Friday, July 14, 2006

Institusyon ng Simbahan: CBCP, sinasalaaula na rin ng Malakanyang!

Parang hindi na bago, parang hindi na balita na mauuwi lamang sa “pera-pera” ang sigalot sa impeachment. Inaasahan na ni Juan yan! Tulad nung nakarang taon, nauwi lang sa tawaran, sa BULSA ang complaint na isinalang sa Tongreso laban kay Ate Glo. Mula ng masimulan ang pananalaula, supalpalan at suhulan sa Comelec-“hello Garci”, namanhid na ang country sa kabulukan ng pulitika.

Hindi pa lubusang napapanatag ang pulitika sa bansa. Ayon sa ilang taga-palasyo, “nananatiling may residual threats sa bahay ng palasyo”. Kung sa bagay, ikaw rin ang lumagay sa katayuan ni Ate Glo, “survival mode”, lugmuk at “strong republic kuno”, inutil, hawak sa ilong ng pulitiko at ng mga Heneral. Ang tronong “pinaka-worst na presidente sa kasaysayan ng Pilipinas.” Mahirap ng matulad kay Erap, lahat na lang ay gagawin upang tumagal hanggang 2013. Nandiyan gamitin ang Batas Pambansa 880 ni Marcos, ang RA 1017, General Order number 5, ang “emergency power”, ang CPR-“no permit no rally” at ang 464.

Unang binalasubas ang ilang matataas na pamunuang sa PNP-AFP nung nakaraang taon (July, '05), pinakamatinding hambalos at kamuntikanang natuluyan si Ate Glo (kapanahunan nagbitiw ang Hyatt 10, Drilon-LP wing, Tita Cory, Makati Business Club, PCCP).

Ikalawang bigwas ay ang labanan sa numero (numbers game) nung kainitan ng unang impeachment complaint sa Tongreso na kung saan, malaking bilang ng oposisyon ay bigla na lamang nanahimik, pinag-byahe at nagsirkuhan. Bumaha ng dinero at nabiyayaan ng maraming proyekto ang mga distritong kumontra sa impeachment. Naambunan din ang hanay ng mga LGUs na ginamit panalba sa naghihinglong gubyerno ni Ate Glo. Parang kidlat na naidiliver agad ang milyung “pork barrel” sa mga Tongresman at LGUs, kasabay namang inipit, binara at nawalang ng inaasahang pondo ang sa oposisyon.

Ikatlong dagok ay nung February, '06, pinkamatinding bagyo't tornadong sasalpok sana sa Malakanyang.

Muling tumabo ang ilang matataas na pamunuan ng AFP-PNP sa pagsunod, pagtalima, pag-agapay sa commander-in chief. Ilan sa mga usap-usapan, payat ang P50.0 milyon sa kada heneral, huwag lang bibitaw sa palasyo at huwag kumagat sa kakaramput na “offer” ng oposisyon na wala pang P5.0 milyon. The “price is right” ika nga!

Ang pinakahuli at kamuntikanang sinupalpalan (ayos lang sa ilang obispo?) bagamat nabulilyaso ay ang CBCP. Masyadong binarat, cheap eka nga ang mga Obispo. Isang malaking “insulto”, isipin mong P20,000 hanggang P30,000 lamang ang laman ng envelop? Ayon kay Arsobispo Fernando Capalla ng Davao at kasalukuyang presidente ng CBCP, “sa dokumentong inilabas ng PAGCOR, mayroong P500,000 hanggang P4.0 milyon ang inialok sa ilang Obispo; kay Bishop Vidal ng Cebu at kay Aniceto ng San Fernando. Hindi masisisi ang ating mga magigiting na Obispo, tao rin ang mga ito't may kahinaan din.

May pagka-suwabe ang dating, pinalabas pang isa lamang “donasyon”, “financial assistance” at proyektong pambayan (botika ng bayan) at agapay para sa mahihirap. Anuman termino ang gamitin, pagbali-baligtarin mo man, kahit saan tignan, mapailalim, mapaibabaw, mapasisid, mapatagilid, ano man ang kahulugan (the end justify the means) nito, maliwanag na imoral yan, lagay, kurakot, parang TONG yan sa SAKLAAN, bribery yan mula sa sugal, mula sa gambling lord at mula sa dugo't pawis ng country. Kung kaya't hindi malayong paniwalaang tumatanggap ang ilang Obispo (kahit noon pa), mula sa masasamg elemento ng gubyerno, sa drug lord, smuggling lord at mula sa pulitiko (trapo).

Gustong suklian ni Ate Glo ang “pagtatalaga sa kanya ng Diyos bilang presidente.“ Gusto pang palabasing “mapagbigay, mabait, palabasing matulungin sa mahihirap at relihiyoso si Ate Glo sa mga Obispo (bakit hindi idiretsyo nlang sa tao, sa barangay o sa DSWD ang tulong!).

Idiniliver ng mensahero ng Malakanyang ang suhol sa mga kasapi ng CBCP nung kasalukuyang pinagpapasyahan at tinatalakay sa plenary session nuong nakaraang Linggo ang usapin sa ikalawang impeachment complaint laban sa Ate Glo, ito'y matapos pumusisyon ang CBCP na “lumahok sa impeachment complaint at hanapin ang katotohanan” at matapos isimuti ni Bishop Yniguez ang kanyang bersyon ng impeachment complaint sa Tongreso. Sa takot ng palasyo, muling ginamit ang buong arsenal, resources ng Malakanyang at isinagawa ang “special ops” sa CBCP.

Layunin ng panunuhol na “palambutin, himasin, hilutin, paamuhin, kumbinsihin” ang mga Obispo na itakwil ang panukalang kampanyang impeachment ng oposisyon. Magtagumpay man ang Palasyo o hindi, lumabas man ang katotohanan o hindi, tulad ng ipinamamarali ng mga Obispo, ang mamamayan pa rin ang huling magpapasya, ang huling tutugun at ang kilusang naghahanap ng katarungan at demokratisasyon ang siyang huling aasahang aagapay.

Ano ba ang papel at paninindigan ng simbahan? Simple lang ang alam ko, siya'y bahagi rin ng isang lipunan, isang mamamayan, isang tao, may malasakit, may damdamin, may paninindigan, may misyon at may layunin, walang kadahi-dahilan upang ang simbahan ay magbulag-bulagan, manhid at walang pakialam. Ginagamit lang ng “maysayad sa utak” na pulitiko na wala raw karapatan ang simbahan na makiaalam sa pulitiko, may sepration daw ang simbahan sa estado?

Bakit biglang hindi na pu-pwedeng maki-alam ang simbahan sa estado? Bakit nung panahon ni Erap (isyu ng moralidad), gumuhit ang simbahan, nung panahon ni Marcos, taya pato ang simbahan (Cardinal Sin at CBCP) at ibinalagbag pa nga ang imahe ni Mama Mary sa Edsa! Bakit ginarote sa Cavite ang tatlong bayani nating si Fr Gomez, Burgos at Zamora? Ang hirap sa mga trapo, pulitikong ipokrita, kung sila ang gaganansya, kung sila ang tatabo't sasahod, kung sila ang makikinabang PUPWEDE, kung sa mga kalaban nila, biglang hindi na pwede?

Hindi nalalyo ang isyu ng pamilya, ng panlipunan at moralidad sa isyu ng politika o ang “bagong” politika”, na tumutuligsa sa TRAPO at pangungurakot. Kung ang simbahan ay ang mamamayan. Kung ang citizens ay aktibo (active citizenship), walang dahilan upang hindi maging aktibo ang simbahan. Kung nakasalalay at nanganganib ang panlipunang katiwasayan ang isang pamilya, moralidad at ang citizens ay aktibong makikialam, maaaring bansagan siyang social activist, walang dahilan upang ang mga Obispo ay hindi maging “social activist”.





Doy Cinco / IPD
July 13, 2006

No comments: