Nakakapanglupay-pay, nakakapagod, paulit-ulit, nakakasawa't parang pakirandam ko anumang sandali'y puputuk na ang Bulkan Mayon. Kaya pa namang magtiis sa noodles at panis na kanin, kaya lang mukhang hindi ata kahirapan at sikmura, bagkus politikal, pagkakaisa't kamulatan ang magpapakilos upang muling magrebolusyon ang tao.
Kaya pang sikmurahin hanggang 2013, mahaba ang pasensya't pisi. Parang gusto kong piliting maniwala, kaawaan ang country, masaksihan at muling panuurin ang SONA.Hindi dapat maging pikon, hindi dapat umiral ang damdamin at emosyon.
Gusto kong masaksihan ang mga sipsip, ang mga ganid, ang mga buwaya, ang mga alagad ni luciper, ang mga pulitikong nakangising aso, ang mga palakpak na milyon ang katumbas, bumabalentong, nagsisirkuhan sa tuwa't galak, sa grasya't ihahatag muli't muli, halikan muli't muli ang tumbong ng panginoon, si Ate Glo.
Muling tatasahin sa SONA ang lahat ng pinaggagawa, hindi lamang nung nakaraang taon maging sa limang taon (5) niyang iligal na pag-uukupa sa Malakanyang. Bokya? May palatandaan (indicator) bang susundan, may sukatan bang pinagbatayan, ano ang kanyang isusuma, ano ang bago, nasaan ang policy direction, nasaan ang ROAD MAP?
Sa simpleng mamamayan (27% SWS), nasaan ako diyan, ano ang kaugnayan ko sa SONA, nakapagbigay ba ng trabaho ang SONA? Para kay Mang Juan, tipon-tipon lang ng pwersa o re-union lamang ng mga pulitiko't TRAPO-elite ang SONA. Bahi ng survival mode, isang lantay na pamumulitika, isang propaganda ang SONA na nakapatungkol sa isang paksyong politikal na oposisyon.
Subukan nating balikan ang nakalipas na mga SONA:
Sa unang SONA nung 2001, “Bangkang Papel” ng tatlong batang paslit na taga PAYATAS ni Dinky Soliman ang ginamit. “Trabaho, Tahanan, Edukasyon, Pagkain sa Bawat Mesa ang nilaman ng propaganda. Ang tanong, may nagbago ba sa country? “Di kaba NALUOY sa libu-libung naka-bilanggong mga bata? Sa murang idad, milyong sa hanay nila ang pinagsasamantlahan bilang manggagawa!
Iprinopoganda mo pa ang isang milyong trabaho na aatupagin ni Ate Glo kada taon, pagkain sa hapag kainan (noodles), pagpapababa ng kuryente at pagkakaroon ng tubig? Di ka ba NALUOY, maglilimang taun na ang nakalipas, nasaan na ang mga pangako?
Ipinangalandakan nito ang “Strong Republic” sa ikalawang SONA. May nagbago ba sa ating republika? Tumatag ba ang politikal at democratikong institution ng country? Patuloy ang bangayan, maniubrahan at manipulahan, pulitikahan, gaguhan, gridlock at paandaran sa tatlong sangay ng ating republika; ang Ehekutibo, Lehislatura't Hudikatura.
Halos nawala ang pagtitiwala ng country sa Tongreso at sa parti-PARTIDO. Nasalaula ang mga demokratikong institusyon ng country at pumangalawa tayo sa rating ng pangungurakot sa Asia . Ang Comelec, ang Hustisya, ang Kasundaluhan at Kapulisan, ang Konstitusyong at basic delivery ng serbisyo ay pinahina ng republika.
Sa ikatlong SONA nung 2003, ang insidente ng Oukwood ang sinentruhan. Tatlong taon na ang nakalipas, kung nakiisa lang sana ang chief of staff na si Gen Senga, naibagsak na si Ate Glo nung Feb, '06. Humalili nga si Esperon kay Senga, pero nagpapatuloy ang pag-aalburuto sa hanay ng Kasundaluhan.
Dalawang matataas na pinuno ng Marines/Naval officers ang nagbitiw ng tungkulin dahil sa pagkakatalaga ni Esperon sa pwesto. Kung napakalma ni Esperon ang Army at Magdalo, walang dudang kumukulo ang bulkan sa hanay ng mga Marines. Nasaan ngayon ang ipinangakong repormang panawagang isinusulong ng mga junior officers sa AFP?
Ang pagkatalo ng oposisyon at si Angelo de la Cruz ang laman ng 2004 SONA ni Ate Glo. Kung 'di lamang sa mga Obispo, Tabako at kay Tainga ay natuluyan ng naibagsak ang gubyerno ni Ate Glo. Nakakadalawang beses ng sinusuwerte ang gubyerno ni Ate Glo.
Nung karaan taon, 2005 ang debate at pagsusulong ng Cha Cha, fiscal reform ang nilaman ng SONA ni ate Glo. Pinagyabang ang planong pagpapalit ng sistema ng paggugubyerno at isusulong ang Cha Cha bilang solusyon sa kahirapan. May bonus pang panawagan sa Tongreso, ang fiscal reform at anti-terrorism. May nangyari ba?
Bulilyaso ang cha cha at People's Initiatives, nabutata rin sa Tongreso ang Anti-Terrorism bill at may kaunting nangyari sa fiscal reform? Kung nauto nito, nabili mo si Tongresman sa anti-impeachment complaint, lumagapak naman itong i-lobby ang anti-terrorism bill at cha-cha.
Ano ang inaasahan natin sa SONA;
1. “tinalo” nito ang Magdalo at napigilan nito ang tangkang “take-over hostage at pagpapasabog sa Tongreso.” 2. Pinahina nito ang CPP-NPA-NDF 3. nasawata nito ang pipol power at tinagpas nito ang ulo ng lumalaking “critical mass” ng kalaban
4. tineknikal knock out nito (TKO) ang elite opposition sa planong impeachment complaint sa Tongreso 5. binusug nito, binulabog nito, nineutralized nito (sinalaula) ang CBCP, partibong Liberal Party (LP Drilon at Atienza faction), ang yellow army ni Tita Cory, iba pang Partido at namumuong sintyemento sa AFP at PNP.
6. Naitago, naprotektahan nito ang sariling alipores (464) sa tangkang panlalait ng Senado sa in Aid of destabilization hearings (JocJoc Bolante, Garcillano at ilang cabinet official) 7. nakonsolida nito ang sariling paksyong politikal laban sa pagrerekisa niTainga't Tabako. 8. na-outsmart nito ang politcal opposition sa larangan pang-propaganda 9. nauto't nakontrol nito ang mga local executive (LMP, UPAP), Sigaw ng Bayan at matagumpay nitong naiwasiwas ang panlilito sa country 10. dahil sa E-VAT, humusay raw ng 14% ang financial sector/capacity ng bansa at kumpyansa ng mga dayong mamumuhunan 11. lumago raw ng 6.0% ang GDP ng bansa at dahil daw sa Call Centers, maraming na- empleyong mga bagong graduate 12. nauto nito ang China at S Korea na maglagak ng puhunan sa bansa (Northrail at iba pa)
13. umunlad raw ng 6% ang sektor ng agrikultura 14. tumaas raw ng 5% ang dollar remitances mula sa OFW 15. Apat na malalakas na Regions ang nabuo. Isang iskimang mag-sasalansan ng maayos na pamamahagi ng dinero, ng weteng money, ng biyaya, maliit na kaharian-daynastiya, wardlordismo, pantay-pantay na pangungulimbat, pamamahagi ng pangungukurakot at higit sa lahat sistematikong pagdurug sa mga kaaway sa pulitika ni Ate Glo.
Kaya lang, anuman retoke, propaganda't panlolokong gawin ang Malakanyang, sa kabila ng matatagumpay (kuno) na ihahayag ni Ate Glo sa Lunes, sa SONA, hindi na nito lubusang mareresolba ang malalang krisis politikal at elehitimong paggugubyernong kinatatayuan at lugmuk na strong republic.
Doy Cinco
July 22, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment