Bakit noon pwede?
Noong si yumaong Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin ang nananawagan para umalis sa MalacaƱang si dating Pangulong Joseph Estrada, puwede. Ngayong si Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales ang sumusuporta sa isang obispo na naghain ng impeachment, hindi puwede.
Noong lantarang binabatikos ng mga pastoral letters ni yumaong Cardinal Sin ang gobyernong Estrada, puwede. Ngayong pumipitik-pitik sa masamang pamamahala sa gobyerno ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at ni hindi nga deretsahang binabatikos si Pangulong Arroyo sa mga pastoral letters kundi sinisita lang ang moralidad ng ilang nakaupo, hindi puwede.
Noong ratsadahin ni noo'y House Speaker Manuel Villar ang impeachment case laban kay dating Pangulong Estrada para maisampa sa Senado, puwede. Ngayong ang mismong mga miyembro ng gabinete (Hyatt 10) ang kumakalas at nagsasabing may kasalanan si Pangulong Arroyo sa sambayanan kaya't dapat na itong bumaba sa puwesto, hindi puwede.
Noong mag-walkout sa PICC ang mga election encoder noong snap elections sa panahon ni yumaong strongman Ferdinand Marcos dahil sa garapalang dayaan, umubra. Ngayong meron nang 'Hello, Garci' at may mga heneral at koronel nang nagpapatunay na grabe ang dayaan sa Mindanao noong 2004 elections, hindi pa rin uubra.
Noong sina dating AFP chief of staff retired Gen. Angelo Reyes ang rumampa sa EDSA Dos para bumaligtad ng suporta kay noo'y Pangulong Estrada, puwede. Ngayong binalak ni Col. Querubin at ilang kasama na magmartsa sa EDSA nang walang armas at walang bitbit na kulay pulitika, hindi puwede.
Bakit noon, maraming pumuwede? Bakit ngayon ay hindi puwede? Hirit pa lang ay barado na. Pitik pa lang ay sopla na. Noon, si Arroyo ang makikinabang. Ngayon, si Pangulong Arroyo ang masasagasaan.
At noon, masasabing may pagpapahalaga pa ang mga nakaupo noong lider (mula kay Marcos hanggang Estrada) sa kanilang dangal at may respeto sa tunay na boses ng tao. Ngayon, ewan lang namin!
Editorial
July 5, 2006
http://www.abante.com.ph/issue/july0506/main.htm
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment