwiran at isinisisi pa sa Hizbolla at Hamas ang karumaldumal na krimeng kinakaharap nito.

Lehitimong nakikibaka ang Hizbolla at Hamas para sa kalayaan, soberanya, pagpapasya at pagtatanggol ng lupang tinubuan. Ang nakakatawa, gusto pang palabasin ng Zionista na siya ang si David (na ang hawak ay isa lamang TIRADOR-katsuya missile) at hindi si Golliat (na may kargadang BAKAL na ARMAS-F-16, high tech na tangke de Gera at supistikadong long range missile) na kontra-bida ng kasaysayan.

Pilit na ikinakatwiran ang linyang buluk at lumang tugtuging, "pakawalan ang dalawang Israeli soldiers na kinidnap raw ng mga gerilyang Hizbolla", habang ikinukubli ang libu-libong militanteng Lebanese na nagdurusa't nakapiit sa mga bilangguan na kinidnap din ng mga (Israel Defence Force) IDF sa hangganan ng dalawang bansa.

Ang neutral at walang pinapanigan, walang kamuang-muang na 30,000 OFW na ang hangad lamang ay maghanap buhay, maibangon ang sariling pamilya pag-uwi sa Pilipinas, mamamayang Lebanese at daan-daang libong Kristiyanong manggagawa ng iba't-ibang bansa sa Ikatlong Daigdig, ay garapalang piniperwisyo, nililigalig, tinatakot, sinasalanta at inaalisan ng ikabubuhay ng Zionistang Israel sa tulong at suportang agapay ni BUSH at ni Blair ng Imperyalistang Amerikano at Britanya.

Walang basehan ang banta ng pananalakay na pagdusahin, parusahan at durugin ang Lebanon dahil lamang sa pagpapabaya at pangungunsinti kuno nito sa pamamalagi at existence ng militanteng Hizbulla. Bukod sa halal at may kinatawan ito sa parliament, bahagi at kaparte ng Lebanon bilang isang nasyon ang Hizbolla sa kabuuan.

Bilang isang bansang malaya, responsibilidad at pananagutan nito ang panteritoryong integridad, magpasya at may kasarinlan. Walang karapatan ang istadong Zionista na manduhan, magdikta at makialam sa panloob na usapin ng bansang Lebanon.

Tulad sa kaso ng Pilipinas, may daanlibong mamamayan ang nasalanta sa patuloy na hidwaan at digmaang AFP-PNP laban sa mga kapwa Pilipino (MILF, MNLF at CPP-NPA). Sa kasalukuyan, dahil sa kampanyang anti-insureksyong at sa time frame na “sa loob ng 2-3 taon ay maigugupo ang insureksyong kumunismo,” may mahigit ng 600 un-armed civilians, walang kamuang-muang o mga political killings sa kabuuan ang napapatay sa “all out war” na patakaran ng gubyernong Macapagal-Arroyo.

Kabilang ang gubyernong Pilipinas sa patuloy na lumalabag sa pinirmahan nitong International Humanitarian Law ng United Nation (UN) at Amnesty International sa mundo. Ngunit, ang nakakalungkot, isa sa kinikilala ngayon ang gubyernong GMA sa pinaka-may malubhang kalagayan ng paglabag ng karapatang pantao sa Asia. Nalagpasana na natin ang record ng Burma, North Korea, Ceylon at Afghanistan. Baka ka-level na natin ang magugulong bansa sa Africa.

Walang lugar sa mundo ang terorismo lalo na't kung ito'y iprinopromote at itinataguyod ng isang ISTADO laban sa kanyang sariling mamamayan. Tulad ng paulit-ulit kong banggit, isa itong kanal na pinagbubuhatan ng lamok ng panibagong karahasan at terorismo.

Ang panunupil, ang pasismo at ang paglabag sa karapatang pantao ang nagbibgay buhay, reruiter at tumutulong sa pagpapalakas ng insureksyon at rebelyon sa bansa. Sa akalang (Palparan) madudurog, mapipilayan at hihina, ang totoo'y nagiging abono (fertilizer) pa ito upang ganap pang lumakas ang diwang mapanglaban, ang diwang rebolusyunaryo ng mamamayan. Ito ang kasaysayang hindi maaring talikdan ng mundo.

Kung matatandaan, magkaparehong naitatag ang milintateng Palistinian Liberation Organization (PLO), ang mga militanteng Hamas at Hizbolla sa gitna ng matindi, malupit at barbaric na panloloob ng mga Zionistang Israel sa teritoryo ng Palestino at Katimugang Lebanon may ilang dekada ang nakalilipas.

Kung sa konteksto ng Pilipinas, naitatag ang rebolusyunaryong mga Katipuneros, ang KKK sa gitna ng mapang-aping Kolonyalistang Espanya. Naitatag ang HUKBALAHAP sa gitna ng pasistang patakaran ng Japanese Imperial Army. Naitayo ang Hukbong Mapagpalayang Bayan (HMB) ng Partido Kumunista sa gitna ng katindihan ng pang-aapi, (political repression) pagmamalupit ng estado at usaping AGRARYO sa kanayunan. Naitatag ang MILF at MNLF sa gitna ng pananakop, kaapihan, kalupitan at pag-iitchapwera sa hanay ng Kamorohan. Naitatag at lumakas ang NPA sa katindihan ng diktadura at laganap na panunupil sa karapatang pantao.

Ito ang itinuturo ng kasaysayan.


Doy Cinco / IPD
July 31, 2006

No comments: