Kamakailan lang, nag-labas si Ate Glo ng isang bilyon pisong pondo (P1.0 bilyon) upang sawatain ang kilusang komunista sa bansa. Layon nitong magsagawa ng matinding counter insurgency na siyang dudurug sa CPP-NPA sa loob lamang ng dalawa hanggang tatlong taon. Ibig sabihin, bago matapos ang kanyang termino sa 2010, ganap na raw maigugupo ang mga komunista? Kenkoy at nakakabahala itong panawagan ni Ate Glo, pulis at militar lamang ang mabubusog at makikinabang dito. Yung classroom lang, yung traffic lang, yung iskwater lang, ang pangungurakot lang, pagbibilang lang ng boto ay 'di mareso-resolba, ito pang kilusang komunismo? Kung kailan papahina na ang CPP, gusto pa yata nitong palakasin, isalba, buhayin, paramihin at patatagin.
Tayo na ang may pinakamatagal na communist insurgency sa Asia. Mula 1930s, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, nagsimulang bumulwak ang Kaliwa bago at matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII). Sumambulat bilang isang rebolusyunaryong kilusan sa Gitnang Luzon, Kalakhang Manila hanggang sa iba pang bahagi ng Pilipinas. Sa mahigit dalawampung taong pakikibaka (1950s), nagapi ang insureksyon at rebelyon. Matapos ang ilang taong paghupa, muling namukadkad noong 1960s, kasabay ng pag-igting ng “Great Proletarian Cultural Revolution” sa Tsina. Nagsimula sa 150 kadre't mandirigmang guerilla nung 1968, daynamikong bumulusuk nung first quarter storm (FQS) ang kilusang estudyante nung 1970.
Umastang kartel-monopolyo ang CPP-NPA-NDF sa pakikibakang anti-diktadurya nung dekada '70. Lumobo ito ng mahigit kumulang na 25-35,000 armed guerilla nung dekada ‘80.
Tumanggap ng sunud-sunod na tactical error, humina nung huling bahagi ng taong ‘80 at unang bahagi ng dekada '90. Tinatantyang mayroon na lamang itong 7-10,000 hukbo at kulang-kulang isang milyong simpatisador at mga kasapi. Sa panawagang “national demokratikong rebolusyon” at classic na Maoistang istratehiyang “people's protracted war,” nagsimula ang samut-saring debate sa loob ng balangkas na pagsusuring ginamit sa Lipunang Pilipinas.
Subalit, sa unang quarto ng dekada 80s, sa katindihan ng pasismo, sa kalagayang nasa bingit na ng pagbagsak ang diktadurya, sumambulat at tumindi ang open-legal mass movement sa kalunsuran. Ang pagpaslang kay Ninoy Aquino, ang pagbagsak kay Marcos at pagbabalik ng constitutional democracy, nagsimula ng pag-aralan, magmuni-muni, suriin at i-evaluate nito ang istratehiya't taktika ng partido.
Una, ang diin ay sa kanayunan kontra kalunsuran;
Ikalawa, ang armadong pakikibaka laban sa 'di armado at
Ikatlo; Kilusang Lihim (UG) kontra sa open-legal na pag-oorganisa't pakikibaka.
Sa kabila ng alingasngas at debate sa loob, ipinaggitgitan ang patakarang iboykot ang February 1986 Presidential “snap election”. Ilang araw matapos ang pinakamaduming election sa kasaysayan ng Pilipinas, sumabog ang “Edsa Revolution”. Nalagay sa gilid-gilid ang CPP-NPA-NDF, hindi nakibahagi, nagpabaya at hindi napamunuan ang isa sa makasaysayang pipol power rebolusyon ng mundo.
Masakit man tanggapin (sapagkat naging kabahagi rin tayo dito), mga unang taon ng dekada 90s, nagsimulang nanghina, nadis-orient ang kilusang kaliwa sa Pilipinas. Ito ba'y dahil sa husay ng anti-isurgency campaign ng US, Cory, FVR ni GMA, dahil ba sa DPA agent (OPML, AHOS)? Ano kayo hilo, syempre maliwanag na hindi!
Mahilig tayong mangopya't humalaw (junket) sa labas, Brazil-Lula,Chavez, Morales ng Bolivia, South-East Asia at kung saan-saan, samantalang super yaman tayo sa karanasan dito. Bode-bodega na ang mga datos natin (emperical data), hindi naman naisasa-theorya (theorizing,). Walang dudang tama si Marx at Lenin, sa panahon nila. Sa konteksto ng China, korek si Mao, totoong matalino si Trotsky at umangkop si Kasamang Fidel sa Cuba at si Ho Chi Minh ng Vietnam.
Kaya lang, sa ngayon, ibang-iba na! Malaki na ang ipinagbago ng mundo at lokal na konteksto. Hindi na lamang simpleng US Imperialism, feudalism ang labanan sa ngayon, usap-usapan na rin ang global imperialism-global authority, WTO, neo-liberalism at paglakas ng transnationalization. Ano ang isang epekto nito?
Humina ang soberanya't estado ng mga bansang tulad ng Pilipinas. Kasabay ng rumaragasang Globalization, nabulilyaso ang socialist experiment sa Europa, bumagsak ang Berlin Wall at nagwakas ang cold war, naiwang nag-iisa ang imperyalistang Kano at Iraq, Afghanistan, Al Queda,Iran, Mindanao at langis na ang pangunahing pinagka-kaabalahan nito.
Hindi na uubra ang “class based” (batay sa uri-mapang-aping uri) at direktang nakatuon palagi sa estado ang panawagan. Hindi na sumasapat ang structural analysis, ang istratehiyang “people's protracted war” at insureksyon. Lumabo na ang “vanguardism,” “abanteng destakamento,” at “uring manggagawa, hukbong mapagpalaya.” Tanggapin man natin o hindi, ito ang nagdudumilat na katotohanan! Kung dati-rati'y may buto sa gulugud, may political authority (democratic institution) ang mga estato, ngayon ay halos palamuti na lamang sila sa mata ng mundo. Ano ang mga palatandaan nito?
1. Financial authority na sa ngayon ang lumalabas na siga-siga (non-elected) mapagpasya't makapangyarihan sa patakarang pampulitika (IMF-WB, ADB, Multi-Lateral Agency at iba pa).
2. Lumilitaw ang iba't-ibang non-government organization para tapatan at sabayan ang inutil na estado. Sila ang umako bilang tagapamandila, tagapamagitan at mediator (NGOs-POs) sa marginalized sector ng bansa.
Maraming naitayong non-party political formation at political blocs. NGOs ang nag-provide, nagsuma, nag-theorized ng pang-ideolohiya't pang-organisasyon, distinctly political at developmental work sa balangkas ng “people empowerment.”
3. Dahil weak ang estado, lumaki ang papel ng pribado, negosyo at korporasyon. Ang ilan litaw; dating Kongresman Mark Jimenez (nagpaluwal ng milyun-milyon sa Plan holder, umuupak sa ismagler na si Lucio Co ng Puregold), Danding Cojuanco, Lucio Tan, Yuchenco, Taipan, (mga foundation ng ABS-CBN at GMA-7) Wowowee-Ultra, media, mga Drug at Gambling Lord. Sila ngayon ang mas may malaking impluwensya sa gubyerno't mamamayan.
Marami sa atin maso't karet, ND pa rin ang asal at gawi. Marami sa atin, istilong "UG" pa rin ang taglay . Walang problema basta't nauunawaan, popular ang lenguwaheng gamit, naiintindihan at tanggap tayo ng mamamayan. Kung hindi tayo magsusuri at magmumuni-muni, "may isang bilyon pondo man o wala si GMA, kusang hihina ang Kaliwa sa Pilipinas.
Hamon sa atin
Hindi nangangahulugang humupa na ang kilusan sa Pilipinas sa tulad na ipinamamarali ng iba. Sa katunayan, mas dumarami, nag-uusbungan at nakakalat ang mga nga ito. Nasa atin na lamang kung bukas tayo, kung makikipag- ugnayan tayo,makikipag-lasolidaridad, seryoso at tanggaping ang batayan ng pagkakaisa ng mga grupong ito.
Nagkakaiba-iba ang hugis ng identidad, porma ng kolektibong pagkilos, interest at tipo ng organisasyon ng mga kilusang ito. Tanggapin na nating maaring hindi na ito tulad ng inaasam-asam nating parti-partido at oraganisasyong pang-sektoral. Hindi na pupwede ang turfing, gapangan, kahuyan at pirating ng mga tao-tao. Lalong hindi na uubra ngayon ang sektarianismo, "ang kami lang ang tama, kami lang ang wasto, kami lang ang maliligtas, kami lang ang may dala ng tamang patnubay at direksyon. Hindi na uubra ang ideologically oriented na samahan.
Ang “in” ngayon, ang click ngayon, ang uso ngayon ay dia-dialogo, diskurso o conso- consortium. May “kababawan”, sa kabilang abanda bukas at ‘di nagsasara ng anumang direksyon o posibilidad. Ilan sa kanila’y may ispasyong inilalatag sa adhikaing politikal at higit sa lahat, popular, sapol at interests ito ng mamamayan.
May mga nakatayo-itinatatag na grupong seryoso sa electoral reform, mga alyansang nananawagan ng constitutional reform, maka-kalikasan-ekolohiya, military-reformer advocates, pang sports, showbiz at entertainment. May lumalaking grupo ng ICT (information at communication technology) E-group, Bloggers at OFW (overseas Filipino workers) advocates, karapatang pambata, peace and order, human rights (tutok sa state at non-state), kilusang pang-ekonomyang nakatutuk sa masalimuot na isyu ng finacial crisis, may grupong (NGO-POs) nagmamalasakit sa isyu ng pampublikong yutilidad (Maynilad -tubig, kuryente, pabahay), mga neighborhood-magkapitbahay association, hanay ng simbahan at ang isyu ng moralidad (prostitusyon, gambling/weteng), grupo ng sex workers at marami pang iba. Hindi na lamang nalilimita sa isyung sektoral.
Totoong lumalala ang krisis pampulitika ng bansa. Kaya lang, sabay-sabay, maraming klaseng krisis ang tumatama sa country, nadiyan ang krisis sa moralidad, pangkultura’t pang- ekonomya. Nagdidiversify, nakumplika’t nauuwi sa iba’t ibang klaseng pamamaraan at taktika ang mga krisis. Mangangailangan na ito ng kasanayang (skills) teknikal (pananaliksik at pangangalap ng datos) ang mga laban.
Walang dudang lumaki at nagdiversify ang sektor ng kababaihan. Hindi na lamang simpleng isyu ito ng matriarkal at patriarkal. Kalat-kalat, iba-iba ang agenda at patuloy ang pagiging watak-watak, debate at pag-aaway.
Nagbago na rin ang sitwasyon sa sektor ng manggagawa. Ang nakakalungkot, may kilusang unyonismo at kilusang manggagawa na nananawagan ng “tunay, palaban at makabayan” at nakikipag-balitaktakan sa usapin ng unyunismo laban sa dilawang unyumismo, peke at genuine. Kung may “unyunista at may aktibista sa hanay ng paggawa, may nagrere- presenta ng Partido ng Manggagawa at vanguard party."
Kasabay nito, malaki ang ipinagbago at hugis ng industriya. Hindi na lamang usapin ng bansa't mk-bansa, bagkus kinukunsidera na rin ang lagay ng globalisadong lagay ng pang-rehiyon. Malaking bahagi ng pabrika’y halos nagsara na’t inililipat na sa kalapit bansa.
Nakakalito na rin ang kalagayan ng sistema ng employment sa bansa. Nagbabago ang kahulugan at konsepto ng trabaho, hanapbuhay at tunay na kahulugan ng “full employment” ayon sa isinasaad na standard ng International Labor Organization (ILO).
Ang nakakalungkot, ang mahalaga sa tao ngayon ay ang pagkakaroon ng trabaho (regular o hindi, maliit o mababa ang sahod, may equity ba o wala, kung may seguridad o wala, kung may dignidad o wala, kung tama ba o pinili ba niya ang trabaho o napilitan lamang). Isa pang pangitain ang lumalaking bilang ng child labor sa bansa (isa sa pinakamarami sa Asia). Ultimo nga IRAQ ay susuungin ng Pinoy basta’t may hanapbuhay at sapat na dolyar na mauuwi sa pamilya.
Laganap ngayon ang inpormalisasyon (informal economy) ng paggawa. Subukan mong baybayin ang Commonwealth Avenue at makikitang may 10,000 vendor ang nakabalagbag sa bagketa’t nagtitinda. Araw-araw sa ginawa ng diyos na nire-raid ito ng MMDA. Mas malaki na ang bilang ng kontrakwal kaysa sa regular na manggagawa. 80% ng kabuuang manggagawa sa kasalukuyan ay inpormal. Malaki rin ang problema sa hanay ng pormal na
employment sapagkat nakakaranas pa rin ng paglabag sa requirement ito ng pag- eempleyo. Talamak ang sistemang trainee ng anim na buwan, walang SSS at walang benepisyo.
Habang patuloy na lumiliit ang bilang ng Unyon, lumalaki naman ang bilang ng “independent union”. Naglilitawan ang mga bagong tipo ng samahan, mga bagong “asosasyon o ibang tipo ng samahan” na itinatayo sa pagawaan.
Kumplikado na rin ang hanay ng magsasaka. May worker-peasant na tinatawag at may usaping magkaiba ba raw ang magsasaka sa pesante? Minsan nagiging parokyal ang interest ng bawat isa (pinalalabas na may kontradiksyon o magka-contra fellow pa ang magsasaka sa manggagawa). May kanya-kanyang tinutungtungang environment, agenda at kadalasa’y nag-iiba-iba ang engagement.
Hindi na lamang simpleng debate sa tactical engagement (diversification of areas of engagement), ang usapin ngayon, kundi ay kung sino ang may wasto at epektibong may basa (reading) sa nilulugarang konteksto o sektor. Ang hamon sa ngayon ay kung ang isyu-usapin ay contestable o kayang icontest ang laban? Ang hamon sa ngayon ay kung paano kikilalanin ng mas malawak na diskurso sa politika, pang-ekonomya’t usapin ng demokratisasyon.
Hindi na lamang usapin ito ng pagiging “rebolusyunaryo, nananawagan ng reporma o ang pagiging repormista” o isahang pagtingin ng mga bagay-bagay (plurarity). Ang isa ng malaking katanungan ngayon ay kung paano mapapaunlad ang kapasidad ng mamamayan bilang mamamayan (political at civil citizenship) at bilang social citizenship na may imahinasyon, mapanglikha at compassionate!
Sources:
Patino, Norman. Emerging Activism.
Activist School Session. November, 2004.
Doy Cinco
July 12, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment