Monday, July 17, 2006

Ngayon mo ikundina ang Israeli Agression, Ate Glo!

Ngayon ka maghamon, ngayon ang tayming upang magpa-impres, magyabang sa mundo, sa country, lalo na sa ating mga kababayang Pinay-OFW-Domestic Helper. Ito na ang tamang panahon upang tahasang "ikundina ang barbaridad at walang habas na atake't panghihimasok ng Israel sa mamamayang Lebanon at Palestino.”

Kamakailan lang, nanawagan ang Zionistang Israel na lisanin na ng mga residente (local /foreign)ang Katimugang Lebanon at Beirut (kapitolyo) upang pasukin at mukang seryosong uulitin durugin (all out war) ang Lebanon tulad ng paulit-ulit na ginawa nito may ilang dekada na ang nakaipas.

Dahil lamang sa tatlong sundalong Isreli na nacaptured ng Hezbolla militants sa Lebanon at grupong Hamas na Palestino, ang buong populasyon Lebanese at Palestino ang siya ngayong walang awang ginagantihan, pinagdurusa at pinipinsala.

Halos magkaparehong mga katagang ginamit ng mga Puting dayo sa pang-aapi't pag-ubos ng lahi ng American Indians, "a good Indians is a dead Indians".

Kasabay nito, nauna ng kinundina na (Kofi Annan ng UN at si Tony Blair ay nanawagang mag-intervene na) ng Rusya, France, Espanya, Arab world at iba pang mauunlad na bansa ang malupit, genocidal at paghuhurimintado atake ng Zionistang Israel. Maliban sa mga Pilipino, malawakang nag-sisipag-ebakwasyon at nagsisipag-likas na ang halos lahat ng mga dayong naninirahan sa Southern Lebanon.

Ayon sa huling balita (abs-cbn), "may isa na raw tayong (Pinay-DH) casualty sa pambobomba", kung saka-sakali, may kasabay at may pasalubong na "trophy" si Ate Glo at si Cimatu pauwi sa panahon ng SONA.

Ito na ang tamang panahon para kay Ate Glo upang patunayang hindi siya kaladkaring BURIKAK ni Uncle Sam, bagkus siya'y makiki-isa, makikihanay sa mga “Bansang Walang Pinapanigan (Non-Alligned Movement).” Panahon na rin upang ganap na iwasto na ang ating nakakahiyang maka-US na foreign policy. Hindi lang puro kabig, maglingkod ka! Dapat lang itaguyod ni Ate Glo ang sariling interes ng bansa sa Gitnang Silangan, ang proteksyunan ang pangunahing sumasalba ng ating ekonomya, ang OFW (suntok sa buwan 'yan!).

Upang masiguro ang sapat, murang supply ng langis at katahimikan sa Mindanao, binisita pa ni Ate Glo ang bansang Libya at bansang Brunei, pawang mga bansang muslim.

Papakumplika at napaka-peligroso, at sa itinatakbo ng mga pangyayari, mukhang lalaki't lalawak sa karatig bansang mga muslim (maliban sa Iraq, Iran, Syria,Lebanon at Saudi) ang gera. Pansamantala munang itigil ang deployment at pagpapadala ng OFW sa GHitnang Silangan! Nakasalalay kay Ate Glo ang kahihinatan ng mahigit 30,000 mga katulong (domestic Helper) sa bansang Lebanon at ilang milyung manggagawa sa rehiyon.

Kaya lang, 'di tulad sa maagap na pagkundina sa missile testing ng North Korea (alam ng mundo na pasipsip lamang ito kay Bush), nakakalungkot na mukhang TAMIMI, kimi si Ate Glo na magkomentaryo, pumusisyon at kumundina laban sa gerang may direktang epekto't kinalaman sa mga OFW.

Dahil ba sa takot na makoryente kay Bush (na siyang punu't dulo ng lahat) o dahil lamang ba sa mga katulong lamang ang involved? Hihintayin pa ba niyang may maiuwing bangkay na OFW na siya namang pagpipyestahan ng mga pulitiko't alipores-galamay ng palasyo, tulad nung nangyari kay ala-Angelo de la Cruz lalo na't nalalapit na ang SONA sa July 24?

Sa utos ni Prime Minister Ehud Olmer ng Israel, umakyat na sa dalawang-daan mga sibilyan Lebanese ang nasasawi sa sabayang air, sea, at land strike ng pwersang Israeli. Ayon sa ulat, may ilan daan na ring mga kababayan natin ang nagpaabot ng kagustuhang lumikas sa Lebanon, kaya lang lubhang inutil, walang kakayahan, napakabagal ang reaction ng DFA at emisary nitong si Gen Cimatu. Mukhang mas prioridad pa nitong tulungan ang napipiit sa Amerikang si Joc joc Bolante.

Walang maaasahang tulong ang ating mga kababayan sa DFA at OWWA. Tanging sa mga kamay nila ang magliligtas sa kani-kanilang sarili (mag-evacuate sa bundok malapit sa Beirut, makisilong sa mga Simbahan, maki-hitch sa mga barko-transportsyon bilang humanitarian aid mula sa mayayamang bansang Europeo, humingi ng tulong sa kani-kanilang AMONG Lebanese o magkaisa-isa't magtulungan ang mga Pinoy.

Dahil sa isinagawang blockade (baybaying dagat, lahat ng major air, and sea ports at rutang matatakbuhan malapit sa border ng Syria at Iraq ay winawasak at patuloy na binobomba ng Israel forces), ang ating mga OFW ay parang mga ulilang walang matakbuhan at matakasan sa Lebanon. Mukhang mga tulong pa ng kani-kanilang AMONG Lebanese ang tiyakan nilang maaasahan!

Ayon sa inutil na DFA, "na sa Katimugang Lebanon ang pinupuruhan ng atake ng Israel, ito rin ang mga lugar na kinokonsentrahan ng mga domestic helper na Pinay," dito rin kung saang matatagpuan ang HQ ng Hezbollah militants na siyang katunggali't kaaway ng Israel.

Malaki ang epekto sa ating bansa ang papalalang kalagayan ng Gitnang Silangan;

Una; mahigit 30,000 mga DH ang maaapektohan sa Lebanon (na kumikita lamang ng $100 - 200 kada buwan). Kung lalaki't lalawak ang labanan, posibleng indirectly damay ang kabuuang isang milyong (1,000,000) OFW sa Gitnang Silangan (Saudi Arabia).

Pangalawa; walang dudang tataas ang presyo ng langis. Ayon sa ilang source, posibleng umabot sa $80 hanggang $100 / barrel o katumbas na P50 hanggang P100 kada litro ang presyo ng langis bago mag PASKO '06. Maliban sa “pagtatanim ng Jathropa-ethanol” (na posibleng additive daw sa gasolina) sa bawat bakuran ng bawat tahanang Pinoy, walang malinaw na ipinapakitang programa ang ating gubyerno? Hindi alintana, tuloy-tuloy lang ang paggamit ng mamahaling SUV at tatlo hanggang 5 convoy car ang ating mga pulitiko.

Mayroon tayong cheap-mura at sariling natural at indigenous energy/electricity na nagmumula sa Hydro-electric at Geothermal energy, subalit hindi ito lubusang namamaksima (30- 40% lang ang nagagamit, ang sobra'y itinatapon). Bukud sa mas mura-cheap ito ng mahigit50% kumpara sa mga Independent Power Produ cers (IPPs) na kinunsinti't kinakalinga ng Napocor-Malakanyang(dahil sa padri-padrino't pamumulitika).

Malaking bahagdan (60%) ng enerhiyang pinanggagalingan ng Napocor ay pawang galing sa mga mamahalin at inutang na IPPs ng MERALCO. Dahil sa “political survival mode ng pangulo”, tiklop ito sa anumang naisin ng mga Lopezes. Tayo na nga ang may pinakamababang living standard sa Asia, tayo pa rin ang ikatlo sa mas mataas na singil ng kuryente sa buong Asia.

Ito na lang palagi ang napapala ng ating mga OFW sa tuwing nalalagay sa bingit ng panganib sa ibong dagat. Habang ipinamamari't ipinagmamalaki ni Ate Glo ang pagluluwas ng MANPOWER export para lamang maisalba ang naghihingalong ekonomya at upang may maisustento sa kanyang magulong pamahalaan.

Habang inuutong "mga tunay na bayani" ang mg OFW, at pinagyayabang patuloy na tumataas ang remitances (dolyar) nito, wala siyang ginagawa upang agapayan, ayudahan, paglingkuran ang pangangailangang sosyal ng mga naulilang pamilya sa bansa, wala siyang paki, dedma sa panganib na kinahihinatnan ng mga OFW sa kabuuan.

Kung may maipapakitang maayos na pagkalinga ang gubyerno-DFA-OWWA sa mga OFW sa Lebanon, at buong tapang nitong ikukundina ang agresyong militar ng Zionistang Israel, walang dudang papogi-points ito sa country at sa nalalapit na SONA ng pangulo sa July 24?



Doy Cinco / IPD
July 15, 2006

No comments: